Eksaktong nasa Or. Mindoro ako nung mag-landfall ang bagyong Tisoy. Kinabukasan, na-survey ko ang kahabaan ng hilagang Mindoro mula Calapan hanggang Pto. Galera.
Parang tinabas ang mga punong saging. Meron ding mangilan-ngilang punongkahoy ang natumba: mangga, kaimito at acacia. Napansin kong merong pagkakahawig ang mga punong ito. Lahat sila mababaw ang ugat. Kaya madaling mabuwal.
Ganun din sa buhay.
Noong nabubuhay pa sila, parehong madasalin, masipag at maasikasong magulang ang aking ama at ina. Isa itong espesyal na biyaya na habambuhay, ipagpapasalamat naming magkakapatid sa Diyos.
Si Tatay ang kinamulatan naming “batas” sa tahanan dahil sa paraan ng kanyang pagdisiplina. Pero napansin ko na pag tila sinasalpok kami ng malalaking alon ng mga problema na yumayanig sa pamilya, si Nanay ang siyang nagtitimon ng bangka.
‘Yung Tatay ko na beteranong sundalo at sumabak sa World War 2 at Korean War, madaling mataranta, mabilis panghinaan ng loob. Pero si Nanay, kahit mababaw ang luha, malalim ang pundasyon.
Siya ang may kalmadong disposisyon at malinaw magdesisyon. Kaya siya rin ang laging nakakatagpo ng tamang solusyon. Parang ilog na tahimik na umaagos pero di mo akalaing malalim.
Parang Pasko rin. Pwedeng makulay, makislap at maingay pero hindi nangangahulugang makahulugan. Pamilyar ka na siguro sa ganung feeling. September pa lang excited ka na. Pinagplanuhan mo at ginastusan ang dekorasyon, handa at mga ireregalo. Sa dami ng inasikaso, puyat, ka, pagod at aburido. Pagsapit ng Pasko, gusto mo na lang matulog!
Magandang tradisyon ang pagpapalitan ng regalo pero nakakalungkot na ang diwa ng bahaginan, tila nilamon na ng konsumerismo at materyalismo. Subukan mong alalahanin ang mga Paskong nagdaan at tukuyin mo alin ang pinaka-meaningful. Makikita mong wala ito sa dami ng handa. O sa bonggang dekorasyon. O sa laki o bigat ng regalo.
Ang pinakamasasaya at di-malilimutang Pasko, nasa lalim ng pagmamahal na nadama mo sa puso. Nasa lalim ng pasasalamat mo sa Diyos na kailanman, di ka iniwan. Nasa lalim ng ugnayan ng mag-asawa, magkasintahan, magkapatid at magkaibigan. Nasa lalim ng karanasang magkakasamang pinagdiwang ng pamilya, barkada o community.
Ang totoo, lahat tayo, may kakayahang lumalim. Bilang mga anak ng Diyos, likas sa atin ang pagiging malalim. Kung sa panahon ng pagsubok ay madali tayong matumba gaya ng punong mababaw ang ugat, ‘yun ay dahil huminto tayo sa paglalim.
Huminto tayo noong humanga tayo sa marami, malaki at matayog. Huminto tayo noong nalibang tayo ng masarap, makislap at maingay. Huminto tayong lumalim noong huminto tayong mamuhunan sa pagmamahal.
Ilang araw na lang, Pasko na. Ang wish ko para sa ‘yo at sa mga mahal mo—isang malalim na Pasko!
No comments:
Post a Comment