Monday, March 27, 2006

Nalalapit tayo sa gutom

by Jake Macasaet

Ako ay isang magsasaka bago naging houseboy sa Maynila para makapag-aral. Kaya alam ko ang buhay ng isang magbubukid.
Noong panahon na iyon, hindi bumbili ang pamilya ko ng bigas. Kami ng tatay ko at ang kapatid na sumunod sa akin ay nakakapag-ani ng palay na sapat kainin hanggang sa susunod na ani.

Hindi kami gumagamit ng pataba at insecticide. Ang panlaban namin sa uod na kumakain ng lumalaking tanim na palay ay maraming klase ng ibon. Kasabay sa paghahasik ng palay ang maraming butil ng gulay tulad ng mungo at tapilan. May mais pa.
Dahan-dahang nagbago ang panahon. Una, nalason ang ating kapaligiran. Nawala ang mga ibon na kumakain ng uod na pumipinsala sa palay na lumalago.

Ikalawa, dahan-dahan din na lumiit ang mga sakahang lupa. Ang dating mga maliliit na bukirin ay bahay na ang nakatanim ngayon.

Hindi mahihinto ang pagliit ng sakahang lupa dahil masyadong mabilis dumami ang tao. Higit pa sa dalawang milyong bata ang ipinanganganak bawat taon. Magtatayo rin sila ng bahay na sana ay palay at iba pang halaman ang nakatanim.
Ang lupang hindi palay ang dating nakatanim ay mga bahayan na rin ngayon. Ang marami pang piraso ay hindi naman pinagkakakitaan.

Tulad sa barrio ko sa Lipa. Ang mga maliliit na piraso ng lupa ay halos kape lahat ang nakatanim. Dahil matandang variety na ito, at matanda na rin ang mga puno, maliit lang ang ani sa kape.
Lalo namang tinamad ang mga may tanim na kape dahil masyadong mura ang presyo. Hindi sila makalaban sa imported coffee.

Pero may solusyon din dapat ang gobyerno sa problemang ito. Ang pinakamabuti ay bagalan ang pagdami ng tao.

Samantala, dapat tumulong ang gobyerno sa pagtuturo sa mga maliliit na nagtatanim ng kape na palitan ito ng ibang halaman. Depende sa lugar, puwedeng ipalit ang durian.
O kaya ay mga gulay tulad ng ampalaya, pechay, papaya, munggo at marami pang iba.

Noong panahon ko, malimit kaming puntahan ng ama ko ng tinatawag na extension worker. Sila ang nagtuturo kung paano palalakihin ang ani sa bukid at paano makakaiwas sa sakit na nakakahawa.

Halimbawa, sinabi sa aming ng tatay ko -- bagaman alam na namin ito -- na ipunin ang dumi o manure ng kabayo o baka, kasama na rin ang pag-iipon ng ipot ng manok.
Mabisang pataba ito pag bulok na.

Wala na ngayon niyan. Ang dating mga health worker, extension worker, at city, provincial at municipal agriculturist ay namumulitika na rin. Bakit hindi e, mga mayor at gobernador ang nag-a-appoint sa kanila.

Hindi na tungkulin ang inaatupag. Malaking panahon ang winawaldas para sa pulitika ng mga gobernador at mayor.

Nangyari ito dahil nagkaroon tayo ng batas na nagbibigay ng kalayaan sa mga local government units sa maraming bagay tulad na nga ng paghahalaman at kalusugan. Dati ang amo nila ay secretary of health o secretary of agriculture. Ngayon, gobernador at mayor na.

Isipin nating mabuti. Sinabi na ni Agriculture Secretary Panganiban ng 500,000 ektarya na ang kinain ng housing, golf course at sementeryo.

Dumarami ang bibig na pinakakain. Lumiliit naman ang pinagkukunan ng pagkain.

Di matinding gutom ang aabutin ng mga apo at mga anak nila. Ang kawalan naman ng hanapbuhay ang isang dahilan kung bakit mabilis ang pagdami ng tao.

E, kung hindi nga naman pagod si lalaki dahil wala namang siyang trabaho, at ang asawa ay ganun din, at wala pang kuryente kaya hindi makapagpalipas oras sa TV, alam na ninyo ang gagawain ng mag-asawa.

Gabi-gabi sex. Taun-taon nanganganak si nanay. Paano ngayon pakakaininin, pag-aaralin at ipagagamot ay dumaraming batang iyan?


Knocked down pero di knockout

Sa laban ng boksing nina Manny Pacquiao at Erik Morales, dalawang beses na-knockdown ni Pacquiao si Morales. Dinesisyunan ng referee na ihinto ang laban, na ikinatalo ni Morales dahil technical knockout na siya. Pero iba ang laban sa ating buhay Kristiyano. Kahit ilang beses tayo ma-knockdown ng mga problema, di dapat tayo magpa-knockout.


Marami sa atin ang dumaranas ng mga problema. Marahil ay may malubhang sakit tayo, o problema tungkol sa pera, o nagdodroga ang anak.

Oo nga, knocked down tayo ng ating mga problema, pero dapat ba tayong magpa-knockout? Hindi! Ito ay dahil kakampi natin ang Diyos. Paano ba tayo babangon mula sa pagkakabuwal sa tindi ng ating mga pinagdaraanan?

Tingnan natin ang halimbawa sa buhay ni David. Sa 2 Samuel 11, na-knockdown si David mula nang masilayan niya si Batsheba, pero makikita nating hindi siya nagpa-knockout. Si David ay nagpaiwan sa Israel habang ang kanyang hukbo ay nakipaglaban sa mga Ammonita. Galing siya sa tulog nang pumanhik siya sa bubungan ng palasyo at natambad sa kanyang paningin ang isang magandang babaing naliligo. Ano ang pagkakasala ni David? Ginamit ng diyablo ang maraming panahong wala siyang ginagawa upang tuksuhin siya. At dahil hari siya ng Israel, hindi siya nasiyahang manilip lamang. Ginamit niya ang kapangyarihan niya upang ipakuha si Batsheba at sipingan niya. Hindi lang iyan. Iniutos pa niyang umurong ang hukbo at ipasubo si Urias, ang asawa ni Batsheba, sa mababangis na kaaway hanggang sa mapatay ito.

Alam ng diyablo ang ating kahinaan at kalakasan at kung saan tayo mahina, doon tayo titirahin. Tulad ng maraming lalaki, ang kahinaan ni David ay magandang babae. Hindi rin natin dapat gamitin ang ating posisyon o kapangyarihan upang makuha ang ating gusto, kahit pa ito ay kasalanan.

Anu-ano ang ginawa ni David para makabangon siya at hindi manatiling knocked down?


1. LUMAPIT SA DIYOS. Ang unang ginawa ni David ay ang lumapit sa Panginoon. Marami sa atin, kapag may problema, lumalayo tayo sa Panginoon. Akala natin galit Siya sa atin. Ito ay mali! Ang Diyos, mahal tayo. Ang ayaw Niya ay ang kasalanan natin. Lalo nating kailangan ang Diyos kapag tayo ay may problema. Ang panalangin ni David ay: "Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa Iyong kagandahang-loob" (Awit 51:1). Sabi sa Hebreo 4:16, "Kaya't huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo'y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito."


2. AMININ ANG KASALANAN. Nagpakumbaba si David at sinabi, "Linisin mo sana ang aking karumihan at ipatawad mo yaring kasalanan" (Awit 51:2). Ito ang susi upang muli siyang makabangon nang ma-knockdown ng kasalanan. Sabi sa Santiago 4:6, "Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagpakumbaba."


3. TANGGAPIN ANG BUNGA NG KASALANAN. Ang Panginoon ay laging handang magpatawad ng ating mga kasalanan, pero hindi tayo maliligtas sa ibubunga ng kasalanan natin. Ano ang bunga ng kasalanan ni David? Sa 2 Samuel 12:13-14 ang sabi ay, "Sinabi ni David kay Natan, 'Tunay akong nagkasala kay Yahweh'. Sumagot si Natan, 'Kung gayo'y pinatatawad ka na Niya at hindi ka mamamatay. Gayunman, yamang nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay." Ang bunga ay iba sa kaparusahan; ito ay paraan ng Diyos upang tayo ay disiplinahin. Sabi sa Hebreo 12:5-6, "Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag tinutuwid ka ng Panginoon...pinarurusahan ng Diyos ang mga iniibig Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak."


4. MATUTO SA MGA PAGKAKAMALI. Huwag tayong magalit sa Diyos kung nararanasan natin ang bunga ng ating kasalanan. Ang dapat ikabahala ay kung sa kabila ng kasalanan natin ay hindi tayo dinidisiplina ng ating Diyos Ama, baka iba ang ama natin. Naisulat ni David ang kabutihang dulot ng pagtanggap natin sa disiplina ng Diyos sa Awit 119:67,71, "Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita Mo ang sinunod; Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat naunawang mahalaga ang 'yong utos."


5. TANGGAPIN ANG KAPATAWARAN NG DIYOS. Kahit ano pang kasalanan ang ihingi mo ng tawad sa Panginoon ay mapapatawad Niya. Si Jesus na ang nagbayad ng kaparusahan ng ating kasalanan sa pag-alay ng Kanyang buhay sa krus ng kalbaryo. Ang anyaya Niya ay: "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko" (Mateo 11:28). Tulad ni David, kapag knocked down, huwag magpa-knockout. Bumangon at magsimula muli kay Jesus.


Panalangin: Panginoon, Inaamin ko po ang aking mga pagkakasala.

Patawarin Niyo po ako. Nais ko pong matuto sa aking mga pagkakamali sa tulong ng Inyong disiplina. Tinatanggap ko po ang Inyong kapatawaran.

Amen.


Ituktok buhay sa ngayon
By Bella Angeles Abangan

The greatest gift ...is the realization

that life doesn’t consist either of wallowing

in the past or of peering anxiously of the future

and it is appalling to think of the great number

of often painful steps by which one arrives at a

truth so old. so obvious and so frequently expressed.

It is good for one to appreciate that LIFE is NOW.

Whatever it offers, little or much, LIFE is NOW,

this DAY, THIS HOUR!”


Ang nasa talata sa itaas ay sinulat ni Charles Flandua. Ang mensahe sa itaas ay ito:
Hindi natin dapat na ubusin ang ating panahon sa pagtatago ng sama ng loob at galit dahil sa isang masakit na karanasan.


Hindi na natin maibabalik ang nakaraan sang-ayon sa ating kagustuhan. Ganyan ang buhay, hindi maaaring mangyari ang ating kagustuhan. May mga pangyayari na hindi na natin matanggap. Ngunit kailangang harapin at tanggapin.


Narito ang dalawang nurse na nakaduty sa gabing iyon. Sina Lolit at Tessa ay nakatapos nang lahat ng kanilang nga dapat gawin sa kanilang mga pasyente.


Si Lolit ay malungkot pa rin tulad ng dati. Alam ni Tessa na hindi malimot nito ang ginawa ng kanyang best friend at boyfriend. Inagaw sa kanya ni Margie ang boyfriend niyang si Ambet.


“Araw gabi ay ganyan ka, Lolit ay limutin mo na ang mga ginawa ng dalawang taksil na iyon. Anong malay mo kung may inihahanda ang Diyos para sa iyon na higit na uliran kaysa sa kanya!”


“Oo, Tessa, hindi ko malimot na best friend ko pa at nobyo ko ang nagtaksil na iyon. Anong malay mo kung may inihahanda ang Diyos para sa iyo na higit na uliran kaysa sa kanya!”


“Ibig mong malaman kung bakit? Nagpaliwanag sa akin si Margie bago umalis. Nagkuwentuhan daw sila minsan noon ni Ambet. Ipinagtapat ni Ambet na mabibigo ka sa pangarap mong mgakaroon ng mga anak. Hindi siya maaaring magkaanak sapagkat nagkasakit siya ng German measle noon. At si Margie ay isang freak...?”


“Hindi siya nagkaroon minsan man ng menstruation mula nang isilang siya. Alam niya iyon pagkat isang nurse din siya. Parang pinatambal sila ng Diyos na kailanman ay hindi sila magkaanak. Ikaw ay kuwento nang kwento kay Ambet tungkol sa mga gagawin mo kapag nagkaanak na kayo. Sabi ng boyfriend mo ay mahirap na mabigo ka ng isang lalaking baog...”


“Ganoon ba iyon? Bakit tinaon nila na bumagsak ako sa nursing board at si Margie ay nakapasa noong pagtaksilan nila ako? Nagtake-two pa ako bago ako nakapasa...”
“Nagkataon lamang iyon. Hindi nila sinasadya na gawin nilang doble ang trahedya...”
“Kaya?”


Pagkaraan ng isang linggo ay naging pang-umaga na ang magkaibigan sina Lolit at Tessa.
Naroon sila sa nurse station ng may maghanap kay Lolit na isang maginoong binata.
May iniabot na malaking sobre ang binata kay Lolit.


“Para sa Daddy iyang handaan. Gumaling na si Daddy at ikaw ang aming special guest...”

No comments: