Wednesday, January 11, 2006

Nais mo bang maging Vegetarian?

Nais mo bang maging Vegetarian?

Nais mo bang maging vegetarian nguni’t medyo nahihirapan kang biglang mag-shift mula sa pagkakaroon ng karne tungo sa meat-free diet? Narito ang ilang simpleng hakbang na makakatulong para sa iyo.

1. Simulang damihan ang gulay sa iyong mga nilulutong ulam. Hangga’t maaari palitan din ng mga katumbas na gulay ang karne lalo na sa inyong paboritong lutuin. Halimbawa kung mag-spaghetti, imbes na gumamit ng giniling na karne, ipalit ay mushroom. Maari ring gamitin ang beans lalo na sa paggawa ng iba’t-ibang lutuing pasta tulad ng baked lasagna o macaroni. Maaari ring gamitin ang tokwa bilang pamalit sa karne.

2. Simulang tumingin ng mga vegetarian food sa mga supermarkets o eatery stores tulad ng mga instant soup na gawa sa gulay, veggie hamburgers o hotdog, o mga panghimagas na tofu. Kung oorder ng pizza, piliin ang veggie type. Simulan na ring maghanap ng mga vegetarian dish sa inyong mga suking kainan. Sa kasalukuyan, may mga fastfoods na rin na nag-offer ng mga veggie burger. Mabibili na rin sa mga sikat na lugar kapihan ang mga latte na gawa naman sa soya milk.

3. Para naman sa lutuing karne tulad ng kaldereta o apritada, gumamit ng mga veggie meat tulad ng gluten. Ang lasa nito ay parang tunay na karne at kayang linlangin maging ang mga die-hard na meat eater.

4. Tuklasan din ang mga iba pang vegetarian foods na sikat sa ibang bansa tulad ng humus (gawa sa garbansos), falapel (isang spicy mix ng beans na ginawang “meatballs”) at seitan (gawa naman sa wheat).

5. Ugaliing basahin ang label ng mga binibiling produktong pagkain. Ito ay upang matiyak na ligtas at walang halong karne ang inyong bibilhing de-lata o anumang pagkain.
Suporatahan ang pagpapalaganap ng vegetarian diet sa bansa. Himukin din ang iba pa nating mga paboritong kainan na mag-offer na rin ng mga vegetarian dishes. Dahil ang pag-shift sa vegetarian diet ay maganda para sa ating kalusugan at ating kalikasan.

Bakit ako vegetarian?

(Pagbabahagi ng may-akda sa mga estudyante, magulang at guro sa San Lorenzo Formation Center, Brgy. Lalud, Lungsod ng Calapan noong ika-31 ng Hulyo)

Sampung taon na akong vegetarian. Nagsimula ito bilang isang political decision. Nakumbinsi kasi ako ang higit na maraming bilang ng populasyon ay ang simpleng magsasaka at malaking tulong ang pagtaguyod sa kanilang produkto. Karamihan dito ay plant-based gaya ng bigas, gulay at prutas. Kung tatangkilikin sila, gaganahan silang magtanim.

Dagdag pa rito, higit na malusog ang pagkain kung ito ay “"chemical free"- walang abono at pestisidyo. Pilit ko ring tinalikuran ang junk foods na ma-vetsin - naisip ko, bakit ko gagawing basura ang aking sarili. Bilang media practitioner, batid ko na ang maraming advertisements ay ipinapalabas kahit walang ibubuti sa kalusugan upang kumita ang mga kumpanya. Nung pumasok ako sa Brahma Kumaris bilang estudyante ng meditation, lumalim ang pang-unawa ko sa pagiging vegetarian.

Naunawaan ko na ako ay hindi ang katawan kundi isang kaluluwa. Ang kaluluwa ang nagbibigay-buhay sa katawan na aking costume o instrumento upang makapagpahayag. Kung ang aking katawan ay pinapakain ng 3 beses isang araw, maliban pa ang mga meryenda, higit pa sana rito ang pagpapakain sa kaluluwa.

At dahil ang kaluluwa ay isang enerhiya, naunawaan ko na mahalaga rin ang uri ng enerhiya na ibinibigay dito. Ang plant-based diet ay halos walang stress kumpara sa pagkaing-hayop.
Ang paraan ng pagpapalaki sa hayop (baboy atbp.) hanggang sa pagkuha ng karne nito ay “stressful.” Madumi ang ilang pinapakain dito. Parang torture ang pagpatay dito. Ang uri ng enerhiya ng pagkain mula rito ay nakukuha natin. Kaya nga may mga taong hindi mapakali, stressful, magugulatin, hindi stable atbp. Dagdag pa dito ang mga chemicals na itinuturok upang hindi mabulok at langawin. Kung sabay mong iwan ang plant-based na pagkain at karne, ‘di katagalan ay lalangawin at uuurin ang karne at mabubulok samantalang ang gulay ay malalanta lamang.

Sa loob ng sampung taon, higit akong naging mapayapa, masayahin, malayo sa sakit at malikhain dahil sa pag-eeksperimento ng mga menu. Naging resourceful din ako sa pagkuha ng mga nutrisyon na kinakailangan ng katawan tulad ng nuts. Naging disiplinado at determinado ako. Higit sa lahat, mas madaling kumonek sa Diyos dahil maganda ang vibrations. Om shanti. Ito ang pagbati ng kapayapaan sa Brahma Kumaris.

Ang bigas ay buhay!

Dahil genetically modified na ang ibig sabihin ay binago ang naturalesa ng bigas, hindi tayo makakasiguro na ang pagbabago ay puro kabutihan ang hatid sa atin

Ipinagdiriwang ngayong 2004 ng Samahan ng Nagkakaisang Bansa o United Nations ang "International Year of Rice" o Pangdaigdigang Taon ng Bigas" . Sa pamamagitan ng temang "Rice is Life' o "Ang Bigas ay Buhay" naglalayong ipagdiwang ang bigas at ang buong kulturang pumapaloob sa pagtatanim, pag-aani, pagtitinda, pagbili, pagluluto at pagkain ng bigas at ng mga iba’t ibang produktong buhat sa bigas.

Bilang mga Pilipino, kinagisnan na natin ang kanin sa ating hapag kainan. Bihira kung mayroon mang pagkakataon na hindi ka makakakita ng kanin na bawa’t panahong may kainang Pinoy.
At hindi lang kanin ang ating nakasanayan na kagiliwan, nandyan ang ating mga kakanin tulad ng puto, kutsinta, palitaw at kung anu-ano pang kakanin na buhat sa bigas. Mayroon pang ampaw na bihira ko na lang yatang makita at makain ngayon. May mga makabagong meryenda rin tulad ng ilang tsitsirya na galing sa bigas. At hindi rin nakaligtas ang bigas sa hilig ng Pinoy sa pag-inom ng alak, ang "tapuy" ay galing sa bigas kaya nga tinatawag sa Ingles na "rice wine." Hindi ko pa natitikman ang "sake" ng mga Hapon, pareho kaya sila ng sarap?

Nakakalungkot lang na pag-isipan ang ilang mga usapin pagdating sa bigas. Dati dito lang nag-aral ang mga taga-Thailand at Vietnam tungkol sa pagtatanim at pagpapayabong ng bigas habang tayo ay nakakapag-padala na ng ating bigas sa ibang bahagi ng mundo. At ang ating bigas ang itinuturing na isa sa pinakamasarap na bigas. Hindi na yata ito totoo ngayon. Nakakatawa nga kasi, merong mga Pilipinong may kamag-anak sa Amerika na kasamang nakalagay sa kanilang mga padala ang bigas "Jasmine" na galing Thailand.

Mas maganda rin daw ang dami ng ani ng palay sa Thailand kung ihahambing sa atin. Hindi naman katakataka dahil buhay na buhay ang kanilang mga ilog na siya na ring pinanggagalingan ng kanilang patubig at hindi sila gumastos ng malaki sa patubig para mapag-ibayo ang kanilang ani. Kumpara mo sa dumadaming ilog sa Pilipinas na malapit nang ituring na patay at ni hindi na maaring gawing patubig sa ating mga palayan dahil sa sobrang dumi.

Umuusad naman ang ating teknolohiya pagdating sa palay. Kung noong dekada 70 naging maugong ang Masagana 99 dahil ikinapupuri ng dating administrasyon ang 99 sakong ani sa bawat hektarya, ngayon mayroong Gloria rice na nagdadala ng mahigit pa raw sa 200 sako bawat hektarya. Mas masarap at mas mabango raw na ‘di hamak ang Gloria kung ikukumpara sa ibang bigas. At dahil marami ang inaasahang ani, inaasahang bababa rin ang presyo ng bigas dahil dito.

Sa pangunguna ng ating mga masisipag na siyentipiko sa International Rice Research Institute o IRRI sa Los Banos, Laguna nagkaroon din ng Golden Rice na isang Genetically Modified Rice para matugunan ang pagkukulang ng ating mga kababayan sa Bitamina A na siyang itinuturong dahilan ng pagkabulag ng ilan sa ating mga kabataan.

Nakakatakot nga lang ang usapin sa iba pang klase ng mga bigas na itinutulak ngayon, isa na ang BT rice. Kahit na itinuturing na walang kasiguruhang masamang epekto ang resulta ng mga pagsusulit na ginawa sa ilang katutubong B’laang magsasaka sa Bukidnon na nakitaan ng "BT Toxin" sa dugo matapos na makakain ng BT corn — isang uri ng mais na nilagyan ng katangian ng isang bakterya, (ang katangiang inilalagay din sa BT rice)— kinakailangang siguruhin na walang anumang masamang epekto sa mga tao at iba pang nilalang ang pagtatanim at pagkain ng mga organismo na may BT. Kahit na sinasabi na ang BT ay makikita lamang sa dahon at hindi sa mga butil ng palay, kailangang matiyak na hindi nagagalaw ang mabuting naturalesa ng ibang mga buhay na nilalang sa bukid. Dahil genetically modified na ang ibig sabihin ay binago ang naturalesa ng bigas, hindi tayo makakasiguro na ang pagbabago ay puro kabutihan ang hatid sa atin. Wala pang malawakang pag-aaral sa epekto ng mga kakaibang bigas na ito at nakakalungkot na ibinebenta na ito at kinakain ng ating mga kababayan kahit ‘di pa tiyak ang kaligtasan nito.

Dahil sa mababaw na kamalayan at dahil na rin walang babalang nakasulat sa mga pakete ng naturang bigas, baka magkaroon na lang ng malawakang reaksiyon ang ating mga katawan. Pangangati, pagpapantal, pagtaas ng bilang ng mga hinihika at may “allergy” ang ilan lang sa mga nakita nang resulta ng reaksiyon ng ating katawan sa mga Genetically Modified Organisms (GMO).


Mahigit 3 milyong musmos ang malnourished

Bawa’t tao daw ay maaaring makapuno ng lahat ng kailangang sustansya sa P29 bawat araw, pero marahil ito ay kung alam ang tamang bilihin

Nakakakilabot manirahan sa isang lipunang pumapayag na isa sa bawa’t tatlong bata ay kulang sa nutrisyon. Pero sa nakaraang sampung taon ay ganito na ang naging sitwasyon sa Pilipinas.
Kung kukunin pa lamang ang resulta ng mga pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute noong 2003 sa mga musmos o hanggang limang taong gulang, 27.6% ang mababa ang timbang, 30.4% ang maigsi. Ang dalawang palatandaang ito ay nagsasaad na halos isa sa bawa’t tatlong musmos na Pinoy ay lubhang kulang sa nutrisyon.

Ang masaklap pa, magandang balita na nga ito dahil ang pinanggalingan noong pag-aaral noong 2001 ay 30.6% ang mababa ang timbang. Sa loob ng 14 na taon ng pagsusuri ng timbang ng mga batang 0-5 taong gulang, halos wala tayong nagawa. Mabuti-buti na nga daw ay halos 3% ang ibinaba ng mababa ang timbang dahil mula 1990-2001 ay 3.9% lamang ang ibinaba ng numerong ito. Samakatwid ay nagawa yata sa loob ng dalawang taon ang hindi kaya sa loob ng labing-sa? Mali pa rin, dahil ang numerong ito ay porsyento. Kung akwtal na bilang ng mga bata ang pagbabatayan, hindi siguro masyadong nagbago dahil lumaki naman ang bilang ng mga bata.
Hindi na nakapagtataka na ang banggit ni Senador Ralph Recto ay gumagamit ng pamalit-ulam ang mga Pinoy — sa halip na gulay, isda o karne, ang iniuulam na ay toyo, kape, mantika, asin, asukal na pula, bagoong, gatas na malapot, gatas na pulbos, soft drinks at powdered chocolate drinks. Nakalimutan pa ‘ata ni Senador ang instant noodles na siyang pinakamalimit kaining pagkaing‘‘di-sariwa kasama ng sardinas.

Ang resulta noong 2001 ay mas nakakabagabag kung hihiwa-hiwalayin ang porsyento ng isa-isang taon. Sa mga sanggol na hanggang isang taon, 11.9% lang ang mababa ang timbang. Nguni’t pagtuntong ng isang taon, 35.6% na at pagdating ng dalawang taon ay 35.2% na ang mababa ang timbang. Maipapaliwanag daw ito, sabi ng mananaliksik, dahil bago mag-isang taon, mas maayos ang sustansiya ng bata dahil sumususo pa sa ina. Pagdating daw ng isang taon ay binubutaw na at hindi naman napapakain ng husay kaya’t bumabagsak ang katawan.

Halos nagkakaisa ang lahat ng siyentipiko na ang 0-3 years and pinaka-importanteng taon kapag nutrisyon at pagkain ang pinag-usapan lalo na sa pag-debelop ng utak. Kung dahil sa pagbubutaw ang pagbagsak ng katawan, dapat nga yatang iwasang ibutaw ang bata. Hindi ba’t sabi naman ng lahat ng lata ng gatas ay pinakamahusay pa rin ang pagpapasuso ng ina hanggang dalawang taon?

Noong 2002 ay naalarma na ang World Health Assembly sa patuloy na pagbagsak ng kalusugan ng mga sanggol at musmos. Nagpasa ito noon ng Global Strategy for Infant and Young Child Feeding at idiniing muli ang kahalagahan ng pagpapasuso hanggang dalawang taon at lampas pa. Itinakda rito na bawa’t bansa ay dapat magtakda ng target na dapat abutin upang maipatupad ang maayos na kalusugan ng mga sanggol at musmos.

Sinabi rin sa estratehiyang ito na dapat tiyaking hindi papalitan o hahayaang mabawasan ng micronutrients o anupamang supplements ang wastong pagpapakain ng lokal at karaniwang pagkain. Samakatwid, kahit may sangkap-pinoy na tatak, hindi dapat mapalitan ng chichirya ang tamang pagkain.

Ayon din sa estratehiya, dapat ay gatas ng ina lamang ang ibinibigay sa bata hanggang anim na buwan — walang tubig, am, pagkain o tubig na may asukal dahil ang lahat ng ito ay magpapabawas ng pagsuso. Pagdating ng anim na buwan ay dapat nang bigyan ng mga pagkaing likas na makikita sa lugar. Ilan dito ay mga karaniwang maitatanim at mapipitas lamang sa kahit maliit na bakuran — malunggay, papaya, bayabas, pipino, kalabasa, saging, mangga, talong, kamote, kalamansi.

Bawa’t tao daw ay maaaring makapuno ng lahat ng kailangang sustansya sa P29 bawat araw, pero marahil ito ay kung alam ang tamang bilihin. Sa katunayan, maaari pa ngang mas mababa rito kung may mga tanim naman kahit sa paso. Ang problema ay mahirap nang magpatubo ng halaman sa patay na lupa. Iisa ang pangbuhay sa lupa — huwag nang ibigay sa basurero ang nabubulok, ilagak ito sa lupa na may hangin, tubig at araw at magiging pataba ito o compost.
Dugtong-dugtong talaga ang buhay.

No comments: