Isang pastor (tawagin natin siyang Pastor Peter) ang busy sa pangunguna sa mga Bible seminar sa South Carolina. Nakitira siya sa bahay ng isang kaibigan sa lugar na iyon para madali siyang makapunta sa mga churches na dapat niyang puntahan gabi-gabi.
Isang gabi, naka-schedule siyang magsalita sa isang church sa Greenville, South Carolina. Ilang oras din ang layo nito sa bahay na tinitirhan niya sa Asheville at wala siyang kotse.
"Pastor, kami na ang maghahatid-sundo sa iyo," wika ng kaibigan niya sa Greenville. Pumayag ang pastor. Pagkatapos ay sinabi niya sa may-ari ng bahay na mga bandang hatinggabi na siya makakabalik.
Nang matapos ang kanyang seminar, nagpahatid na ang pastor sa Asheville. At nang makarating sila, nakita ni Pastor Peter na nakasindi ang ilaw sa balkonahe. Kaya't pagbaba niya sa kotse ay sinabihan niya ang driver:
"Mauna ka na, kapatid. Malayo pa ang biyahe mo. Sigurado namang naghanda sila para sa pagbabalik ko." Kaya't lumarga na ang kotse at nagsimula na ang pastor na lakarin ang mahabang distansiya patungo sa bahay.
Katok siya ng katok. Walang sumasagot. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagtagos ng sobrang lamig sa jacket na suot niya.
Sa pag-aalalang baka manigas siya sa ginaw sa labas ng bahay, pinukpok niya ang bintana sa may kusina. Wala pa ring sumagot.
Nagpasya ang pastor na maglakad pabalik sa highway. Naghanap ito ng bahay na may telepono. Tiniis niya ang lakas ng hanging humahampas sa kanyang mukha at lamig ng yelo sa kanyang paanan. Lakad siya nang lakad hanggang sa makakita siya ng isang motel. Pinuntahan niya ito, ginising ang manager, at nakiusap kung puwede siyang makigamit ng telepono. Nang pumayag ang manager ay doon lang nakahinga nang maluwag ang pastor.
"Hello, Steven? Si Pastor Peter ito. Pasensiya ka na pero kanina pa kasi ako katok ng katok sa pinto natin pero walang bumaba para pagbuksan ako. Nakikitawag ako ngayon dito sa motel."
Aantuk-antok pa si Steven nang ito'y magsalita. "Pero pastor...ibinigay ko sa iyo kanina ang susi sa pinto. Hindi mo ba naaalala? Nasa bulsa mo."
"Ha?" At pagkasabi niyon ay agad na kinapa ni Pastor Peter ang isa sa mga bulsa ng pantalon niya. Nandoon nga ang susi.
Ang kuwentong ito'y hango sa aklat na "Our Sufficiency in Christ", na isinulat ng respetadong mangangaral ng Bibliya na si Dr. John MacArthur. Ang sabi ni Dr. MacArthur, karamihan daw sa mga mananampalataya kay Cristo ay katulad ng pastor sa ating kuwento.
Sinusubukan nilang makakuha ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng sarili nilang pagod at lakas, samantalang nasa kanila naman si Cristo Jesus -- ang susi sa lahat ng pagpapalang espirituwal.
Si Jesus lamang ang makapagbibigay ng lahat ng hinahangad ng ating mga puso, at makatutustos sa lahat ng ating mga pangangailangan.
Sa sandaling magsisi sa kasalanan ang isang tao at tanggapin niya si Cristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas, si Cristo'y nananahan sa puso niya at sumasakanya. Basahin natin ang Colosas 1:27:
"Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa at kaluwalhatian."
Ang malaking kayamanan ng isang mananampalataya ay si Cristo mismo na sumasakanya. Ang Kristiyanong naghahangad ng higit pa rito ay, sa mga salita mismo ni Dr. MacArthur, "tulad ng isang taong tarantang-taranta sa pagkatok sa pinto, pero hindi niya nalalamang hawak na pala niya ang susi sa bahay."
Pakinggan natin ang sinabi ng apostol Pablo sa 2 Corinto 11:3:
"Ngunit ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo."
Kaibigan, huwag kang padaya sa diyablo. Madalas niyang sabihin sa tao na kulang ang buhay kapag wala ang bagay na ito o ang bagay na iyon.
Kailangan mong gawin ito, kailangan mong gawin iyon. Subalit ang totoong yaman ng isang totoong Kristiyano ay si Cristo mismo. Hindi siya magkukulang kahit kailan.
No comments:
Post a Comment