Sunday, October 27, 2019

Stroke

Mag-ingat Sa Stroke
Payo ni Doc Willie Ong

Sa Pilipinas, pangalawa ang stroke sa 10 pangunahing sakit na nakamamatay. May 110 Pilipino ang nasasawi araw-araw dahil sa stroke. Ang mga taong may edad, may high blood pressure, diabetes, at sakit sa puso ang mas nagkakaroon ng stroke.

Dalawang Klase Ng Stroke:
Ang stroke ay isang sakit kung saan nagbabara ang ugat sa utak (Medical term: Ischemic Stroke). Dahil ang utak natin ang nag-ko-kontrol ng paggalaw ng ating katawan, kadalasan ay nanghihina ang kamay o paa ng isang taong na-stroke. Ang iba pang posibleng sintomas ng stroke ay ang pagkabulol, pamamanhid, pananakit ng ulo, at panlalabo ng mata.
Mayroon ding pangalawang klase ng stroke kung saan nagdurugo ang utak ng pasyente dahil may pumutok na ugat (Medical term: Hemorrhagic Stroke). Kadalasan ay mataas ang blood pressure ng ganitong pasyente.

Paraan Para Makaiwas Sa Stroke:
1. Panatilihin ang blood pressure na mas mababa sa 130 over 80. Kapag ang iyong blood pressure ay 140 over 90, o mas mataas pa, ang ibig sabihin ay may altapresyon ka at kailangang magpatingin sa doktor.
2. Kung kayo ay may diabetes, panatilihin ang fasting blood sugar na mas mababa sa 120 mg/dL (6.7 mmol/L).  Ang normal na blood sugar level ay 100 mg/dL (5.6 mmol/L) o mas mababa pa. Ang diabetes ay nakasisira sa ugat ng ating utak. Gamutin ito.
3. Ipasuri ang cholesterol levels sa dugo at panatilihin ito sa 200 mg/dL (5.2 mmol/L) o mas mababa pa. Ang mataas na cholesterol ay puwedeng magdulot ng pagbabara sa utak. Bawasan ang pagkain ng mga matataba at mamantikang pagkain.
4. Huwag magpataba. Alamin ang tamang timbang at pilitin itong maabot.
5. Itigil ang paninigarilyo. Ang isang stick ng sigarilyo ay may 10-20 mg ng nicotine na masama sa ating ugat.
6. Limitahan o umiwas sa pag-inom ng alak. Ang taong malakas uminom ng alak ay mas mataas ang tsansang ma-stroke at ma-aksidente.
7. Huwag gumamit ng droga. Ang shabu ay isang pangunahing sanhi ng stroke sa kabataan.
8. Umiwas sa air pollution. Ayon sa pagsusuri sa Taiwan, mas marami ang na-stroke kapag madumi ang hangin sa paligid.
9. Umiwas sa mainit na lugar. Ayon kay Professor Chun-Yuh Yang, kapag mainit ang panahon, maraming tao ang na-stroke. Umiwas sa araw mula 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon.
10. Magpa-check up ng regular sa iyong doktor.
Sa susunod, may dagdag pang payo para makaiwas sa stroke.


No comments: