Friday, December 06, 2019

Putanginang doktor yan.

“PUTANGINANG DOKTOR YAN DI MAN LANG NAGPALIWANAG!”

Personal sharing lang po sa mga hindi po nakakaalam.

22 years ago...
Naranasan ko na po maging pasyente mula sa isang vehicular accident noon August 13, 1997. Doktor na po ako nung panahon na yun pero ang daming gumugulo sa aking isipan tungkol sa aking kundisyon. Nagka-cervical whiplash ako na umabot ng 5 buwan ang sakit mula batok hanggang kaliwang balikat. Matindi ang kirot na kinakailangan kong magsuot ng neck collar support for 3-4 months at araw araw nasa rehab ako for physical therapy, umiinum ng painkillers at muscle relaxant, nagtuturok ng diazepam sa ugat tuwing gabi para makatulog, naglalagay ng magnet patch at lahat na ng gamutan ginawa ko na pero walang pagbabago.

Ang dami kong pag-aalala at takot na paano na at ano gagawin ko? Sa punto na pati Diyos tinatanong ko bakit nangyari sa akin ito.

Masakit pa nito, mga napuntahan kong doktor ay walang malasakit o compassion sa kanilang mga pasyente. Nandoon na maghihintay ka ng kay tagal at konti paliwanag sabay reseta agad. May isang sitwasyon pa nga na sinabihan akong nasa isip ko lang daw yung nararamdaman ko. Meron bang tao na gustong nahihirapan sa kirot at di makatulog sa sakit dahil nasa isip lang?

Madalas nakakasabayan ko sa rehab mga senior citizen. Karamihan sa kanila mga na-stroke, recovering from fracture surgery, may arthritis o muscle pains din. Habang lahat kami nasa waiting area, napansin ko na nagkukmustahan mga pasyente. Pinag-uusapan nila mga sakit nila, mga iniinum na maintenance at nagtatanungan sila kung saan may magaling na doktor na pwedeng puntahan para sa kundisyon nila. Nagsasabihan din sila tungkol sa buhay buhay nila at pamilya. Siguro sa mga bagets ang topic mga bf/gf; mga latest gadgets; gimikan at iba pa.

Naririnig ko sila tungkol sa mga problema sa buhay halos financial problems, sakit na malubha, mga emotional and mental stresses sa buhay, at problema sa anak.

Malinaw pa rin sa isip ko na may isang lolo na naka-wheelchair dahil half paralyze mula sa stroke at hirap na hirap magsalita. Tatlong oras naghintay sa pagdating ng doktor at nung tinawag na siya wala pang 5 minutes palabas na ng kwarto ng doktor. Ito po ang eksaktong sinabi niya, “PUTANGINANG DOKTOR YAN DI MAN LANG NAGPALIWANAG!”

Nung narinig ko po yun pakiramdam ko ako ang sinabihan. Mula noon nangako ako sa Itaas na gumaling lang ako ilalaan ko ang aking panahon na tumulong sa mga lolo at lola, magbibigay ng sapat na panahon sa pagpapaliwanag sa pasyente tungkol sa kanilang karamdaman; unawahin at i-motivate sila; at magbigay ng libreng consultation.

After 2-3 months, unti-unting umigi pakiramdam ko. Noong March 1998 fully recovered na ako at October 1, 1998 itinayo ko yung Life Extension Medical Center (1998 - 2016) sa Paco, Manila. For 18 years free consultations/free lectures with merienda.

Ngunit dahil sa naging libreng consultation sa lahat ng pasyente at sa dami ng indigent patients na tinutulungan naging problema ang pag maintain ng clinic. Nahirapan na ako sa annual increase ng rental fees, electric bills, salaries at iba pang gastusin. Kaya napilitan akong isara ito at nilipat sa Quezon City (2015 to present) with minimal consultation fee to help sustain the clinic overhead expenses.

Ramdam ko mga senior. Sa aking higit 20 years bilang doktor at dami kong nakitang lolo at lola alam ko mga hinaing nila at mga problemang medikal. Kaya maski paano sana, sa tulong na rin ng fb page na ito, makahikayat ako ng iba na mahalin, respetuhin at arugain mga nakatatanda. Tulungan natin sila.

Now, it’s more of a passion. Seeing the elders smile, laugh at my jokes while they are also learning at the same time, gives me a certain high that I can’t explain. Parang sila ang energizer ko or shall I say, sila ang shabu ko.  😊

No comments: