Sunday, December 29, 2024

Bakit?

 BAKIT HINDI MAN LANG PINATAWAG SI VITALIANO AGUIRRE II SA MGA HEARINGS NG QUAD COMM? Ang Quad Comm ay isang special committee sa Kongreso na layuning imbestigahan ang posibleng koneksyon ng POGOs, illegal drugs, extrajudicial killings (EJKs), at human rights violations sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaklase ni Duterte sa San Beda at fraternity brother sa Lex Talionis Fraternitas si Vitaliano Aguirre II na kalaunan ay naging DOJ Secretary nya. Sangkot din si Aguirre sa mga krimen ni Duterte simula pa noong Mayor pa lang ito ng Davao City. Kasama si Aguirre sa mga sinampahan ng kaso sa ICC noong April 2017.

Noong sinimulan ni dating CHR Chairperson Laila De Lima ang imbestigasyon sa mga patayan ng Davao/Duterte Death Squad (DDS) noong 2009, lumabas ang ilang DDS hitmen, bago pa kina Lascanas at Matobato, para tumestigo. Sila ang mga unang nagturo kay De Lima sa Laud quarry, ang "killing field" kung saan tinatapon at inililibing sa shallow graves ang mga biktima ng DDS. Ito ay isang limestone quarry na meron ding forested areas at mga kweba na pagmamay-ari ni Ben Laud, isang dating pulis na isa ring DDS assassin. Dahil sa ito'y isang pribadong lugar, walang taga-Davao ang nakakaalam sa lugar na ito maliban lamang sa City Mayor noon na si Rodrigo Duterte at ang kanyang mga DDS assassins. 

Basi sa mga sinumpaang salaysay ng mga witnesses ng CHR, nagpalabas ng search warrant ang Manila Regional Trial Court Branch 34 para halughugin ang Laud quarry. Sa tulong ng PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO) na deputized ng CHR, napasok ng team ni De Lima ang Laud quarry at sa kanilang paghuhukay, daan-daang mga buto ang kanilang nadiskubre. Isa sa bungo na kanilang nahukay ay meron pang gunshot mark.

Natigil ang search nang makakuha ng temporary restraining order ang may-ari ng quarry na si Ben Laud. Ang kanyang abogado ay si Atty. Vitaliano Aguirre II.

Noong bumaliktad ang DDS team leader na si Arturo Lascañas at nagkipagtulungan sa ICC, sinabi nito sa kanyang sinumpaang affidavit na sinumite sa ICC na nasa Davao si Aguirre habang naghuhukay ang team ni De Lima sa quarry at gumagawa ito ng damage control.

Si Lascañas, kasama ang isa pang DDS operative, ang nagsilbing driver ni Aguirre sa kanyang pag-iikot sa Davao habang mainit ang balita tungkol sa quarry. Ayon kay Lascañas sinabi sa kanya ni Aguirre ang kanyang damage control strategy: "Palabasin na ang mga buto ay galing sa libingan ng World War II." Ito'y nagpapatunay na alam na alam ni Aguirre ang tungkol sa mga pagpatay o summary killings na naganap sa pamumuno ng kanyang classmate at fraternity brother na si Duterte.

Nang naging presidente si Duterte noong 2016, itinalaga nya si Aguirre bilang Secretary ng DOJ. Malaki ang naging pakinabang ni Aguirre sa posisyong ito upang pagtakpan at itago ang mga krimen ni Duterte at ng kanyang Death Squad sa taongbayan. Pangunahing naging agenda ni Aguirre nang sya'y naluklok noong February 2017, ay ang paghihiganti kay De Lima dahil sa pag-expose nito sa mga krimen ng DDS noong 2009.

Isang confidential document ng Bureau of Corrections ang lumabas at nagpatunay na nag-utos si Aguirre na bigyan ng special privileges bilang premyo ang mga high profile inmates na tumestigo laban kay De Lima at idiin ang senador sa gawa-gawang drug charges. Sa utos ni Aguirre, itong mga inmates ay namuhay ng marangya sa Bilibid: pinahintulutang ang mga ito na gumamit ng electronic gadgets, smart television sets, air-conditioning, internet at cellular phones. Hindi man lang napanagot si Aguirre sa mga maling gawaing ito na nabunyag noong administrasyon pa ni Duterte.

Noong June 2017, ibibaba ng DOJ ni Aguirre ang kaso ng 19 pulis sa pamumuno ni PSupt. Marvin Marcos sa homicide mula sa unang inirekomendang kasong murder ng Senado. Ang tropa ni Marcos ang responsable sa rubout sa Albuera, Leyte kay Mayor Rolando Espinosa sa loob mismo ng Baybay City Jail. Ayon kay Lascañas si Espinosa ay tinatanaw na kakumpitensya sa drug trade na protektado ni Duterte. Ikinalungkot ni Sen. Franklin Drilon ang pag-downgrade ni Aguirre ng kaso sa homicide na ayon kay Drilon ay isang malaking dagok sa justice system ng bansa.

Noong November 2017, ang DOJ ni Aguirre ay nagpawalang sala kay dating Customs chief Nicanor Faeldon kaugnay ng P6.4B shabu shipment na dumaan sa Customs na pinamumunuan ni Faeldon. Ang PDEA mismo ang nagsampa ng kaso laban kay Faeldon, kasama ang 11 BOC officials at employees, dahil sa "conspiracy to import illegal drugs, protecting drug traffickers, and corrupt practices of public officers".

Dinismis ng DOJ ni Aguirre ang kaso "for lack of probable cause". Tanging ang trucker na si Mark Ruben Taguba II at ang warehouseman na si Fidel Anoche Dee ang nirekomendang kasuhan ni Aguirre. Tumestigo si Taguba sa Senado na ang naturang shabu shipment ay pagmamay-ari ng Davao Group ni Paolo Duterte at Manases Carpio, na asawa ni Sara Duterte.

Noong March 2018, ang DOJ ni Aguirre ay nag-dismiss din ng mga kasong "drug trading at conspiracy" laban sa negosyante ng Cebu na si Peter Lim. Kilala ito bilang supporter at kaibigan ni Duterte. Ang PNP-CIDG mismo ang nagturo kay Lim na nasa liko ng malalaking shipment ng shabu sa bansa base na rin sa salaysay ng mga credible witnesses. Hindi man lang binigyan ni Aguirre nga importansya ang mga naturang salaysay.

Hanggang ngayon ay walang ni anino ni Vitaliano Aguirre II ang kakita sa Quad Comm hearings. Hindi na rin ito nagpapakita sa publiko. Ang kanyang anak ay kasakukuyang mayor ng Mulanay, Quezon Province.

Hindi pwedeng hindi mapanagot si Vitaliano Aguirre II sa parehong mga krimen na kinasasangkutan din ng kanyang kaklase at fraternity brother. Kailangang harapin niya ang hustisya at ang batas. Siya ay nararapat lamang sa kulungan.

(Sources/Credits: Vera Files, Rappler, GMA News)

No comments: