Marami sa atin ang napapagal dahil sa bigat na dinadala natin dulot ng mga taong nakasakit sa atin, nakasira sa pagkatao natin, sa mga problemang walang kalutasang natatanaw, sa nararanasang kahirapan sa buhay na tila walang katapusan.
Nang isulat ni Pablo ang kanyang liham sa mga taga-Filipinos, siya ay nasa kulungan pero nakuha pa rin niyang sabihin ang "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos fang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus." Nakikita rin ni Pablo na kahit sa gitna ng madidilim na yugto ng ating buhay"... sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa Kanya... sa kanilang ikabubuti" (Romans 8:28).
Di man natin makita ang araw dahil madilim, pero nananatili pa rin ito sa kanyang kinalalagyan. Madalas, akala nati’y hindi tayo sinasamahan ng Panginoon pero nandoon pa rin Siya na kumikilos sa ating buhay. Kailangan ba natin ng kapayapaang di-malirip at kapahingahan ng kaluluwa? Papaano ba natin mabibitiwan ang mga bagay na ating pinangangambahan o mga kabigatan upang hayaan ang Diyos na humawak ng mga ito? sa Filipos 3:7-21 ay ipinakita ni Pablo ang mga tuntunin niyang makakatulong sa atin.
Kailangang lumalim ang ating relasyon sa Panginoon. Ito’y hindi kusang lalago kundi natin sisikaping kilalanin si Cristo. Sinabi ni Pablo sa Filipos 3:8,10: "Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon... Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa Kanyang mga hirap, at matulad sa Kanya - pati sa Kanyang kamatayan."
Paano ba lalalim ang relasyon natin sa ating Panginoon? Mahalagang magbasa tayo ng Bibliya, ang Salita ng Diyos, kung saan inihayag Niya lahat ang dapat nating malaman tungkol sa Kanya. Dito natin malalaman ang Kanyang karakter at mga katangian. Maiintindihan natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin, at malalaman natin ang layunin Niya sa buhay natin. Malaman natin kung anu-ano ang mga nakalulugod sa paningin ng Diyos, at kung sino tayo sa mata Niya.
Hinihingi ng Panginoon sa atin ang buong buhay natin. Wala tayong kapahingahan kung hindi pa natin isinuko ang lahat sa Diyos. Ang payo sa atin ni Pablo sa Filipos 4:9 ay "Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan."
Isang pastor ang nagkuwento na noong nagtatrabaho ang misis niya sa isang advertising agency ay marami ang naninira sa kanya. Dahil hindi makayanan, nagpasiya ang asawa niyang mag-resign na lang. Unti-unting humina ang kompanya, hanggang pinilit ng dating amo ang asawa niya na pabalikin siya. Kinuha pa rin siya kahit may kondisyon siyang part-time lang siya papasok. Muling bumangon ang kompanya sa pagbalik niya. Ngayon hindi kumukuha ng empleyado ang amo niya kung hindi Kristiyano.
Kapag gusto na nating sumuko sa buhay, sundin nating ang sinabi ni Jesus sa Mateo 11:28-30: "Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin Ko. Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin; Ako’y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang Aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay Ko sa inyo."
Panalangin: Purihin Ka, O Diyos! Hangad mo ang aking ikabubuti. Maganda ang mga plano mo para sa akin. Panginoon, nais kong isuko sa Iyo ang lahat sa aking buhay, pati na ang mga pagsubok na kinakaharap ko ngayon. Kayo po ang maghari sa aking buhay. Palakasin N’yo po ang aking pananalig sa Inyo at sa Inyong Banal na Salita. Amen.
No comments:
Post a Comment