Wednesday, November 16, 2005

Araw ng Linggo ay banal

WEEKEND DAW! Huling araw ng isang buong linggo, kaya kailangan daw ang mamasyal o mag-out-of-town. Masarap daw magliwaliw kapag araw ng Sabado at Linggo. At marami ang lumalabas mula sa Metro Manila patungo sa mga karatig probinsya, lalo na sa mga resort at pook-pasyalan.

Ang nakakalungkot nito ay ang mga kabataan at ilang taong nakaririwasa sa buhay na ang hangad lamang ay ma-kipaglaro ng apoy sa kanilang kalaguyo, na maaaring itinatago sa mga kaanak at kakilala, ang madalas mag-out-of town tuwing Biyernes, Sabado, at babalik sa lunsod sa bandang gabi na ng araw ng Linggo. Sa mga hotel, resorts, pension houses, at picnic groves sila nanunuluyan tuwing weekend upang idaos ang kanilang patagong makalupang pagnanasang nag-aapoy.

Para sa mga taong ganito na alipin ng makalupang hangarin, ang araw ng Linggo (Sunday; Day of Worship) ay isang ordinaryong araw na maaari nilang gawin ang kanilang bawat naisin. Lalo nga at umiiwas silang magsimba kung Linggo, sapagkat wala sa kanilang isip at puso ang maalaala ang Dakilang DIYOS.

May mga tao ring patuloy na naghahanapbuhay upang kumita ng ibayo pang salapi pandagdag sa kabuhayan daw. Nagpapayaman? Kahit banal na araw ng Linggo ay todo-kayod pa rin sila.

Sa Sampung Utos ng Dakilang DIYOS AMA na ipinagkatiwala kay propeta Moises, nakasaad sa Ikatlong UTOS ang:—" Aalalahanin na gawin ninyong Banal ang Araw ng Panginoon (DIYOS)." At ang Araw ng DIYOS para sa ating mga Kristiyano ay ang Araw ng Linggo, na dapat ay ating bigyan ng importansya sa ating buhay. Ang Araw ng Linggo ay siyang araw ng Pagsamba sa DIYOS. At di maaaring balewalain ito dahil kailangang magbigay-galang tayo tuwing Araw ng Linggo sa DIYOS bilang pagkilala ng ating utang na loob sa pagbibigay-buhay niya sa atin.

Sa ating pagsisimba tuwing araw ng Linggo, dapat lamang na pakinggan nating mabuti ang lahat sa kabuuan ng Banal na Misa, ang mga Salita sa Pagbasa, ang Ebanghelyo ( Gospel) na binasa ng Pari, at ang Homiliya (Sermon/Homily/Pangaral) na siyang makakapagbigay-liwanag tungkol sa ating pananaw at sari-ling buhay.


NAISIN NG DIYOS

Tanging pagsamba natin sa DIYOS ang Kanyang nais. Tapat na pananalig ang dapat na kaakibat ng pagsamba natin sa DIYOS. Nagtuturo sa atin ang Kristong Panginoon:—"Mapalad yaong ang pinakamahalagang naisin ay ang gawin ang nais ng DIYOS; at sila ay bubusugin ng DIYOS." —(Mateo 5:6). Tanungin ang sarili kung nakakasunod tayo sa naisin ng DIYOS.

Nagpapaalaala si San Pablo Apostol sa atin:—"Kilala nila ang DIYOS, subalit hindi nila ibinibigay sa Kanya ang karangalang dapat sa Kanya, ni hindi man lamang sila nagpapasalamat."(Roma 1:21).

Maraming tao ngayon ang paimbabaw lamang sa pagsamba at sa pagkilala sa DIYOS na Makapangyarihan. Sila ay nagkakamali! At narito ang babala sa atin ni San Pablo Apostol:—"Sa akala ba ninyo ay makaaalpas kayo sa paghuhusga ng DIYOS? O baka kinaiinisan ninyo ang Kanyang malawak na pasensya, kabaitan at pang-unawa."—(Roma 2:3-4).

Ang ating Pagsamba sa Dakilang DIYOS tuwing Araw ng Linggo ay napakahalaga sa ikaliligtas ng ating katawan at kaluluwa sa huling panahon.

Narito pa ang turo ni San Pablo sa atin:—"Sapagkat ang DIYOS ay bibiyayaan ang bawat tao ayon sa kung ano ang kanyang mga ginawa." - (Roma 2:6).

Pahalagahan ang Pagsamba sa DIYOS tuwing Banal na Araw ng Linggo. Purihin ang DIYOS AMA sa kaitaasan!

No comments: