Thursday, April 10, 2025

Damhin mo.

 Huwag agad magalit kung makulit ang anak mo. Huwag agad magalit sa ingay, sa kalat, at sa paulit-ulit na pagtawag ng pangalan mo. Dahil darating ang araw, lahat ng ito'y magiging alaala na lang. Yung batang ayaw kumain kung wala ka, yung iyakin na gusto’y lagi mo syang karga, yung kulang ka sa tulog dahil sa paulit-ulit na pag-iyak.


Balang araw, titigil ang lahat ng ‘yan. Tatahimik ang bahay. Malinis na palagi ang sahig. Maayos na palagi ang kama. Wala nang sumisigaw ng “Mama” o “Papa” sa gitna ng gabi. Darating ang araw, matututo na silang tumayo sa sarili nilang paa. Magkakaedad na sila. Mag-iiba na ang takbo ng oras, at bubuo na rin sila ng sarili nilang mundo, ng sariling pamilya. Ikaw, maiiwang mag-isa sa bahay na minsan ay puno ng ligalig, ngunit ngayon ay tahimik na. 


Kaya habang bata pa sila, habang nandiyan pa sila’t ikaw pa ang takbuhan at superhero nila, damhin mo ang bawat ingay. Mahalin mo ang bawat kalat. Palampasin mo ang bawat kakulitan. Dahil ang mga ingay at gulo na dinadanas mo ngayon sa kanila, yun din pala ang magpapaalala sa'yo kung gaano ka nila kamahal pagdating ng panahon.

No comments: