Monday, August 26, 2019

Asa ka pa.

BAKIT BA HINDI MASUGPO-SUGPO ANG CORRUPTION SA PILIPINAS AT LALO PA NGA ITONG LUMALALA?

Sobra nang napakalala ng corruption sa Pilipinas na ayon mismo kay Deputy Ombudsman Cyril Ramos, sa artikulong lumabas noong Agosto 16, 2019 sa CNNPHILIPPINES.COM, umaabot sa 20 percent sa taon-taong national budget ang nawawala dahil sa corruption.  Sa P3.35 trilyon na national budget noong 2017, P670 bilyon ang napunta sa corruption (P752 bilyon naman sa P3.76 trilyon na 2018 national budget). Ang mahigit P700 bilyon na iyan na napunta lang sa corruption noong 2018 ay kaya na sanang makapagpatayo ng 1.4 housing units para sa mga mahihirap ( sa halagang P500,000 bawat unit).

Ang kadalasang sinisisi natin dito ay ang mga botante. Anila, dahil binibili ng mga pulitiko ang kanilang boto, at dahil magastos ang elections sa Pilipinas, binabawi lamang nila sa pamamagitan ng corruption ang kanilang mga ginastos.

Bagama’t totoo ito, mali rin na ganito na ang ating maging pag-iisip. Kapag ganyan, mas pagbubuntunan natin ng sisi ang mga tao kaysa sa mga pulitiko. Sa gayon, ang biktima ang mas madidiin at makakaligtas ang mga kriminal.

Dapat nating tingnan ang mga tao bilang biktima. Isa ang malawakang corruption sa gobyerno sa mga dahilan kaya naghihirap ang mga tao. At dahil sa sobrang kahirapan kaya napipilitan ang mga ito na samantalahin ang eleksyon para kahit papaano’y matugunan ang kanilang pangangailangan kahit sa isang araw o panandalian man lamang. Pero ayaw ba ng mga pulitiko sa ganitong sistema? Gusto nila ito, dahil sa pamamagitan nito ay laging nakaasa sa kanila ang mga tao. Ayaw nilang makaraos sa kahirapan ang mga tao, dahil pag hindi na mahirap ang mga tao ay mai- empower na ang mga ito.

Personal ko mismong eksperyensya ito. Nang tumakbo akong mayor noong 2016 sa aming bayan sa San Jose, Camarines Sur, kahit pa gaano kaganda ng mga kaisipan mo’t programa, kung wala kang pambili ng boto o mas maliit ang pambili mo ng boto kumpara sa kalaban, hindi ka mananalo. Sa poblacion kung saan marami-rami ang mga medyo maykaya at mga nakapag-aral, doon ay maganda ang naging resulta para sa akin, dahil ang mga ito ay di nababayaran ang boto, pero doon sa mga lugar na grabe ang kahirapan, lalo sa mga baryo sa labas ng bayan at sa mga tabing dagat, talagang mahirap mapaliwanagan ang mga tao kahit sabihan pang “ang pera’y sa bulsa at  ang boto’y sa balota.”

Hindi pupuwede ang voter’s education lang. Dapat talagang maiahon sa kahirapan ang ating mga kababayan. Kapag ang middle class sa ating bansa ay mas malaki na ang bilang kaysa sa mga kababayan nating sobra ang kahirapan, saka lamang hindi na nila kailangang ipagbili ang boto at magpailalim sa kapangyarihan ng mga pulitiko. Saka lang sila makakaboto ayon sa kanilang kagustuhan. Saka lamang magkakapuwang ang mga taong gusto ring maglingkod sa bayan ngunit walang perang pampondo sa pera-pera lang na halalan. Saka lang magkakatotoo ang demokrasya at right to universal suffrage sa ating bansa, kagaya ng mga western democracies na tulad ng US, Europe, atbp.

Ngunit hindi iyan mapapayagan na mangyari ng mga tradisyunal na pulitiko o mga trapo na nabubuhay at naghahari dahil sa corruption. Hindi totoong binabawi lang nila ang kanilang mga ginastos sa eleksyon, ang totoo, ang posisyon nila sa gobyerno ay ang kanila na mismong hanapbuhay o negosyo. Sa Pilipinas, ang gobyerno ay pinapatakbo ng mga pulitiko na parang negosyo. Kung sila Sy, Gokongwei, Tan, atbp ay may malalaking nga negosyo, ang mga Duterte, Marcos, Arroyo, Estrada, Revilla, at iba pang mga trapo sa mga probinsya’t lungsod at mga bayan, ay ang gobyerno mismo ang kanilang negosyo. Sa gobyerno sila nagpapakayaman, iyan ang kanilang kabuhayan. Mas malala pa, maraming mga pulitiko ang di na lang nakokontento sa nakukuha sa corruption sa gobyerno, nagtatayo na rin sila ng mga negosyo gamit ang poder sa gobyerno, tulad ng mga mining at quarry, construction, at marami pang iba. Marami ring pulitiko ang dati nang sobrang yaman ngunit humawak pa ng mga poder sa gobyerno para lalo pang yumaman dahil sa corruption at magamit pa ang gobyerno para mapaboran ang kanilang mga negosyo ( kaya si Villar na ngayon ang pinakamayaman sa Pilipinas).

Napamasalimuot na ng problema sa corruption sa Pilipinas. Napakahirap na itong solusyonan. Hindi na dito kailangan lang ang patse-patseng programa sa kontra-corruption. Kaya nga hindi ito nalutas ng administrasyon ni Noynoy Aquino kahit pa sa programa nitong “Daang Matuwid” dahil ang tinarget lang nito ay ang mga kalaban sa pulitika (mga Arroyo, Binay, Marcos, Enrile, Estrada, Revilla, atbp) ngunit ang mga kakampi nito sa pulitika ( mga Alcala, Belmonte, Abaya, at marami pang mga trapong nagbihis Liberal) ay patuloy din naman sa corruption at katiwalian. Kaya sa frustration ng mga tao, hindi nila ibinoto ang pinili ni Noynoy na si Roxas at sa halip ay nanalo si Duterte.

Ngunit muli, frustrated na naman ang taumbayan sa mga nangyayari. Hindi pala totoo ang pangakong lalabanan ni Duterte ang corruption. Lalo pa nga itong lumalala. Patunay nga nito ang sinabing ito ng mismong Deputy Ombudsman na sa taon lamang na 2017 at 2018, sa ilalim na ni Duterte, P1.4 trilyon ang nawala dahil sa corruption.

Sa huli, ang paglaban ng bayan sa corruption ay bahagi lamang ng kabuuang hangarin din ng taumbayan na umunlad ang bayan at makaahon sila sa kahirapan. Sapagkat tulad nga ng ipinakita natin, hangga’t may kahirapan, sasamantalahin at sasamantalahin ito ng mga pulitiko para makontrol ang taumbayan at sila naman ay makapaghari sa corruption at katiwalian.

No comments: