by. Amado Macasaet
Habang dumarami ang tao sa bansang Pilipinas, lalong lumalaganap ang katamaran. Ang katuwiran ng mga tamad ay wala raw maibigay na trabaho ang gobyernong Arroyo.
Para sa akin, ito mismo ang dahilan kung bakit ang mga mahihirap ay dapat maging masipag at mabuhay sa sariling tiyaga. Kung hindi, malaking gutom, kamangmangan, at malubhang pagkakasakit ang aabutin nila.
Kasama ako sa sumisisi kay Pangulong Gloria Arroyo sa kawalan ng abilidad ni GMA na lumikha ng marami pang trabaho. Pero ang katotohanan ay sa isip natin nakasalalay ang ating buhay at kabuhayan sa Pangulo. Sa kanya tayo umaasa ng ikabubuhay. At kung di niya maibigay sa dumaraming Pilipino ang pangakong trabaho, sinisisi natin ang Pangulo sa ating kakulangan ng pagkain at kawalan ng perang pampagamot at pampaaral ng mga anak.
Hindi tama ang takbo ng ating pag-iisip. Maraming paraan para mabuhay ng walang kaugnayan sa Panguluhan.
Totoo na dumarami ang mga squatter sa Metro Manila at iba pang maunlad na probinsya at siyudad dahil wala silang makitang ikabubuhay sa probinsyang tinubuan.
Sumusugal sila sa Maynila sa pag-asa na makakita ng hanapbuhay. Di nila alam na mas mahirap mabuhay sa siyudad kung walang pinapasukan na may tiyak na kita. Kaya ang marami sa kanila sa ilalim ng tulay nakatira. Ang mga bata ay nagpapalimos. Marami sa babae ang nagbebenta ng laman. Ang mga lalaki naman ay nagtutulak ng droga, nagnanakaw at nagpapalimos din.
Ang mga tao sa aking barrio sa Lipa ang pinakamalaking halimbawa ng katamaran. Halos lahat sila ay may bahay at maliit na lupa na puwedeng taniman ng pagkain.
Maniniwala ba kayo na sa barrio na iyan ay walang nagtatanim ng gulay. Ang sitaw, kalabasa, pechay, at marami pang iba ay binibili sa mga nagtitinda sa barrio mismo.
Hindi maabot ng kanilang kaisipan na ang mga gulay na iyan ay tanim ng masisipag sa kabukiran tulad ng aking barrio.
Ibig sabihin, kung sila ay nagtatanim - di na lang para kumita kundi para huwag ng bumili ng gulayin - makakatipid sila sa gastos sa gulay.
Ayaw nilang magtanim. Ayaw nilang humawak ng itak. Ayaw nilang pawisan sa pagtatrabaho sa munti nilang lupa.
Ang masama rito ay lalong naging tamad ang mga nakatapos ng pag-aaral pero hindi naman makakita ng trabaho. Para bang nahihiya sila na magkaroon ng kalyo ang kanilang mga palad sa pagtatanim ng kahit ano sa bukid.
Bakit nga naman sila gagawa ng ganun? Tapos naman sila ng kolehiyo at may diploma.
Naghihirap na nga sila, kumukuha pa ng katulong. Maraming Bicolano sa aking barrio ang nagtitiyaga para mabuhay. Nag-aalaga sila ng baboy o manok na pag-aari ng iba.
Maliit nga ang suweldo, pero libre naman ang pagkain. Iyon lang malaking ginhawa na.
Malimit akong mangailangan ng ilang tao para ayusin ang aking mga tanim sa munti kong lupa. Mahirap maghanap ng tao na tutulong sa akin. Naliliitan sila sa kitang P250 isang araw, libre pagkain.
Malaki ang nagagastos sa cooking gas ng maraming bahay sa aking barrio. Higit pa sa P500 ang isang tangke.
Bakit sila gumagamit ng cooking gas at nag-aaksaya ng pera na halos ay di nila kitain? Dahil sila ay mga tamad. Katuwiran nila mahirap na raw maghanap ng kahoy na panggatong.
Tamad lang silay kaya ganun. Di ko maubos ang tuyong palapa ng niyog sa munti kong lupa. Ipinamimigay ko kanino man. Wala namang kumukuha dahil cooking gas nga ang ginagamit nila.
Lumalawak ang kultura ng katamaran. At sinisisi si GMA sa kanilang paghihirap. Ayaw nilang tulungan ang sarili. Saan ba tayo talaga patungo?
No comments:
Post a Comment