Sa pananalita lang, marami na tayong mapupunang mapangmatang pagtrato batay sa kasarian at edad.
Pamilyar na ang uri ng diskriminasyon sa mga babae.
Matatandaan ang popular na komentaryong "Eh kasi, babae!" Kahit walang karugtong, napakarami nang kahulugan nito.
Sakop ng mga salitang ito ang paniniwalang mas mahina ang kasariang babae. At taglay din nito ang mga tipikal na paglalarawan sa kahinaan - papalit-palit ng isip, emosyonal sa halip na lohikal, mahina sa larangan ng teknolohiya at agham. Kaya naman madalas marinig sa kalsada ang komentaryong, "Babae kasi ang driver" kapag may palpak sa pagmamaneho.
Pero maliban sa kasarian, may iba pang anyo ng diskriminasyon batay naman sa edad. ‘Di marahil napupuna nang husto, pero nagiging natural na bigkasin ang ilang pananalitang nanghuhusga o nang-iinsulto sa matatandang babae. Tulad ng "wala nang asim" o "tuyot na" na kapwa patungkol sa paglaho ng kanilang sekswalidad.
Ang babaeng umabot sa edad 30 pataas at nananatiling dalaga ay binabansagan ng kung anu-anong nakaiinsultong pananalita. Napag-iwanan ng tren.
Matandang dalagang masungit at bugnutin. Wala nang ‘market value’ (‘di na makakaakit ng lalaki). Walang lalaking nagtiyaga kaya ‘di nakapag-asawa.
Lahat ng pangmamata’y tila nakaugnay sa pagkakaroon ng lalaki sa buhay ng babae. Para bagang ang pahiwatig ay ‘di kumpleto ang pagkababae kapag walang esposo o katipang lalaki. Pero ang lalaking binata sa katandaan ay ‘di dumaranas nito. Walang panlalait na kasing dalas ng ginagawa sa matandang dalaga. Maliban na lang sa kantyaw na ang lalaking edad 40 at wala pang asawa ay malamang ‘di tunay na lalaki. Pero mas madalas na positibo pa rin ang pagturing sa matandang binata. Pangunahin ang paghanga na malamang mayaman siya sa karanasan at higit na kanais-nais.
Sa aspeto naman ng edad, may mga palasak na pangmamaliit batay sa pagiging bata o matanda. Nariyan ang mga kasabihang "may gatas pa sa labi" o "marami ka pang kakaining bigas". O kaya ‘yung, "Papunta ka pa lang sa simbahan, pauwi na ako". Lahat ito’y paghusga sa bata na wala pang alam sa buhay at walang kakayahang makaunawa sa mga kumplikadong usapin.
Kung tutuusin din, ngayon ay maaring maghusga nang ganito. Marami nang pagkakataong ang mga bata pa nga ang higit na matino at may kakayahang mabuhay at makaraos sa mga pagsubok. Sila pa minsan ang nag-aalaga at "nagpapalaki" sa kanilang mga magulang.
Kapag matanda naman, may mga karaniwang pananaw na sila’y wala nang silbi. Masakit ang paglarawan sa kanila bilang ulyanin, pabigat at pasanin. Madalas rin, sila’y ‘di na binibigyan ng pagkakataong ipagpatuloy ang mga gawaing pinagsanayan na nila at nananatiling mahusay pa rin. Tulad ng pagtuturo o ibang hanapbuhay.
May ilang samahang pribado ang tumututok sa mga usaping ito at sinisikap na baguhin ang mentalidad ng mga tao. Layon ng mga itong patunayang nananatiling makabuluhan ang kanilang sektor at ‘di nararapat imaltrato o ituring na mas mababa ang estado sa buhay.
Lahat naman tayo’y dumaan sa pagkabata at hahantong din sa katandaan. Mga normal na yugto ng ating buhay ang mga ito kaya’t walang saysay ang diskriminasyon.
No comments:
Post a Comment