Sa panahong ito ng malawak na krisis, sana makalimutan muna natin ang pulitika at pagbatikos kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Una, hindi siya ang may kagagawan ng malaking financial scandal sa America. Ganu’n pa man, patuloy tayong nahahawaan. Wala tayong magagawa kundi tiisin ang hirap na dulot nito.
Dumating ang krisis sa panahong bumababa na ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Malaki sanang tulong kung mababawasan ang gastos ng ekonomiya sa gasolina at iba pang produkto ng petrolyo.
Pero, kahi hindi tayo inabot ng krisis na mula sa America, mukhang ganu’n pa rin ang mangyayari sa ekonomiya ng bayan. Noong nakaraang unang anim na buwan ng taon lumago ang ating GNP -- ang buong halaga ng produkto at services na natipon sa nasabing panahon -- ay umabot lamang sa kulang pa sa 5 percent. Maliit kung sa maliit. Pero wala na tayong magagawa.
Ang ibig sabihin niyan, liliit din ang buwis na makokolekta para magastos sa kapakanan ng bayan.
Dahil parang wala naman tayo talagang mahihintay na tulong mula sa rehimeng Arroyo, huwag na tayong umasa na darating ang ginhawa dahil sa kanya.
Kalimutan na muna natin ang malawak na kurakutan, smuggling, pagsisinungaling at gulo sa pork barrel na ngayon ay pinag-aawayan sa Senado.
Ang dapat nating gawin ay umisip ng maliliit na paraan para makatawid sa gutom.
Maraming pagkakataon lalo na sa probinsya.
Mahirap umasa na makakakita tayo ng trabaho. Ang mabilis na pagdami ng tao, ang kasalukuyang krisis, at malawak na kurakutan ay hindi magpapalago sa ekonomiya na siya namang dapat lumikha ng maraming bagong trabaho.
Ang anim hanggang sampung milyong bagong trabaho na ipinangako ni Pangulong Arroyo ay hindi na darating sa loob ng kanyang panunungkulan hanggang 2010. Huwag na nating asahan.
Ang kailangan ngayon ay mga maliliit na hanapbuhay na hindi dulot ng malalaking pabrika o kumpanya.
Halimbawa, marami pa rin ang nangangailangan ng karpintero. Mag-aral tayo na tumulong sa paggawa ng bahay ng mayayaman.
Malimit masira ang ating cellphone. Puwede ring mag-aral ng repair. Sa bahay na lang ang shop. Walang renta.
Maraming gulay at prutas ang iniluluwas mula sa probinsya sa araw-araw.
Marami pa rin naman ang lugar dito sa Metro Manila na kulang ng mga pagkaing iyan. Alamin kung saan may kulang.
Doon magtinda. Kahit paano, may pambili tayo ng bigas.
Marami pang ibang bagay ang puwedeng pagkakitaan. Ibukas lamang natin ang ating mga mata sa ating paligid at alamin kung ano ang kailangan ng ating kapwa.
Isa pa sa gusto kong ipaabot sa ating mga kababayan na naghahanapbuhay bilang OFW ay ang pag-aaral sa paggastos. Huwag na munang isipin ang pagpapagawa ng bahay.
Kalimutan ang mamahaling sasakyan.
Ilaan ang pera para sa pag-aaral ng mga anak at paghahanapbuhay. Baka dumating ang panahon na retired na ang OFW, uuwi sa Pilipinas sa magarang tahanan na hindi pa pala bayad.
Darating ang panahon na mareremata ang bahay na iyan ng bangko. Ubos na ang pera para mag-aral ang mga anak. Balik tayo sa pinanggalingan pero wala na tayong panahon na maulit pa ang maluwag na kabuhayan na natamo bilang OFW.
Ang pamahalaan ay gabay sa kabuhayan at siyang umuugit sa pag-unlad.
Kung ganito ang papel na ginagawa ng pamahalaan, dapat tayong matuto at magkaroon ng inspirasyon.
Pero kung katulad ngayon na wala tayong nakikita kundi kurakutan, pang-aabuso at pagwawaldas ng salapi ng bayan, mag-isip tayo para sa sarili.
Hindi na puwedeng umasa sa gobyerno o makakita ng inspirasyon para tayo ay magsipag.
Isipin ninyo na ang gobyerno ang nagpapahirap sa atin. Bakit tayo dapat madamay?
Puwedeng umiwas sa pamamagitan ng sipag at pagsasarili sa buhay.
No comments:
Post a Comment