Isa lang ang ating mundo. Oras na masira ang Earth, saan pa tayo pupulutin?
Ang bahay na nasira ay puwedeng buuin ulit. Ang gusaling gumuho ay puwedeng maitayo.
Lahat ng material na bagay sa mundo ay puwedeng palitan ng bago kapag nasira at nawala. Pero ang mismong mundo, nag-iisa lang ito.
Nakakatuwa na ang Simbahang Katoliko ay tumututok sa mga isyung may kinalaman sa Mother Earth. Dito sa atin, agresibo sila sa pagsusulong sa Mining Act. Isa ito sa maigting na kinakampanya ng mga pari at obispo upang matigil na ang pagmimina sa bansa na labis na nakakasira ng kalikasan.
Naalarma tayong lahat sa nangyaring trahedya sa St. Bernard, Southern Leyte. Pero ang ating pagkaalarma ay halos kasabay na namatay ng ating pagluluksa sa libu-libong buhay na nawala. Sandali lang at balik na naman tayo sa dating gawi. Ilang araw lang na pagtitino at pangangalaga sa kalikasan, tapos ‘back to normal’ na tayo.
At ang masakit, ang normal natin ay ang walang patumanggang pamumutol ng mga kahoy at pagtotroso, ang quarrying, ang pagmimina, ang polusyon, ang pag-abuso sa mga tubig at lahat na ng nakakasakit sa ating mundo.
Kahit ang simpleng pagtatapon ng plastik na balat ng kendi o styrofoam na ginagamit nating kainan sa mga fastfood, lahat ng ito ay mayroong matinding epekto sa ating kalikasan.
Simple lang naman ang hinihingi sa atin at ito’y para naman sa ating sariling kapakanan. Magkaroon lang ng kahit maliit na malasakit sa mundo. Mahalin lang natin ang kalikasan. Sasagipin natin ang isang mundong gagalawan ng mga susunod pang henerasyon...ng ating mga anak, mga apo at darating ang salinlahi.
Maaaring hindi na tayo ang magdusa sa pagkawasak ng mundo. Maaaring nasa kalagitnaan na tayo ng ating buhay pero isipin naman natin ang mga maiiwan nating mga anak, apo at kanilang kaapu-apuhan.
Ang pagtatanim ng halaman sa paligid, ang pangangalaga ng mga batang puno, ang tamang paraan ng pagtatapon ng basura lalo na ang segregasyon ng nabubulok at hindi nabubulok na mga basura, ang hindi pagbabalahura sa mga kalsada at mga pampublikong lugar, lahat ng ito ay madaling gawin kung ating isasapuso ang pangangalaga sa kalikasan. Hindi mahirap kung sasanayin natin ang ating sarili sa ganitong disiplina.
Kaya natin ito basta maging seryoso at determinado lang tayo sa ating pagmamalasakit sa mundo.
No comments:
Post a Comment