ANG SSS: ANG AHENSIYANG PIPILA KA PARA MALAMAN MONG WALA KA PALANG PAG-ASA
May mga ahensiya sa Pilipinas na kahit ipagdasal mo pa sa tatlong santo, hindi nagbabago. At nasa tuktok niyan ang SSS. Ito ang pambansang paasa. Kolekta nang kolekta buwan-buwan kahit hindi mo sila naiisip, pero kapag ikaw na ang may kailangan, bigla silang nagiging urban legend ang serbisyo.
Ganito ka-simple ang gusto mong gawin: magpalit ng contact number. Sa ibang bansa, two clicks. Sa atin, parang humihingi ka ng kidney transplant. Pipila ka mula madaling araw, makikipag-unahan sa senior na may dalang payong, tapos pagdating mo sa harap ng counter, five minutes ang processing. Oo, five minutes. Pero bago ka makarating doon, half day to whole day ang kapalit ng buhay mo.
At eto ang foul: hindi ito accident. This is design. Anti-user. Anti-poor. Anti-common sense.
Tingnan mo yung TOTP nonsense nila. QR code na lumalabas once. Kapag hindi mo nasagip, hindi mo na makikita ulit. Sino ang bright idea niyan. Binabasa mo pa instruction nila. Kulang, mali-mali, at walang warning na "hoy, pag hindi mo nakuha ito, punta ka sa branch, ubos ang isang araw mo." Kung app developer gumawa nito sa private company, tanggal agad. Pero sa SSS, standard procedure.
Tapos kapag nag-email ka, walang sumasagot. Para silang multo. Pero wag ka. Pag late ka maghulog, instant alert. Ang galing.
Sa branch naman, Diyos ko. Kanya-kanyang rules. Minsan may number coding. Minsan good for 50 lang today. Minsan wala silang alam gawin sa kaso mo. Minsan sila pa ang galit. Yung tipong mukha mo pa ang may atraso kahit ikaw ang nawalan ng sweldo para pumila sa kanila. Ang ending, ikaw ang taga-suffer at sila ang taga-pirma lang.
At yung pila, ibang klase. Parang calamity line. May OFW na limitado ang bakasyon pero nilamon ng sistema. May arawan na walang choice kundi mag-absent at sumabay sa seniors na halos magpapatayan para sa seat. May nanay na hindi techy kaya kailangan isama ang anak na mawawalan din ng sahod. Lahat sila pinaparusahan para sa simpleng bagay na kayang-kaya namang gawin online kung hindi lang ginagawang museum exhibit ang website nila.
Tapos eto pa. Yung iba, nag-update na ng number sa branch. After ilang buwan, biglang iba na ulit number na naka-reflect. Sino gumawa nun. Multo. Cyber elf. Walang accountability. Walang trace. Pero ikaw ang hahabol. Ikaw ang mag-aadjust. Ikaw ang papahirapan ulit.
Alam mo kung ano ang tawag dito sa ekonomiya?
Opportunity cost. Pero sa SSS, ang opportunity cost ay hindi theoretical. Literal. Isang araw na walang kita. Hindi ka kumain. Hindi ka nagbenta. Hindi ka nag-grab. Hindi ka nag-overtime. Hindi mo nabantayan ang anak mo. Lahat ng iyon, tapon, kapalit ng limang minutong encoding.
Ito ang pinaka-nakakagalit. Kung gusto talaga nila ayusin, kaya nila. Dagdagan ang counters. Ayusin ang app. Gawing may sense ang instructions. Maglagay ng tunay na customer service. I-automate ang basic changes. Pero hindi nila ginagawa. Bakit. Kasi hindi sila ang nasasaktan. Hindi sila ang nauubusan ng pamasahe. Hindi sila ang umaabsent. Hindi sila ang nasisigawan ng guard. Hindi sila ang nakatayo nang limang oras.
Tayo.
Tayo ang umatras sa trabaho. Tayo ang nawalan ng income. Tayo ang bumili ng load. Tayo ang naghintay. Tayo ang nagtiis. Tayo ang ginawang kalaban ng sistema. Sila naman ang diretso kaltas buwan-buwan, parang walang mali sa mundo.
Kaya klaro ito. Hindi inefficiency ang problema ng SSS. Hindi kakulangan ng budget. Hindi kakulangan ng tools. Ang problema ay kultura. Kultura ng "bahala ka sa buhay mo." Sistemang hindi iniisip ang users kasi alam nilang wala kang choice. Hindi ito simpleng inconvenience. Ito ay structural abuse.
Sa huli, may isang tanong na lumulutang.
Kung limang minutong trabaho ang kapalit ay kalahating araw ng buhay mo, anong klaseng social security ang meron tayo.
At hanggang kailan tayo tatahimik habang oras, pera, pasensya, at dignidad natin ang nilalapa ng sistemang dapat sana ay nagpoprotekta sa atin.
No comments:
Post a Comment