Hindi maikakaila na ang karamihan sa atin dito sa Pilipinas ay mga dukha. Maliit lang na bilang ang masasabi nating namumuhay nang masagana o mayaman. Sa pagitan ng dalawang ito ay ang mga taong katamtaman ang estado -- hindi mayaman pero hindi rin mahirap. Ang kita nila ay tamang-tama lang sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Maaring kumbinsido tayong mahirap ang kalagayan ng mga dukha at masarap ang pamumuhay ng mga mayaman. At madalas, ang isa sa mga pangarap at ambisyon natin ay ang yumaman dahil masaya at masarap ang antas ng pamumuhay na ito. Pero hindi rin kaila na maraming mayayaman ang hindi masaya. May mga tumatalon sa gusali o nagbabaril sa sarili dahil sa sobrang kalungkutan. Marami rin sa mga mayayamang pamilya ang watak-watak dahil sa paghihiwalay ng mga magulang.
Hindi masama ang yumaman at hindi rin masama ang magpakasaya sa buhay. Hangad ng Diyos na sumaya tayo at mamuhay nang masagana. Ngunit paano natin ito mararanasan sa gitna ng kahirapan at kagipitan? Nakasaad sa Mangangaral 2:24: "Ang mabuti pa sa tao’y kumain at uminom, at pagsasaan ang kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos."
Marami ang nag-aakalang magiging masaya na sila kapag nakatikim na sila ng kasaganaan sa buhay. Sa mga estudyante, maaring sasabihin nila na magiging masaya lamang sila kapag tapos na sila sa pag-aaral. Para naman sa iba, ang maaprubahan ang visa papuntang U.S. ay katumbas ng pagtama sa jackpot.
Ang sinasabi sa aklat ng Mangangaral, "pagsasaan mo ang iyong pinagpaguran." Ang kaligayahan sa buhay ay nasa ginagawa natin sa araw-araw na gawain. Ang kaligayahan sa buhay ay hindi ‘yung resulta na nasa dulo ng trabaho natin. Ang kaligayahan ay wala sa dulo ng landas kundi nasa tabing-daan na araw-araw natin binabaybay sa kasalukyang pamumuhay.
Halimbawa: ang pagiging estudyante. Mahirap ang maging estudyante dahil marami ang mga kailangan sa paaralan. Masasabi ng isang estudyante na magiging masaya lamang siya kung makapagtapos. Ngunit kung tatanungin mo ang mga nakapagtapos, sasabihin nila na magiging masaya lamang sila kung makapagtatrabaho sila, at ang mga nagtatrabaho naman ay magiging masaya lamang kung tataas ang sahod, at ang matataas ang sahod ay magiging masaya lamang kung mapo-promote. Walang katapusan.
Balik tayo sa pagiging estudyante. Kumbinsido tayong lahat na masarap din ang maging estudyante. May mga alaala tayong hindi natin makalimutan noong nag-aaral pa tayo. Mayroon ding mga kasiyahan sa buhay na nakakatuwa, at ito ay eksklusibo para sa mga estudyante lamang. Ito ang mga pagkakataon na tinutukoy ng aklat ng Mangangaral. Kahit mahirap ang maging estudyante, kailangan pagsasaan mo ang masasarap at masasayang bahagi ng pagiging estudyante. Ang kasiyahan ay wala sa matataas na grado sa eskuwelahan. Ito ay nasa nakapagpapasiglang makabagong mga kaalaman na natututunan, at mga kaibigan na makakapiling mo lang sa mga taon na nag-aaral ka.
Pagmasdang mabuti ang kasalukuyan mong pang-araw-araw na gawain. Dapat maging masaya tayo sa trabaho, dahil may mas kapus-palad pa sa atin na ang tanging minimithi sa buhay ay ang makamtan ang mga bagay na mayroon na tayo ngayon.
Sana’y maipagdiwang natin ang kasiyahang hatid ng Panginoong Diyos.
No comments:
Post a Comment