Sunday, December 21, 2025

Josefina Guerrero ketong

Isa siya mga taong itinatakwil noon ng lipunan dahil sa sakit na ketong (leprosy, o Hansen's Disease). Ang sakit na kinatatakutan ng lahat ang naging kanyang baluti at sandata upang maging isa sa pinakamagiting na espiya ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang kwento ng isang bayaning hindi nakikita ng kalaban.

Isinilang si Josefina “Joey” Veluya Guerrero sa Bayan ng Lucban, Tayabas Province (now Quezon Province) noong August 5, 1917. Maaga siyang naulila, at inaruga ng mga madre, at kalaunan ay ng kanyang mga lolo’t lola nang magkasakit siya ng tuberculosis. Gumaling siya, at pinag-aral sa kumbento sa Maynila.

Noong 1934, sa edad na 16, nakapangasawa siya ng isang mayamang estudyante ng medisina, si Renato Maria Guerrero, at nagkaroon sila ng anak na babae. Ngunit noong 1941, nagbago ang lahat sa kanya nang siya ay ma-diagnose na may Hansen’s Disease o ketong. Ito ay isang sumpa. Agad siyang iniwan ng kanyang asawa at inilayo sa kanyang dalawang taong gulang na anak.

Nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas noong December, 1942, nawalan siya ng access sa gamot. Habang kumakalat ang Ketong sa kanyang katawan, ay gayun din ang kawalan niya ng pag-asa. Ngunit sa gitna ng kadiliman, gumawa siya ng desisyon: kung mamamat*y man siya, ay kailangang magkaroon siya ng ambag para sa bayan.

Sa edad na 24, naghanap siya ng paraan upang maging sundalo. Nang tanggihan siya dahil siya raw ay “bata pa”, matapang niyang pinaalala sa sarili na kahit si Joan of Arc ay isa ring babae. At doon nagsimula ang kanyang misyon. Sumali siya sa mga guerilla fighters bilang isang espiya at taga-hatid ng balita. Ang kanyang sakit, na sumpa sa paningin ng iba, ay naging kanyang kalasag.

Sa kanyang pagbabalat-kayo, napansin niya ang isang kakatwang bagay: ang mga sundalong Hapon, na karaniwang malulupit at mahilig mangapa ng mga Pilipino sa mga checkpoint, ay nandidiri at lumalayo kapag nakikita ang mga sugat sa kanyang balat. Kapag sinabi niyang siya ay "marumi," pinapadaan siya agad. Ginamit niya ang takot ng mga Hapon sa kanyang kalagayan. Naghatid siya ng mahahalagang mensahe, impormasyon, at suplay ng hindi nila napapansin. Nasaulo niya ang hitsura ng mga opisyal ng Hapon at iniulat ang mga galaw ng kanilang mga brigada.

Ang kanyang mga misyon ay lalong naging mapanganib noong siya ang pinaguhit ng mapa ng mga kuta at pwesto ng kanyon ng mga Hapon sa Maynila. Noong September 21, 1944, pinakinabangan ng mga Amerikano ang kanyang mapa upang durugin ang depensa ng Hapon sa Manila Harbor.

Pagsapit ng January 1945, ibinigay sa kanya ang pinakamapanganib niyang misyon. Sinabihan siyang maghanda na dahil baka hindi na siya makabalik. Ang kanyang gagawin: ihatid ang mapa ng mga underground tunnels sa Maynila patungo sa himpilan ng mga Amerikano na nasa 56 kilometro ang layo.

Kahit paralisado ang kanyang katawan sa pagod at matinding sakit ng ulo, itinago niya ang mapa sa kanyang damit at naglakad. Narating niya ang bayan ng Hagonoy na 25 milya ang layo. Sumakay siya sa bangka sa gitna ng aktibong labanan at nakipaghabulan sa mga mangungulimbat sa ilog. Pagdating sa pampang, naglakad siya ng walo pang milya patungong Calumpit.

Doon niya nalaman na ang mga Amerikano ay nasa Malolos na. Naglakad siyang muli, pabalik sa Malolos, at sa wakas ay naibigay ang mapa kay Capt. Blair ng 37th Infantry Division. Dahil sa kanyang mapa, ligtas na nakapasok ang mga tropang Amerikano sa Maynila, na naging simula ng pagtatapos ng pananakop ng Hapon.

Dito, kung saan mahigit sa 100,000 na sibilyan ang tinatayang namat*y at nawasak at naging sanhi ng lubos na pagkawasak ng lungsod. Sa kabila nito naglakad si Joey sa gitna ng lumilipad na mga bala, ginamot ang mga sugatan, at nagligtas pa ng mga kawawang bata.

Sa halip na parangalan, siya ay naging gala at umiiwas na sa tao pagkatapos ng gera. Siya na mismo ang umiwas sa discriminasyon dahil sa pag aalalang makahawa pa ng iba. Ngunit, nahuli siya at ipinatapon sa Tala Leprosarium sa Novaliches.

Ang kalagayan doon ay kalunos-lunos. Walang kuryente o tubig, at maraming pasyente ang natutulog sa maruming lupa. May maliit na gusali para sa 650 na pasyente, at marami ang namamatay sa gutom. Ngunit hindi tumigil si Joey. Nagturo siya, gumawa ng mga kabaong, at nilinis ang ospital.

Sumulat siya ng liham na naglalarawan sa kalagayan ng leprosaryo. Ang liham na ito ay nakarating sa Estados Unidos at na-expose sa Manila Times, na nagresulta sa imbestigasyon ng gobyerno. Dahil sa kanyang pagsisikap, bumuti ang kalagayan ng Tala—nagkaroon ng mga kama, tubig, mas maayos na rasyon ng pagkain, at dagdag na medical staffs.

Nang mabalitaan niya ang mga bagong gamutan sa Amerika, nabuhayan siya ng loob. Ipinaglaban niya na makakuha ng kauna-unahang Amerikanong visa para sa isang dayuhang may ketong. Noong 1948, dumating siya sa Carville National Leprosarium sa Louisiana. Matapos ang siyam na taong gamutan, tumigil ang pagkalat ng kanyang sakit, at noong 1957, ay bumuti na siya. Ngunit ang mantsa ng ketong ay sumunod pa rin sa kanya.

Nahirapan siyang maghanap ng trabaho at tinangka pang ipatapon pabalik sa Pilipinas. Sa tulong ng mga abogado, militar, at mamamahayag, nakakuha siya ng permanent residence at kalaunan ay naging mamamayang Amerikano. Sa pagod sa mga trauma ng nakaraan, unti-unting binura ni Josefina ang kanyang kasaysayan. Nagpalit siya ng pangalan ng apat na beses, nag-aral, at naglingkod sa Peace Corps. Nag-asawa siyang muli at hindi na bumalik sa Pilipinas.

Nang pumanaw siya noong 1996 sa Washington D.C., ang mga taong nakapaligid sa kanya sa huling 30 taon ng kanyang buhay ay walang kaalam-alam tungkol sa anak na nawala sa kanya, sa kanyang pagiging bilanggo sa leprosaryo, o sa kanyang pagiging isang espiyang nagligtas ng libu-libong buhay.

Ang buhay ni Mrs. Josefina Guerrero ay isang patunay na ang tunay na kabayanihan ay hindi nasusukat sa panlabas na anyo. Ginamit niya ang kanyang pinakamalaking kahinaan—isang sakit na kinatatakutan ng mundo—bilang kanyang pinakamalakas na sandata para sa bayan.

Siya ang espiyang may ketong, ang bayaning naglakad sa gitna ng mga bala. Ang kanyang kwento ay nagpapaalala sa atin na kahit sa pinakamadilim na sandali, kapag ang mundo ay tumalikod sa iyo, maaari mo pa ring piliin ang maging matapang at mabuhay nang may dangal. Ang kanyang tunay na balatkayo ay hindi ang kanyang sakit, kundi ang kanyang hindi matitinag na puso.

#JosefinaGuerrero #KinulayangLarawan #NungAraw



No comments:

Post a Comment