Kung mayroong isang bagay na puwedeng madala ng isang tao hanggang sa kanyang pagpanaw, ito ay ang dangal o dignidad.
Ang bahay, kotse, mga alahas, makapal na libreta-de-bangko, yaman, edukasyon at katalinuhan, kapangyarihan, katanyagan, lahat ito ay walang saysay sa pagpanaw natin. Lahat ito ay maiiwan lang sa kamunduhan. Pero ang ating dangal, ang ating pagkatao, ang ating moralidad, bitbit natin ito. Sa bawat pag-alaala sa atin ng ating mga naulila, sa bawat banggit sa ating pangalan, ito ang tanging alaalang maiiwang nakaukit sa kanila. Kung anong klaseng tao tayo at kung paano tayo nagpakatao sa panahon ng pamamalagi natin sa mundong ito.
Nakakalungkot isipin na mayroong mga taong nagpapatalo sa kahirapan. Nagpapatalo sa kabiguan at nagpapatalo sa maruming sistema ng lipunan.
Lahat tayo ay may kani-kanyang pinapasang krus ngunit hindi maikakailang sa pagsama ng ating ekonomiya ay patuloy na dumarami ang mahihirap at lalo pang lumalaki ang agwat ng nakakaangat sa buhay at mga taong sumasala sa oras ng pagkain.
Kung walang trabaho at walang panustos sa pamilya, sapat bang rason ito para magnakaw at pumatay? Kung ang boss mo ay ganid at matakaw sa pera sukdulang kurakutin ang hindi kanya, sapat bang rason ito para mangurakot din at gumawa ng pera sa ilegal na paraan?
Isa lang ang aral na itinuturo sa atin ng ating pananampalataya sa Lumikha, ang tama ay tama at ang mali ay mali. Hindi kailanman puwede o dapat pangatwiranan ang isang mali para maging tama.
Hindi kailangang palasimba ka at nagbabasa ng Bibliya para malaman mo ang tama at mali. Hindi kailangang marunong kang bumasa at sumulat para malaman mo ang tama at mali. Hindi kailangang kumakain ka nang tatlong beses isang araw para malaman mo ang tama at mali.
Bilang tao, nilikha tayong may konsensya at sa kaibuturan ng ating puso, nariyan ang klarong linya sa pagitan ng tama at mali. Maaaring manipis ito pero kasing linaw ito ng sikat ng araw.
Nakakalungkot na makitang may ilang kababayan tayong ginagamit na dahilan ang kahirapan para gumawa ng mali. Ginagamit ang maling halimbawa ng ilan para pangatwiranan ang sariling kamalian.
Ang kalunus-lunos na stampede sa labas ng Ultra noong Sabado ng umaga ay salamin ng pagguho ng moralidad natin bilang tao.
Nauunawaan natin ang ating mga kababayan na pumila roon para umamot ng kaunting swerte at papremyo. Nakikisimpatiya tayo sa kanilang pangangailangan. Maaaring ilan sa kanila ay desperadong makamit ang kanilang pangarap sa gayong paraan, pero huwag naman sanang gayon ka-desperado na wala na tayong pakialam, makasakit man tayo at makatapak (literal na makatapak) ng tao.
Tirhan natin ng dignidad ang ating sarili. Naniniwala kaming mas marami pa rin sa atin ang kumikilala sa pakikipagkapwa-tao kaysa pagsusulong ng pansariling interes.
Kung hindi kayang gawin ng ating mga lider ang pagpapakatao at alam naman nating masamang ehemplo sila, tayo ang gumawa ng tama. Ipakita nating kahit mahirap tayo, may konsensya tayo at nakakakilala ng tama at mali.
No comments:
Post a Comment