Monday, June 24, 2024

Jose Rizal

 TALAMBUHAY NI DR. JOSE RIZAL:


Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda

(Manunulat, Pambasang Bayani ng Pilipinas, ▪️Dakilang Henyo ng Lahing Malayo)

▪️ISINILANG SA: Calamba, Laguna (Hunyo 19, 1861)

▪️BINARIL SA: Bagumbayan (ngayo’y Luneta; Disyembre 30, 1896)


Mga Magulang: Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos (“Z” sa ibang aklat)

Mga Ninuno: Domingo Lamco, sa panig ng ama (negosyanteng Instik); Lakandula, sa panig ng ina (pinuno ng Tondo na namuno sa isang bigong pag-aalsa sa mga Kastila, inapo ni Rajah Sulayman ng Maynila)

Nagbinyag: Padre Rufino Collantes

Ninong: Padre Pedro Casañas

Paboritong kura paroko/parish priest: Padre Leoncio Lopez (nagturo kay Rizal ng pagrespeto sa karapatan ng ibang tao)

Buong Pangalan: (Complete name) Jose Protacio Mercado Rizal y Alonso Realonda

Jose Protacio - first name

Jose: sa karangalan ni San Jose, patron ng mga manggagawa, asawa ng Birheng Maria, tatay sa lupa ni Hesukristo

Protacio: sa karangalan ni San Protacio (isang martir; kapistahan/feast day niya tuwing Hunyo 19)

Mercado: tunay na apelyido ng kanyang ama; nangangahulugang “pamilihan/market” sa wikang Español

Rizal: apelyidong pansamantalang pinagamit kapalit ng Mercado upang makaiwas sa gulo (kabibitay pa lamang sa Gomburza; konektado kay Padre Burgos si Paciano kaya delikado ang apelyidong Mercado); mula sa salitang Español na “ricial” (luntiang lupang tinatamnan ng trigo/green fields of barley)


Alonso: tunay na apelyido ng ina noong dalaga pa o maiden name; middle name ni Jose Rizal

Realonda: middle name ng kanyang ina noong dalaga pa; galing sa lola ni Rizal


Mga kapatid:

▪️Saturnina

▪️Paciano – tanging lalaking kapatid ni Jose; tumustos/nagpondo sa pag-aaral ni Jose sa Europa; naging heneral ng Hukbo ng Rebolusyong Pilipino

▪️Narcisa

▪️Olympia – namatay sa 13 oras na panganganak

▪️Lucia

▪️Maria

▪️Concepcion – kasunod ni Jose; namatay sa sakit sa edad na 3 taon

▪️Josefa – naging pangulo ng pangkababaihang grupo ng Katipunan

▪️Trinidad – tinuruan ni Jose ng Ingles; pinagbigyan ng lamparang naglalaman ng teksto ng Mi Ultimo Adios

▪️Soledad


Unang guro: ang kanyang ina (nagturo ng alpabetong Kastila/abecedario; pagdarasal sa Latin at panimulang pagbasa)


Unang pighating naranasan: pagkamatay ni Concepcion (Concha) na lagi niyang kalaro


Unang tulang sinulat: “Sa Aking mga Kabata” (sinulat sa Tagalog; tungkol sa pagmamahal sa sariling wika; 8-taong gulang siya noon)


Mga Tiyuhing Nakaimpluwensya:

▪️Tiyo Manuel – palakasan/sports

▪️Tiyo Gregorio – pag-ibig sa aklat

▪️Tiyo Jose Alberto – husay sa sining/art


Unang guro sa pormal na edukasyon: Justiniano Aguino-Cruz (paaralan sa Biñan, Laguna)

Unang Kawalang-katarungang dinanas ng pamilya Rizal: pagkakulong ni Doña Teodora dahil sa walang basehan na paratang ng paglason sa hipag/sister-in-law niya


Pangyayaring nagmulat kay Rizal sa kawalang-katarungan sa Pilipinas: Pagbitay sa Gomburza (Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora; tatlong Pilipinong pari na nagsusulong sa Pilipinisasyon ng mga parokya; idiniin o i-friname-up sa pag-aalsa sa Cavite noong 1872).


Buhay-High School: sa Ateneo Municipal (nasa loob ng Intramuros, Maynila noon; paboritong paaralan ni Jose; pinatatakbo ng mga Heswita/Jesuit

Tulang sinulat sa paglaya ng ina: “Mi Primera Inspiracion” (My First Inspiration/Ang Una Kong Inspirasyon)


Unang Guro sa Ateneo: Padre Jose Bech

Paboritong Guro sa Ateneo: Padre Francisco Sanchez (humikayat sa kanya na ipagpatuloy ang pagsusulat)


1877: Nagtapos sa Ateneo; sobresaliente o excellent ang marka sa lahat ng asignatura; tumanggap ng diplomang Bachiller en Artes (katumbas ng high school diploma ngayon)


Abril 1877: Pumasok sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) para magkolehiyo; pinatatakbo ng mga Dominikano/Dominicans; kumuha ng Pilosopiya at Letra sa unang taon batay sa gusto ng ama; lumipat sa Medisina nang sumunod na taon, batay sa payo ni Padre Pablo Ramon, rektor ng Ateneo.


Tulang nagwagi ng unang gantimpala – 1879 : “A la Juventud Filipina” (Sa Kabataang Pilipino/To The Filipino Youth); dito binigyang-diin ni Jose na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan.


Dulang nagwagi ng unang gantimpala: “El Consejo de los dioses” (Ang Pulong ng mga diyos/The Council of the gods); tungkol sa pag-aaway-away ng mga diyos at diyosa sa Bundok Olimpo sa kung sino kina Homer (Griyegong/Greek sumulat ng “Iliad” at “Odyssey”), Virgil (nagsulat sa Latin ng “Aeneid”) at Miguel de Cervantes (Kastilang nagsulat ng “Don Quijote de la Mancha”) ang pinakamahusay; nagwagi ito sa patimpalak/contest na inorganisa ng Liceo Artistico Literario de Manila para sa paggunita sa ika-400 taong kamatayan ni Cervantes


1880: Hinampas ng espada ng isang gwardya sibil; nagreklamo kay Gob. Hen. Primo de Rivera pero walang nangyari


1882: Nagpasyang sa ibang bansa na lang mag-aral dahil:

▪️Di gaanong mahusay ang pagtuturo sa UST noon

▪️May diskriminasyon sa UST; minamaliit ang mga Pilipino

▪️Galit sa kanya ang mga Dominikano dahil sa pagtatatag niya ng Compañerismo (kapatiran/fraternity ng mga Pilipino)

▪️Gusto niyang gamutin ang mata ng ina (mas maganda ang turo sa Europa)


Mayo 1882: naglakbay papuntang Europa, mula sa Maynila


Ruta mula Maynila (sa pamamagitan ng barko/ship):

▪️Singapore

▪️Colombo, Sri Lanka

▪️Aden, Yemen

▪️terminal sa Suez Canal (Ehipto/Egypt)

▪️Italya

▪️Pransya

▪️Espanya (dumating: Hunyo 1882)


Unang sinulat sa Europa: Sanaysay/essay na “Amor Patrio” (Pag-ibig sa Bayan o Love of Country); gumamit ng sagisag-panulat o pen name na Laong Laan (“matagal nang inalay”) isinalin sa Tagalog ni Marcelo H. del Pilar, na gumamit naman ng pen name na Dolores Manapat; lumabas sa “Diariong Tagalog” (unang dyaryong Tagalog sa Pilipinas)


Nobyembre 1882: Pumasok sa Universidad Central de Madrid/UCM; kumuha ng kursong Pilosopiya at Letra at Medisina; habang nasa UCM ay umanib siya sa “Circulo Hispano-Filipino” at sa Masonerya o Freemasonry


Talumpati sa Madrid: binigkas sa karangalan nina Juan Luna at Felix Resureccion-Hidalgo, 2 pintor na Pilipinong nagwagi sa Pambansang Eskposisyon sa Sining (ng Espanya) para sa “La Spolarium” at “Virgenes Expuestas Al Populacho,” na parehong masining na tumuligsa sa masamang pamamahala ng mga Kastila


1884: Binigyan ng lisensya sa medisina; bago pumunta sa Paris, dinalaw muna ang mga kaibigan niyang sina Maximo Viola at Pardo de Tavera na nasa Barcelona


1885: Pumunta sa Paris, Pransya upang magsanay sa klinika ni Dr. Louis de Weckert; naging bahagi ng “La Solidaridad” (dyaryo ng Kilusang Propaganda)

Sa Alemanya/Germany:

▫️Nakilala si Prof. Ferdinand Blumentritt (Austrian na ethnologist na nananaliksik tungkol sa wikang Tagalog) na siya niyang naging pinakamatalik na kaibigan/best friend

▫️Nagsanay sa ospital na pangmata ng University of Heidelberg sa pamamahala ni Dr. Otto Becker

▫️Habang nasa Heidelberg, sinulat ang tulang “A las Flores del Heidelberg” (Sa Mga Bulaklak ng Heidelberg/To the Flowers of Heidelberg); nagpapakita ng pangungulila sa sariling bayan

▫️Tinapos at pinalimbag ang “Noli Me Tangere” sa Alemanya; pinautang siya ng pera ni Maximo Viola (kaibigan niyang taga-San Miguel, Bulacan) para sa pagpapalimbag ng unang 2,000 kopya/sipi ng Noli; bago umuwi sa Pilipinas para alamin ang reaksyon ng mga Pilipino sa nobela, ay naglakbay muna siya sa Europa kasama si Maximo Viola

Unang Pagbalik sa Pilipinas:

▫️Nanggamot at naging makatarungan sa paniningil (depende sa katayuan o status ng pasyente ang singil); nakilala bilang Dr. Ulliman (dahil nagsanay sa Alemanya)

▫️Pinatawag ni Gob. Hen. Emilio Terrero; pinag-iingat siya nito sa mga tumutuligsa sa Noli; binigyan siya ng gwardya (Jose Taviel de Andrade)

▫️Tinuligsa ng mga prayle ang Noli: sumulat ng liham-pastoral si Padre Jose Rodriguez na pinamagatang “Caiingat Cayo” (Mag-ingat kayo/Beware!); pinag-iingat at pinagbabawalan niya ang mga tao na basahin ang sinulat ni Jose na diumano’y subersibo (laban sa gobyerno) at heretikal (kontra sa Simbahan)

▫️Sinagot ni Marcelo H. del Pilar ng “Caiigat Cayo” (Maging Igat Kayo/Be Like Eels) ang batikos ni Rodriguez; pinayuhan niya ang mga tao na maging parang igat/eel (isang uri ng madulas na isdang mahirap hulihin) ang mga tao upang di sila mabitag o ma-trap sa kasinungalingan ng mga prayleng galit kay Rizal

▫️Ipinagtanggol din ni Padre Vicente Garcia si Rizal

▫️Nagpasya si Rizal na muling maglakbay sa ibang bansa upang mas malayang makakilos (sa Pilipinas, mahirap magsulat o bumatikos dahil malakas ang impluwensya ng mga prayle)


Ikalawang Paglalakbay ni Jose Rizal (mula Maynila):

▪️Hong Kong – pumasyal sa mga Pilipinong taga-roon na gaya ni Jose Maria Basa na tumulong sa pagpupuslit o pagi-smuggle ng mga kopya ng Noli

▪️Hapon – nakilala niya rito si O-Sei-San

▪️Estados Unidos – nabiktima sila ng diskriminasyon; “bansang malaya ngunit para lamang sa mga puti,” ayon kay Rizal

▪️Londres/London, Gran Britanya/Great Britain – nanaliksik sa malaking aklatan para ihanda ang anotasyon sa “Sucesos de las Islas Pilipinas” (Mga Pangyayari sa Kapuluan ng Pilipinas/Events in the Philippine Islands) ni Dr. Antonio de Morga; ang aklat na ito ay nagpapatunay na may sibilisasyon na ang mga Pilipino nang abutan o madatnan sila ng mga Kastila; dito rin niya sinulat ang “Liham sa mga Kababaihang Taga-Malolos” (Malolos, Bulacan; sinulatan niya ang mga babaeng taga-rito para ipakita ang kanyang paghanga at pagsuporta sa kanilang layunin na magpatayo ng paaralang pambabae roon)

▪️Sa Belhika/Belgium – dito inilimbag (sa Ghent, Belgium) ang “El Filibusterismo,” ang karugtong/ sequel ng Noli Me Tangere; ang El Fili ay inalay niya sa Gomburza; pinautang siya ni Valentin Ventura upang ito’y ipalimbag

▪️Sa Hong Kong ulit – para manggamot at makipagkita sa buong pamilya Rizal (dito sila nagpasko; kapapalayas pa lamang ng pamilya nila at ng iba pang pamilya ng mga magsasaka sa asyenda/hacienda ng mga Dominikano sa Calamba, Laguna; ayaw na kasing magbayad ng upa ni Don Francisco dahil sobrang taas na ang sinisingil); sandaling nanggamot din si Jose sa Hong Kong; habang narito, sumulat din siya kay Gob. Hen. Eulogio Despujol upang hilingin dito na dalhin o i-resettle ang mga taga-Calamba sa Sabah/North Borneo (ito ang tinawag ni Rizal na “Proyekto ng Kolonisasyon ng Borneo” na ibinasura lang si Despujol)


Ikalawang Pagbabalik sa Pilipinas: Bakit nagpasyang bumalik?

▪️Para mapanatili ang pagkakaisa ng Kilusang Propaganda (nag-away-away sila noon sa Europa kung sino ang dapat maging pangulo nila, si Rizal o si del Pilar; umalis na lang si Rizal para maresolba ito)

▪️Kakausapin niya si Despujol para alamin kung magbabago pa ang pasya nito

▪️Itatatag niya “La Liga Filipina” (Ang Liga ng mga Pilipino/League of Filipinos) sa Pilipinas


Mga Nangyari sa Ikalawang Pagbabalik sa Pilipinas:

▪️Itinatag niya “La Liga Filipina” noong Hulyo 2, 1892 sa bahay ni Doroteo Onjungco sa Tondo, Maynila (ang La Liga ay samahang sibiko para sa mga Pilipino na layuning magsulong ng mga reporma sa Pilipinas); isa si Andres Bonifacio sa mga orihinal na kasapi ng La Liga

▪️Limang araw pagkatatag ng La Liga (Hulyo 7), ipinatapon (in-exile) si Rizal sa Dapitan, Zamboanga dahil sa mga sumusunod na dahilan:

🔻May nakuhang sipi ng “Pobres Frailes” sa unan ni Lucia (kapatid na kasama niya sa paglalakbay); ang babasahing ito’y anti-prayle/ kontra sa Simbahan (malamang na inilagay lamang ito sa bagahe ng magkapatid)

🔻Inalay ni Rizal ang “El Filibusterismo” sa Gomburza, kaya’t ito’y subersibo

🔻Diumano’y (allegedly) iligal daw ang La Liga Filipina


3. Hulyo 7, 1892 din: itinatag ni Andres Bonifacio at ng ilan pang kasapi ng La Liga Filipina, ang KKK/Katipunan (Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan/ Supreme and Most Respectable Organization of the Sons of the Motherland) para simulan ang sikretong pag-oorganisa na hahantong sa armadong pag-aalsa/rebolusyon para mapatalsik ang mga Kastila at makapagtayo ng demokratikong gobyernong pinatatakbo ng mga Pilipino (para sa kanila, ang pagkapatapon ni Rizal ay senyales na wala nang pag-asa ang reporma sa ilalim ng mga Kastila at kung gayon, wasto na ang magrebolusyon)


Mga Nangyari sa Dapitan

▪️Nagtayo siya ng paaralan para sa mga batang lalaki

▪️Nagtayo ng patubig/irrigation system para sa mga magsasaka at mamamayang taga-Dapitan

▪️Nakipagdebate (sa sulat) kay Padre Ramon Pastells (isang Heswita) tungkol sa mga usaping panrelihiyon

▪️Sinulat ang tulang “Mi Retiro” (Ang Aking Pahingahan) bilang tugon sa hiling ng ina

▪️Nakatuklas ng mga bagong specie ng palaka, tutubi/dragonfly at uwang/ beetle na malao’y ipapangalan sa kanya

▪️Naglilok ng mga pigurin at estatwang bato atbp.

▪️Tumanggap ng mga pasyente mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at ng daigdig

▪️Nakilala at kinasama (live-in) si Josephine Bracken, na malao’y mistulang asawa na rin niya

▪️Dinalaw siya ni Dr. Pio Valenzuela (sugo/emissary ni Andres Bonifacio) para alamin ang opinyon niya sa rebolusyong inoorganisa ng Katipunan; inalok siya ni Valenzuela na itakas para pamunuan niya ang rebolusyon, di pumayag si Rizal at sinabi rin niyang tutol siya sa rebolusyon dahil:

🔻Nangako siya sa mga Kastila na di tatakas sa Dapitan

🔻Hindi pa raw handa ang mga Pilipino (kulang sa armas atbp.)

🔻Wala pa raw pagkakaisa ang mga Pilipino

🔻Diumano’y hindi pa sanay mamahala ang mga Pilipino

🔻Marami raw madadamay na inosente

▪️Sumulat si Jose kay Gob. Hen. Ramon Blanco para hilingin na payagan siyang pumunta sa Cuba para maging doktor sa Hukbong Kastila (Spanish Army; noo’y nagrerebolusyon na ang mga Cubano laban sa mga Kastila; ayon sa ibang aklat, sikretong plano ni Rizal na obserbahan ang taktikang gerilya/guerilla tactics na ginagamit ng mga Cubano laban sa Español)


Agosto 23, 1896: Nagsimula ang hayagang pag-aalsa ng Katipunan laban sa mga Kastila


Hulyo 1896: Pinayagan siya ni Blanco na pumunta sa Cuba; nakaalis ang bapor nila sa Maynila pero nasa Singapore pa lamang ang barkong sinasakyan niya’y muli siyang ipinaaresto (September 30). Nang makarating sa España ang kanilang barko ay inilipat siya sa isang barkong militar at ibinalik sa Pilipinas para ikulong sa Fort Santiago (sa loob ng Intramuros).


Disyembre 8, 1896: Pinamili siya ng magiging abogado niya sa isang listahan; pinili niya si Luis Taviel de Andrade


Disyembre 11, 1896: Binasahan siya ng sakdal o ipinaalam sa kanya ang mga ikinaso sa kanya:

▪️Sedisyon o pag-uudyok ng pag-aalsa

▪️Rebelyon o pagsulat ng aklat laban sa pamahalaan

▪️Pagtatatag ng diumano’y lihim na samahan (La Liga)


Depensa ni Rizal at kanyang abogado: Walang kinalaman si Rizal sa pag-aalsa ng Katipunan, dahil tutol nga siya sa rebolusyon (nagpalabas pa nga siya ng manipesto para patunayan ito); hindi subersibo o sedisyoso ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo dahil hindi naman ito itinago ni Rizal kaninuman, layunin lamang niyang isiwalat ang katotohanan; Lalong hindi lihim ang La Liga Filipina dahil alam na nga ng mga Kastila ang tungkol dito at wala ring ginawang labag sa batas ang La Liga (humihingi lamang ito ng reporma)


Paano nadiin si Rizal: Dahil sa pagbaligtad at pagtatraydor ng mga dati niyang kasamahan, mga kapwa Pilipino, lalo na si Dr. Pio Valenzuela (na nakakatawa ma’y siya pang nagdiin kay Rizal sa hukuman); galit na galit kay Rizal ang mga prayle dahil sa kanyang sinulat na nagsiwalat sa mga baho ng ilang miyembro ng Simbahan, kaya idiniin nila ito (gaya ng ginawa nila sa Gomburza), kaya kahit inosente’y hinatulan pa rin siya.


Disyembre 28, 1896: Nilagdaan ni Gob. Hen. Camilo Polavieja ang hatol o sentensya ng kamatayan ni Rizal


Disyembre 29, 1896: Sinulat niya ang kanyang huling tula: “Mi Ultimo Adios” (Ang Huling Paalam o My Last Farewell)


Disyembre 30, 1896: Binaril sa Bagumbayan (Luneta) si Rizal, habang sumisikat ang araw sa silangan, namatay siya nang di nakita ang pagsikat ng araw sa silangan (ang paglaya ng Pilipinas), ngunit di kalabisang sabihing siya ang isa sa nagmulat ng sambayanan upang makita nito ang kanyang aping kalagayan at sa huli’y mag-alsa upang lumaya sa pagkaalipin.


Mga Pag-ibig ni Rizal

📍Segunda Katigbak – unang pag-ibig; kapatid ng kanyang kaibigang si Mariano; nakilala nang siya’y nasa UST; di gaanong matangkad, may mga matang nangungusap, kulay rosas na pisngi

📍Margarita Almeda-Gomez – ikalawang pag-ibig; taga-Pakil, Laguna; kayumangging kulay, kaakit-akit ang mga mata

📍Leonor Rivera – pinakadakilang pag-ibig ni Rizal; second cousin niya; si “Taimis”; pinaghanguan ng karakter ni Maria Clara; ikinasal sa British/Ingles na si Charles Henry Kipping

📍Jacinta Evardo Laza - si “Binibining L”

📍Leonor Valenzuela – kapitbahay sa Intamuros; kasulatan niya gamit ang asin at tubig; taga-Calamba; estudyante ng medisina

📍Suzanne Jacoby – nakilala sa Belgium; sandali lamang silang nagkaibigan ‘pagkat umalis din agad si Rizal para asikasuhin ang kaso ng pamilya sa Espanya

📍Gertrude Beckett – dalagang taga-London; kapamilya ng kanyang tinirhan doon; tumulong sa pag-aaral niya ng Ingles.

📍Magkapatid na Adelina at Nelly Boustead – noong una’y mas nagustuhan si Adelina na mas bata; si Nelly ay gusto rin ni Antonio Luna; dahil nangungulila kay Leonor (na nabalitaan niyang nagpakasal na), niyaya niya si Nelly na magpakasal; nagpatumpik-tumpik si Nelly dahil alam niyang nangungulila lang si Rizal kay Leonor at baka maging panakip-butas lang siya, isa pa, Protestante si Nelly at ayaw namang itakwil ni Rizal ang kanyang pagka-Katoliko.

📍Usui Seiko o O-Sei-San o O Sei Keio – nagturo ng wikang Hapon/Niponggo kay Rizal; muntik na rin niyang pakasalan kundi lang dahil sa bayan

📍Consuelo Ortiga y Perez – Kastila; inalayan ni Rizal ng tula; iniwan niya ‘pagkat gusto rin ni Eduardo de Lete na kanyang kaibigan

📍Josephine Bracken – itinuring niyang asawa; isang Irish; ampon ng isang Amerikanong taga-Hong Kong na nagpagamot kay Rizal; balingkinitan ang katawan at asul ang mata


Ang Batas ni Rizal (ligal na batayan ng pag-aaral sa buhay at mga sinulat ni

Jose Rizal)

▫️Batas ng Republika Blg. 1425

▫️Pinagtibay noong Hunyo 12, 1956

▫️Ipinatupad ng Lupon sa Pambansang Edukasyon (Committee of National Education) noong Agosto 16, 1956

▫️Akda ni Sen. Claro M. Recto ang orihinal na bersyon (lolo ni dating Sen. Ralph Recto)

▫️Binatikos ng ilang grupo at senador ang bersyon ni Recto kaya naglabas ng pamalit o substitute bill si Sen. Jose P. Laurel Sr. (na batay sa panukala nina Sen. Emmanuel Pelaez at Roseller Lim); ito ang naging Batas Republika 1425


Mga Tumutol sa Orihinal na Bersyon ng Batas Rizal

▫️Sen. Decoroso Rosales (kapatid ni Arsobispo Rosales)

▫️Mariano Cuenco (kapatid ni Arsobispo Cuenco)

▫️Padre Jesus Cavanna

▫️Sen. Francisco “Soc” Rodrigo

▫️ilang grupo sa Simbahang Katoliko


Mga Puna sa Orihinal na Batas Rizal

▫️Nilalabag daw ang kalayaan sa pagpili ng relihiyon

▫️Bahagi na raw ng nakalipas ang Noli at Fili kaya di na dapat pag-aralan pa

▫️May 120 pahayag daw sa Noli laban sa Simbahang Katoliko


Ang Pagtatanggol sa Batas Rizal

▫️Pagpapalaganap ng nasyonalismo ang layunin ng pag-aaral sa buhay at mga sinulat ni Rizal kaya walang masama rito

▫️Hindi pa nalulutas ang mga suliraning panlipunang tinalakay ng nobela kaya kailangan pa rin itong pag-aralan

▫️Naayos ang gusot nang payagan ng

bagong bersyon ng batas ang paggamit ng

expurgated version ng mga nobela ni Rizal


Tatlong Pangunahing Probisyon ng Batas Rizal

▫️Pagsasama sa kurikulum ng lahat ng paaralang pribado at publiko ng kursong tungkol sa buhay at mga sinulat ni Rizal lalo na ang Noli at El Fili

▫️Pagpapalimbag at libreng pamamahagi ng mga orihinal at mga salin ng mga akdang ito

▫️Pagpapanatili at pagpapalawak ng koleksyong Rizaliana sa mga aklatan sa bawat paaralan sa bansa


Paano pinili si Rizal bilang Pambansang Bayani?

Pamantayan o Criteria sa Pagpili:

▫️isang Pilipino

▫️namayapa (patay na)

▫️may matayog na pagmamahal sa bayan

▫️may mahinahong damdamin (dapat ay ayaw sa rebolusyon, dahil noo’y sinasakop pa lang tayo ng mga Amerikano; kung rebolusyunaryo nga naman ang pambansang bayani, baka mag-alsa ang mga Pilipino laban sa kanila gaya ng nangyari noong panahon ng Kastila)


Ang Pinagpiliang Listahan:

▫️Marcelo H. del Pilar

▫️Graciano Lopez-Jaena

▫️Hen. Antonio Luna

▫️Emilio Jacinto

▫️Jose Rizal

▫️Emilio Aguinaldo

▫️Apolinario Mabini


📍Dahil sa bilang 2) at 3) ng pamantayan, inalis agad sa listahan sina Aguinaldo at Mabini, lalo pa’t para sa mga Amerikano, si Aguinaldo ay “mapusok” (nananawagan pa siyang ituloy ng mga Pilipino ang rebolusyon laban sa Amerikano, hanggang madakip siya sa Palanan, Isabela) at si Mabini nama’y “matigas ang ulo” (madali siyang nadakip siya ng mga Amerikano dahil lumpo; ayaw niyang manumpa ng katapatan sa simula sa mga Amerikano kaya pinatapon siya ng mga ito sa Guam; isa pa, nagpalabas din ng manipesto si Mabini, bago maaresto, na nagtatagubilin sa mga Pilipino na ituloy ang laban; pinatapon siya sa Guam sa takot ng mga Amerikano na maging simbolo siya ng rebolusyong Pilipino)


Ang mga nagpasya kung sino ang dapat maging Pambansang Bayani:

Commissioner William Howard Taft (malao’y naging ▫️pangulo ng Estados Unidos)

▫️Morgan Schuster

▫️Bernard Moses

▫️Dean Worcester

▫️Henry Clay Ide

▫️Trinidad Pardo de Tavera

▫️Gregorio Araneta

▫️Cayetano Arellano

▫️Jose Luzurriaga


Mga Pilipinong may lahing-Kastila; nang dumating ang mga Amerikano para tayo’y sakupin, sila ang kauna-unahang nagtaksil sa Rebolusyong Pilipino para makakuha ng pwesto sa ilalim ng gobyernong Amerikano sa Pilipinas

▫️Imposibleng piliin si Antonio Luna, sapagkat anti-Amerikano na siya noon pa lamang; bago siya patayin ng mga kapwa Pilipinong tauhan ni Aguinaldo, siya ang nagbabala kay Aguinaldo na mag-ingat sa mga Amerikano

▫️Malabo ring piliin si Emilio Jacinto sapagkat itinuring siyang “Utak ng Katipunan,” bagamat patay na siya noong panahon ng mga Amerikano (mayorya sa mga natirang kasapi ng Katipunan sa buong bansa ay nagpatuloy sa paglaban sa mga Amerikano hanggang madakip si Aguinaldo)

▫️Halos kapantay lamang ni Rizal sina del Pilar at Jaena sa pagiging repormista (ayaw sa rebolusyon; bagamat nagpahayag si del Pilar na pabor siya sa rebolusyon bilang huling opsyon) ngunit lumamang si Rizal sa pagiging diumano’y mas dramatiko ng pagkamatay niya: siya’y binaril sa Bagumbayan, namatay naman sa tuberculosis si del Pilar at namatay rin sa sakit si Jaena (bagama’t kung tutuusin, dramatiko rin ang pagkamatay ni del Pilar na kaya nagkasakit ay sa kawalan ng perang pangkain; naubos ang kanyang pera sa paglalathala ng La Solidaridad na pangmulat sa mga Pilipino; namatay siyang isang pulubi sa Espanya).

▫️Gayunman, isang bagay ang di pinagtatalunan, at hindi tinututulan maging ng mga umaayaw kay Rizal bilang pambansang bayani: ang kadakilaan ng kanyang panulat: ang pagsulat niya sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo na parehong de-kalidad na obra-maestrang tumatalakay sa mga suliraning panlipunan at nagmulat sa mga Pilipinong inaalipin ng Espanya. Walang nakapantay sa husay niyang magsulat para magmulat.


(Ctto. )

No comments: