"Aking Mga Anak"
Darating ang panahon at pagkakataon na kwento nalang ako
Katawan ko'y babalik sa alabok at parang bulang maglalaho
Hindi ko alam kung hanggang kailan ang aking magiging wakas
Kung ilang araw, buwan, taon o sa mga darating nang bukas.
Hindi ko mapipigil ang pagdating ng aking takdang kamatayan
Gustohin ko mang tumagal pero 'di ko hawak ang tadhana't kapalaran
Masakit man isiping ang buhay ay may dulo at hangganan
At iwan ang mundo sa pinaka masakit na bahagi ng paglisan.
Darating ang tagpong dudungawin nalang ako sa ilalim ng salamin
Patawad kung hindi ko na magawang ang mga luha niyo'y pahirin
At sa mga kalungkutang hindi ko na kayo magawang damayan pa
Tibayan niyo sana at matuto kayong tumayo sa sariling mga paa.
Batid ko ang sakit sa mga yugto na hindi niyo na ako masisilayan
Subalit ang mabalot kayo ng lungkot ay h'wag niyo sanang hahayaan
Lagi niyong tatandaan na nariyan lang ang Diyos na masasandalan
Lumapit kayo sa Kan'ya kapag hindi niyo na kaya ang bigat na pinapasan.
Hindi ko man mapunan na ng saya ang lungkot sa inyong damdamin
Ang payo ko'y gawin ninyong sandatang lagi ang pananalangin
Upang mapanatag ang aking loob lumisan man ako sa mundo
Hanggang sa hinaharap na buhay sana'y magkita-kita muli tayo.
No comments:
Post a Comment