Tubig Ang Lunas Sa Sakit Mo
Payo ni Doc Willie Ong
Mag-ingat sa maduduming water o contaminated water. Puwede itong makamatay. Kapag madumi ang tubig na nainom mo, puwede kang magka-typhoid, diarrhea at hepatitis A. Delikado ang mga sakit na ito. Huwag makipagsapalaran at baka tayo ma-ospital. Alam kong medyo mahal, pero uminom ng bottled water o purified water lamang.
Ano ang mga klase ng tubig?
1. Tubig sa poso o spring – Ang tubig na galing dito ay nakatago sa ilalim ng bato at lupa. Dahil dito, may halo itong minerals tulad ng calcium at magnesium. Okay lang ito kung malinis ang pinanggalingan.
2. Mineral water – Nakabote itong tubig pero galing din sa poso o spring water. May minerals ito tulad ng calcium at magnesium na mabuti naman sa katawan. Pero dapat mag-ingat lang ang mga may sakit sa bato (kidney stones).
3. Distilled water – Kapag distilled water, mababa na ito sa minerals. Ligtas ito at paborito kong inumin.
4. Purified water – Ang ibig lang sabihin ay dumaan ang tubig sa isang purifier o pansala. Basta malinis ang mga tubig, puwede naman inumin.
Paano ang tamang pag-inom ng tubig?
Kailangan ng katawan ang 8 hanggang 12 basong tubig sa maghapon. Sa mga kababaihan, wala pong tawad! Dahil kung hindi ay baka kumulubot ang iyong kutis at mukha. Panlaban sa wrinkles ang pag-inom ng sapat na tubig.
Nililinis din ng tubig ang mga dumi natin sa katawan. Makaiiwas tayo sa pagkakaroon ng sakit sa bato at impeksiyon sa kidney. Nakababawas din ng pangangasim ng iyong sikmura kung regular ang pag-inom mo.
Kapag kulang ka sa tubig, mahihirapan ang iyong utak at hindi ka gaanong makakaisip. Baka ma-dehydrate ka, lalo na sobrang init sa Pilipinas.
Kapag nanunuyo ang iyong mata, lalamunan o ilong, huwag bumili agad ng gamot. Uminon muna ng maraming tubig.
Tandaan, uminom ng tubig kahit hindi ka nauuhaw. Ang mga may edad ay hindi gaanong nakararamdam ng uhaw, kaya painumin sila ng tubig.
Tubig lang ang pinaka-healthy sa lahat. Huwag uminom ng soft drinks, iced tea, alak at kape. Lalo ka lang mauuhaw sa mga iyan.
Isang paalala lang: Sa mga may altapresyon at sakit sa puso, magtanong muna sa inyong doktor bago uminom ng maraming tubig.
Huwag magreklamo kung ihi kayo ng ihi. Isipin lang na nailalabas mo ang mga dumi sa iyong katawan. Masama po ang magpigil ng ihi dahil baka magka-impeksyon ka. Tubig lang ang sadyang sagot sa karamdaman mo.
No comments:
Post a Comment