Monday, January 30, 2006

Igalang ang barya

by Susan Fernandez

Sa aming komunidad, mahalagang anyo ng transportasyon ang tricycle. Madaling puntahan ang mga lugar na importante sa pang-araw-araw na buhay. Palengke, eskwelahan, simbahan, parlor, bangko, kainan, grocery. Bahagi na nga ng aming buhay ang pagsakay sa tricycle.

Kaya naman naging ugali ko na kapag dumarami ang mga barya kong sentimo, iniipon ko ito. Sadya kong kinukumpuni ang mga singko at sampung sentimo at hinahanda para pambayad ng eksaktong pamasahe. Naisip ko ring ikatutuwa ito ng mga drayber ng tricycle dahil may handa silang panukli.

Minsan, sumakay ako ng tricycle patungong bangko. Nang ako'y pababa, inaabot ko ang puro baryang singko at diyes sentimong nagkakahalaga ng labindalawang piso. Laking gulat ko nang tumanggi ang drayber sa bayad ko. Di na raw nila tinatanggap iyon. Sabi ko, "Bakit? Hindi ba ito pera? Di ba dito galing ang piso?"

Sa puntong iyon, naisip kong pahintayin siya at papasok muna ako ng bangko para ikonsulta sa manager kung paso na nga ba ang mga barya. Lumabas uli ako kasama ang manager at giniit kong legal na pambayad ang barya ayon sa bangko. Pero galit na umarangkada paalis ang drayber at sumigaw sa aming direksyon ng, "Di bale na lang!"

Nang ako'y pauwi, muli akong sumakay ng tricycle. Binayad ko ang parehong halaga ng mga barya.

Tinanggap naman. Ilang minuto pagkapasok ko sa bahay, lumabas uli ako. Laking gulat ko nang makita kong nakakalat sa kalsada ang baryang binayad ko dahil tinapon ng drayber. Napailing na lang ako sabay nadismaya sa kawalan ng respeto ng mga drayber sa barya.

Kung tutuusin, pati sa mga grocery, may masasamang gawi ang ilang kahera. Dahil kapos sa baryang panukli, kendi na lang ang ibibigay bilang kapalit. O kaya magpapaumanhin na kulang ng konting barya ang sukli. Dahil abala pa sa customer ang maghintay ng eksaktong sukli, hinahayaan na lang. Tutal, sa isip nila, parang wala ring mabibili ang singko at diyes ngayon.

Pero mali ang ganitong pananaw. Ginigiit ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) na dapat irespeto ang bawat sentimo dahil dito nagmumula ang piso at legal na legal pa rin para sa mga transaksyon. Mahigpit ding paalala ng DTI na huwag na huwag tayong tumanggap ng kendi bilang katumbas ng sukling barya.

Ipinaalala ring lahat ng mamimili ay may karapatang tumanggap ng tamang sukli. At may karapatan tayong tanggihan ang kendi bilang sukli. Wala ring karapatan ang kahit anong establisimyento na tanggihan ang ating barya. Legal na gamitin ang barya sa mga transaksyon sa pagbayad ng bilihin o sa transportasyon. Nasa batas ang lahat ng karapatang ito.

Ayon sa DTI, ang pagtanggap ng kendi bilang sukli ay katumbas ng akto ng pagbili. Nguni't ang akto ay nasa konteksto ng panlilinlang. Napipilitan ang customer na 'bilhin' ang kendi dahil sa pekeng dahilan na kulang ng baryang panukli. Tuloy, nagiging legal ang aktong mapanlinlang. Kaya may lusot ang establisimyento dahil may pagpapayag mula sa customer. Sinisikap ng DTI na hikayatin ang mga tindahan laban sa gawaing ito.

Minsan ko na ring inireklamo ang masamang gawing ito ng grocery malapit sa amin. Sa dalas ng punta ko rito at dalas ng pagbigay nila ng kulang na panukli, naisip kong luging-lugi na ako sa laki ng halagang ipinagkakait sa akin bilang sukli. At kung ginagawa nila ito sa marami pang customer, e di libu-libo na ang kita ng grocery! Umepekto ang aking reklamo dahil sa sunod kong punta, nabalitaan kong tiniyak nilang may sapat na barya sa lahat ng kahera.

Dahil sa masasamang gawi na ito, naglunsad ng kampanya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na tinaguriang 'Ang Barya Mahalaga'. Ito'y paghikayat sa mga mamimili na tumulong sa malawakang sirkulasyon ng mga barya at sa pagtiyak na sinusunod ang mga batas na nagbibigay proteksyon at gumagalang sa mga karapatan ng mamimili. Dapat lang ipursigi ang kampanyang ito!

2 comments:

Donble said...

Hi Susan,

Saan ba pwede ireport ang establishment na ayaw tumanggap ng barya? Recently meron naka encounter ng ganito.

Looking forward to your reply.

القمر السعودى said...

شركة تنظيف بالقطيف
شركة تنظيف بالاحساء
شركة تنظيف بالجبيل
شركة تنظيف بابها وخميس مشيط