"Inayy! Tuloy na ‘yung EVAT simula sa November 1! Araw pa ng mga patay! Masamang senyales. Talagang papatayin tayo sa hirap."
"Oo nga, talagang grabe na. ‘Yung Gasul, P442 ang bili ko ngayon. Siguradong aakyat iyon sa P500."
"Alam mo, ang dami kong kaibigang naghihigpit na ng sinturon. Inilipat na nila sa public school ‘yung mga anak nila. Hindi na raw nila kayang ipasok sa private school ‘yung mga bata dahil sa taas ng tuition fees."
"E di pa’no pa kaya ‘yung iba? ‘Yung mga nagsasardinas lang araw-araw?
"No choice. Magtutuyô na lang sila. Otherwise, doble kayod dapat."
"Hay naku. Talagang ayoko na rito. Sasabihin ko kay Fred na madaliin na ‘yung pag-file ng mga papeles namin sa embassy. Sana matuloy na kaming mag-migrate sa Canada."
"Suwerte n’yo naman kung gan’on. Sana kami rin, makaalis."
Pahirap na talaga nang pahirap ang buhay sa Pilipinas. Magulo ang pulitika, bagsak ang ekonomiya, baón ang bansa sa utang-panlabas, taasan pa nang taasan ang mga presyo ng mga bilihin. Hindi na kataka-taka kung bakit daan-daang libong mga Pinoy ang nagsisikap araw-araw na makaalis ng bansa.
Para sa ating lahat na natutuksong mag-alalá tungkol sa kinabukasan, ituon natin ang ating pansin sa mga sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo 6:25-34:
"...Huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin, kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
"Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
"Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay? At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man. Gayunma’y sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito. At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itatapon sa kalan, hindi ba lalo Niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
"Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
"Ngunit hanapin muna ninyo ang Kanyang kaharian at ang Kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. Kaya’t huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito."
Ito ang sikreto ng pagkakaroon ng katiwasayan sa panahon ng kahirapan: ang sundin si Hesus at "hanapin ang Kanyang kaharian at katuwiran". Parang ganito ang gustong sabihin sa atin ng Panginoon: "Gusto mo ba ng saganang buhay? Kung gayon, unahin mo ang Aking kaharian. Ibigay mo ang sarili mo sa Akin, at ibibigay Ko naman sa iyo ang lahat ng kakailanganin mo para makapaglingkod ka sa Akin. Hindi ka magkukulang. Tapat at maaasahan ang pangako Kong ito."
Sa bandang huli, ang Diyos pa rin ang mapagkukunan natin ng pagpapala -- hindi ang ating mga sarili. Manalangin tayo: Panginoong Hesus, ayoko nang manatiling nakatali sa kahirapan. Ang kahirapang tinutukoy ko ay hindi lamang ang pagiging salat sa mga materyal na bagay, kundi pati sa mga bagay na espirituwal at pangkaharian. Nais kong unahin ang paghahanap sa kalooban Mo. Nais kong sa Iyo lamang umasa, at hindi sa aking kakayahan. Dalhin Mo ako sa isang ganap na pagkakakilala sa Iyo, at bigyan Mo ako ng sapat na pagtitiwalang tutuparin Mo nga ang mga ipinangako Mo sa akin. Amen.
No comments:
Post a Comment