Kahit walang nagtuturo, noong bata pa ako, malinaw na agad ang family hierarchy. Kumbaga sa ranggo, una si Tatay at pangalawa si Nanay. Bida si Tatay, supporting role lang si Nanay.
Si Tatay kasi ang kumikita. Si Nanay, nasa bahay lang. Si Tatay, pag-uwi galing bukid, aabutan agad ni Nanay ng tsinelas. Ready na rin ang kamisetang pamalit pati ang bagong timplang kape.
Pero si Nanay, pag-uwi galing sa pagtulong kay Tatay sa bukid, siya pa rin ang mamamalengke. Siya ang maglilinis ng bahay. Siya ang maglalaba. At siya rin ang magluluto para sa ‘ming lahat.
‘Yung maliit na kinikita ng Tatay ko, si Nanay ang taga-budget. Kung paano niya itong pinagkasya para pakainin, bihisan at pag-aralin ang siyam na anak, hindi ko kelanman kayang ipaliwanag.
Hindi lang ‘yan, bukod sa matrikula, kuryente, pamalengke at iba pang gastusin, nagagawa pa ni Nanay magtabi para me pambili ng sigarilyo, serbesa at dyaryo ni Tatay.
Si Tatay, pahinga na pag-uwi sa bahay. Si Nanay, habang mahimbing kaming natutulog, nagbababad ng labahin habang nag-iipon ng tubig at nag-iimis sa kusina. Paglapat ng likod niya sa banig, paplanuhin muna niya ang sangkaterbang gawain na bubunuin bukas bago ipikit ang mata. Kinabukasan, habang madilim pa, siya pa rin ang unang babangon sa aming lahat.
Mahal ko pareho si Tatay at Nanay pero ‘yung nakamulatan kong pananaw na sa pamilya, bida ang lalaki at supporting role lang ang babae, hindi ko na ngayon sinasang-ayunan.
Nahihiya nga ako ngayon sa sarili ko pag naaalala ko na noong bata pa ako, tuwing tinatanong ako kung ano’ng trabaho ng mga magulang ko, ganito ang standard kong sagot.
“Si Tatay po, photographer at magsasaka. Si Nanay po, walang trabaho. Nasa bahay lang.”
Walang trabaho? Nasa bahay lang? Sa totoo lang, ‘pag tinapatan ng sahod ang marami at sabay-sabay na ginagawa ng mga misis, sigurado ako, mas mataas ang kita nila kesa kanilang mister.
Umpisahan mo ang pagkwenta sa paglilinis ng bahay, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke, pagluluto at pangangasiwa sa pera. Idagdag mo pa ang maghapon (at minsan, magdamag) na pag-aasikaso sa mga anak. Kitam? Napakaraming trabaho ng isang ina. Kaya magandang hamunin at palitan ang nakamulatang pananaw na ang ina, “walang trabaho at nasa bahay lang.”
Pero ayokong magkumpara. Ayokong sukatin sino ang mas una, mas marami at mas mahalaga ang papel. Ngayong meron na akong binubuong pamilya, naunawaan kong ang paanyaya sa mag-asawa ay laging magtulungan. Kaya nagkasundo kaming walang trabahong panlalaki o pambabae sa ‘min ni Aubrey. Laging magkatuwang. Walang bida at walang supporting role.
Namatay si Tatay 24 years ago. Si Nanay, kasama pa rin namin. 84 na siya. Hindi na kasinglakas gaya nung dati at makakalimutin na rin. Pero hanggang ngayon, ayaw paawat.
Pag nagising siya ng alas dos ng umaga (at akala niya ay alas singko na), sa kusina agad pupunta para maghanda ng almusal. Kahit may kasama kaming naglalaba, makikikusot pa rin si Nanay. Kahit merong pwedeng utusan, mamamalayan mo na lang nasa palengke na.
Lahat ng pakiusap at paliwanag, ginawa na naming magkakapatid. Madali na kasi siyang magkasakit pag naambunan o nainitan o kinulang sa pahinga. Pag nangungumusta ako sa bahay, sabi ng mga kuya ko, hindi raw mapagsabihan si Nanay. Matigas daw ang ulo.
Siguro nga. Pero naisip ko rin, hindi matigas ang ulo ng aming ina. Simple lang bakit ayaw niyang magpaawat.
Nanay kasi siya.
‘Yun ang dahilan kaya kahit senior na pareho ang dalawa kong panganay na kapatid, hinahanap pa rin niya at tinatanong kung bakit di pa umuuwi pag madilim na.
‘Yun ang dahilan kaya kahit ang kapatid kong nasa Canada, tinatanong niya kung may bigas pa.
‘Yun ang dahilan kaya pag umuuwi ang kapatid kong kapitan ng barko na siyang laging nag-aabot sa kanya, inuunahan niyang tanungin kung may panggastos pa.
‘Yun ang dahilan kaya pag umuuwi ang sinuman sa amin, ang automatic na gagawin niya ay maghain. At bago kami umalis, ang lagi niyang tanong: “May pamasahe ka ba?”
‘Yun ang dahilan kaya bago tumulog, gabi-gabi, ang panalangin niya ay laging nakatuon para sa kaligtasan at kalusugan naming magkakapatid at ng aming sari-sariling pamilya.
‘Yun ang dahilan kaya buong buhay niya, di niya naisip masyado ang mag-relax o mamasyal o maglibang. Ayaw niya kasing naiiwan ang isa kong kapatid na may special needs. Gusto rin niya na naroon siya palagi para may madatnan ang sinumang anak na umuuwi.
Nanay kasi siya.
At ang isang ina, tila naka-programa laging maunang magmahal. Kahit matanda na, hindi magpapapigil. Hindi magpapaawat. Hindi hihinto sa pagbibigay ng sarili.
Hindi kasi tumatanda ang puso ng ina.
No comments:
Post a Comment