Saturday, April 06, 2024

60

 KALBARYO SA BUHAY NG ISANG SENIOR.


Pagdating ng 60 ako'y kabilang na sa walang trabaho.

Sa ayaw at gusto ititiwalag na bilang retirado.

Paano ang buhay kung wala man lang ni isang sentimo.

At walang natanggap sa tagal ng panahon ng pagseserbisyo.


Kahit ka magaling at pinakamahusay sa inyong kompanya.

Wala ng magagawa, kahit sabihin mong ikaw'y malakas pa.

Ito'y pamantayan at mga palakad saan mang ahensiya.

Ordinaryo ka na lang sa ating lipunan, sa paningin ng iba.


Pagdating ng 70, ay unti-unti na, itatabi ka na.

Mga kaibigan, dating kasamahan, mga kakilala.

Mababawasan na ang mga sosyalan at pagkikita-kita.

Huwag ka ng magtangka na sabihing ikaw ay pwede pa.


Kahit mga bata, bagong henerasyon, hindi ka kilala.

At walang pag-galang sa pagka-tao mo ay walang halaga.

Huwag kang magtatampo, kahit na ganoon ang ugali nila.

Tanggapin na nating tayo ay patungo sa ating pagtanda.


Pagdating ng 80, ay unti-unti rin na itatabi ka ng iyong pamilya.

Kahit marami pa ang naging anak mo, may pamilya na rin sila.

Ikaw ay mag-iisa sa buhay mo ngayon kung ikaw ay balo na. Dili kaya naman ay kayong dalawa, kung mabubuhay pa ang iyong asawa.


Huwag kang malulungkot kung dalawi't-dili ng iyong mga anak.

Pagkat abala rin sa paghanap-buhay upang sila ay umunlad.

Kung mayroon kang apo na siyang tumitingin, Ikaw ay mapalad.

Magpasalamat ka kahit hindi naman nila ito responsibilidad.


Pagdating ng 90, tila baga Ikaw ay nalalapit na.

Sa huling hantungan ng buhay mong taglay ay mamamaalam na.

Salamat sa Diyos, sa bigay Niyang buhay, mayroon kayang ibinunga?

Sa iyong gunita, kahit sa isipang, Hindi na maala-ala.


Sa iyong paglisan at pagbabalik mo sa Poong Maykapal,

Magandang itanong kung Ikaw ba naman ay may maiiwan.

Kahit ala-ala, mga magawa mo sa iyong pamilya at sa pamayanan.

Magsilbing halimbawa sa mga kabutihan, maging kabanalan.


Sa edad mo ngayon kung kakayanin pa ay magsaya na lamang.

Kung kaya ng tuhod ay maglibot-libot at pumasyal-pasyal.

Kung mayroon mang pension, kainin ang gusto at laging maglibang.

Pagkat bukas-makalawa ay mamamaalam na sa mundong ibabaw.


Kung may panahon pa, huwag kalimutang gumawa ng tama.

Sa kabilang-buhay ay nakatitiyak na mananagana.

Sa mata ng Diyos nakikita Niya kabanalang ipinunla.

At magbalik-loob at magpakabuti habang nasa lupa...AMEN !

No comments: