Ni Candy Cusio
Isang gabi, napanaginipan kong ako'y naglalakad sa dalampasigan kasama ang Panginoon. Tumambad sa aking paningin mula sa kadiliman ng langit ang mga pangyayaring naganap sa buhay ko. Sa bawat eksena, napansin ko ang dalawang pares ng mga bakas ng paa sa buhanginan, isa ay pagmamay-ari ko at ang isa naman ay sa Panginoon. Masaya kaming nag-uusap at ang presensya Niya ay sadyang nakakapagpaligaya sa akin.
Hanggang sa dumating ang mga unos sa buhay ko. Muli kong tiningnan ang mga bakas. Namangha ako nang mapansin kong pagdaan ko sa bawat pagsubok ay iisang pares na lamang ng bakas ang naroon. Gumulo ito sa aking isipan kaya't ako'y nagtanong: "Panginoon, sinabi mo sa akin na kapag ako'y sumunod sa Iyo, makakasama kita sa bawat oras ng buhay ko. Bakit noong ako ay dumaranas ng kapaitan ay isang pares na lamang ng bakas ang nasilayan ko? Hindi ko maintindihan. Bakit noong kailangan kita ay saka Mo pa ako iniwan?"
Kanyang ibinulong sa akin nang buong hinahon: "Mahal kong anak, iniibig Kita. Ni minsan ay hindi kita iniwanan, at hinding-hindi sa oras ng iyong pagsubok at problema. Noong mga sandaling iisang pares na lamang ng mga bakas ang nakikita mo, Ako ang nakatapak sa buhanginan. Binuhat Kita nang napapagod ka na."
Pamilyar ang istorya, hindi ba? Ito ang "Footprints in the Sand", isang popular na istoryang naglalarawan ng pagyakap sa atin ng Diyos sa gitna ng problema. Sumisimbolo ito sa Kanyang walang hanggang pag-ibig na ating maaasahan sa gitna ng pagsubok, panganib at kabiguan.
Ngunit naitanong n'yo na ba sa inyong sarili kung bakit ba tayo binibigyan ng Panginoon ng mga pagsubok sa ating buhay? Hindi ba pwedeng wala na lang pagsubok, lagi na lang masaya at walang problema ang buhay? Kaibigan, kadalasan ang mga kabiguan, kagipitan at pagsubok ang ginagamit ng ating Panginoon upang Siya ay ating hanapin. Alam ng ating Panginoon ang puso nating mga tao sapagkat Siya ang may gawa sa atin. Alam Niya na kapag parating masaya at masagana ang ating buhay, maaari natin Siyang makalimutan at umasa tayo sa ating mga sariling galing at hindi sa Kanya. Sa Deuteronomio 8:10-14 ay sinasabi:
"Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh. Sundin ninyo ang kanyang mga utos. Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magarang tahanan, at marami nang alagang hayop, at marami nang natipong pilak at ginto, huwag kayong magmataas. Huwag nga ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa Ehipto."
Ang mga pagsubok ang tanging paraan ng Diyos upang ipaalala Niya ang Kanyang sarili sa atin at maipamalas Niya ang Kanyang kapangyarihan, pag-ibig at higit sa lahat ang katotohanan ng Kanyang mga pangako.
Ikaw ba ay dumaranas ng pagsubok ngayon sa iyong buhay? Huwag kang panghinaan ng loob, kaibigan! Hanapin mo ang Panginoon! Panghawakan mo ang Kanyang mga pangako sa Bibliya. Ngayon Niya maipapamalas sa iyo ang Kanyang kapangyarihan, pag-ibig at ang katotohanan ng Kanyang mga pangako. Tanungin mo Siya kung ano ang nais Niyang ituro sa iyo, sa pagsubok na pinagdaraanan mo ngayon. Ang ating Diyos ay laging may layunin. Hindi Niya tayo padadaanin sa mga pagsubok upang pahirapan lamang tayo. Mabuti ang Panginoon!
Kaya't magtiwala ka lang sa Kanya. Sa 1 Pedro 2:6 ay ito ang sinabi: "...Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa Kanya." Sa Awit 22:5-6, "Noong sila ay tumawag, ang panganib ay nawala. Lubos silang nagtiwala at 'di naman napahiya." Kaibigan, kapag ikaw ay nagtiwala sa ating Panginoon, kailanma'y hindi ka mabibigo at mapapahiya. Ipinangako Niya iyan. Kung may kilala kang sumira ng pangako niya sa iyo, ang Diyos kailanma'y hindi. Hinding-hindi Siya magkukulang.
Hindi ko alam kung anong hirap ang iyong pinagdaraanan ngayon, ngunit nakakasiguro ako na hindi ka Niya iiwan ni pababayaan man (Hebreo13:5) dahil mahal ka Niya!
Panalangin: Panginoon, ako ay nananalig sa Inyo. Sa aking pagsubok na dinaranas ngayon, ituro N'yo po kung ano ang dapat kong matutunan. Salamat sa Inyong pangako na kailanma'y hindi Mo ako iiwan, ni pababayaan man. Naniniwala akong tutugon Kayo sa aking mga panalangin dahil kahit kailan ay hinding-hindi Kayo magkukulang. Sa kabila ng aking pagsubok, kayo ay aking pinasasalamatan at niluluwalhati. Gawin niyo pong mas malalim at mas matibay ang aking pananalig sa inyo. Amen.
Mga talata sa Bibliya para sa pagsubok:
1 Pedro 1:7, Hebreo 13:5, Roma 8:28, Roma 8:35-39, Mateo 19:26, Josue 21:45; Awit 9:9-10, Awit 50:15
No comments:
Post a Comment