KUNG AYAW MO NAGSASAYANG NG PERA, BASAHIN MO ITO 🙂
Tatapatin ko kayo. Hindi gaano madali maging private doctor sa isang komunidad kung saan para sa karamihan ng aking mga pasyente - hindi sumasapat, o sumasakto lang, ang kanilang kinikita para tugunan ang mga gastusin.
Kaya naman pag nagpupunta kayo sa akin, layunin ko talaga na alamin at himayin ang kuwento ninyo upang mabigay sa inyo ang nararapat na payo o gamot - ayon sa inyong sakit.
Naalala ko tuloy yung isa kong pasyente dati na pinacheck-up sa akin yung baby niya na kay liit liit pa. Sa aking pagsusuri, 'normal' naman ang naging findings ko. Ibig sabihin, walang sakit si baby at ang idinadaing ng nanay ay talagang bahagi lang ng paglaki ng bata.
Sa madaling salita, medical advice at reassurance lang ang kailangan.
Pinayuhan ko si mommy at dahil siguro wala akong nireseta na kahit anong gamot, tinanong niya ako: "Dok, may babayaran po ba?"
Naku! Nakakahiya naman sagutin ang tanong. He he. Kaya ang nasabi ko nalang ay kausapin niya si Ate Madel, ang aking assistant 🙂
Naiintindihan ko din kasi siya. Sanay kasi lagi tayo na pag nagpupunta tayo ng doktor, madalas may baon tayong reseta o gamot pag-uwi natin. Kaya kung magpunta kayo sa doktor na katulad ko, hindi ko kayo masisisi kung nagtataka kayo paminsan.
Umiiwas lang talaga kasi ako magreseta ng gamot na hindi naman kailangan para lang masabi na may naibigay ako. Inaamin ko hindi ito madali at paminsan-minsan, hindi ko rin nasusunod ang panuntunan kong ito para sa sarili ko.
Sa aking karanasan kasi, marami talagang pagkakataon na nagrereseta ang doktor ng mga gamot o test na "unnecessary" o hindi talaga kailangan. Ayon sa isang pag-aaral sa US, 210 Billion US Dollars ang ginagastos ng mga Amerikano sa mga gamot, procedure, or test, na hindi naman talaga kailangan. Grabe! Ang daming pera non.
Sa Pilipinas, wala pa ako mahanap na datos, pero tiyak ay milyon milyon din sigurado ang nagagastos ng mga Filipino para sa ating kalusugan na puwede sana nating maiwasan.
Kaya naman nalulungkot ako kapag may mga naririnig akong kuwento mula sa aking mga pasyente kung saan napapalaki ang gastusin nila, lalu na kung ang gastos ay related sa pagpapagamot, pagpapa-ospital, mga medical tests, na hindi naman talaga kailangan.
Meron kasi talagang malawakang problema sa ating sistemang pangkalusugan. At oo, inaamin ko, bahagi ako sa problema. Hindi ako nagmamalinis. Pero teka lang, gusto ko rin sabihin sa inyo na hindi kayo ligtas - may papel din kayong ginagampanan sa problemang ito. 🙂
Bilang pasasalamat sa pagbabasa ninyo hanggang sa dulo, heto ang 3 TIPS ko kung paano hindi masayang ang pera ninyo sa susunod na kayo ay magkasakit 🙂
TIP #1: Huwag agad-agad magpunta sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas. Puwedeng magtanong muna sa health center o kaya sa inyong Barangay Health Worker para humingi ng payo. Maaari din kayong mag message sa aking FB page para mapayuhan ko kayo bago pa kayo magpunta ng doktor. Marami kasing sakit na gumagaling nang kusa, kahit wala tayong inuming gamot. Sigurado ako naranasan niyo na ito 🙂 Ngunit kung malala ang sakit at talagang nag-aalala kayo, wala namang masama na pumunta sa clinic o sa hospital para maka-sigurado 🙂
TIP#2: Huwag mahiyang tanungin sa inyong doktor ang dalawang tanong na ito:
a. "Dok, ano po ba ang sakit ko? Ano ang diagnosis po ninyo sa akin?"
Sa pagtanong ninyo nito, mapapaisip ang doktor at mapipilitang ipaliwanag kung ano ba ang naging findings niya, at kung ano ang tingin niyang sakit ninyo. Oo, minsan hindi namin masisigurado sa isang check-up lang kung ano ang sakit ninyo, pero dapat may iniisip na kami at mahalagang mabahagi namin iyon 🙂
b. "Dok, ano po itong mga reseta ninyo sa akin? Para saan ang mga ito at alin po dito ang pinaka-mahalagang mainom ko?"
Ang bawat gamot ay dapat may silbi or objective. May gamot nakapagbibigay ng ginhawa, may gamot na lumalaban o pumapatay sa infection, at may gamot naman na mga maintenance o iniinom para ma-kontrol ang inyong sakit tulad ng sa high blood o diabetes.
Alamin ninyo sa doktor ninyo kung ano talaga ang mahalagang mahalaga na mabili at mainom. Naranasan ko na kasi maraming beses na hindi nabili lahat ng inireseta, pero ang nabili at nainom ay yung hindi naman ang pinaka-kailangan para gumaling.
Sabi nga ni Ritemed - huwag mahihiyang magtanong!
3. Piliin ninyong bumili ng generic na gamot. Alam ninyo ang generic na mga gamot ay effective din. Subukan nating alisin sa ating isip na ang branded na gamot ay mas mabisa. Siguraduhin lang na iinumin ang gamot ayon sa instruction ng inyong doktor 🙂
Pasensya na medyo napahaba. Mahaba kasi talagang talakayan ito. Kung gusto niyo ang ganitong klaseng mga topics tungkol sa ating kalusugan, sana patuloy niyong subaybayan ang aking mga post 🙂 Paki-share na rin po ito sa inyong mga kaibigan kung may natutunan kayo, para sila rin ay matuto 🙂
Sabay-sabay muli - #SagotKoKalusuganKo!
No comments:
Post a Comment