Problema Sa Mata: Ano Ang Solusyon? (Part 1)
Payo ni Doc Willie Ong
Maraming tao ang binabalewala ang mata. Pero naisip mo ba ang mawawala sa iyong buhay kapag ika’y nabulag? Hindi mo na makikita ang kapaligiran, ang dagat, ang mukha ng iyong kabiyak at anak.
Alaman ang solusyon sa mga problema ng mata:
1. Kapag edad 40 ay lumalabo ang paningin. Ang tawag dito ay presbyopia, kung saan humihina ang pag-focus ng ating mata sa malalapit na bagay. Normal lang ito at kumonsulta sa isang optometrist (o tindahan ng salamin) para magpasukat ng salamin.
2. Eye bags. Para mabawasan ang eye bags, subukang maghilamos ng malamig na tubig sa umaga. Puwede rin gumamit ng basang cotton balls na nilubog sa yelo o pipinong pinalamig din. Ipatong ito sa mata ng 15 minutos at mababawasan ang pamamaga ng mata. Ang isa pang home remedy ay ang paggamit ng teabag (bag ng tsaa) na ipinapatong sa mata. Ang teabag ay may tannin na lumilinis at nagpapa-firm ng balat.
3. Nanunuyong mata sa edad 60 pataas (dry eyes). Pangkaraniwang sakit ito ng may edad dahil nababawasan ang paggawa ng luha. Ang solusyon dito ay ang madalas na pagpatak ng artificial tears na mabibili sa botika. Kung gustong makatipid, puwedeng magtimpla ng sariling “luha”. Maghalo ng katiting na asin at isang onsang distilled water. Ihalo maigi at gamitin itong pang-patak sa mata. Bumili na lang ng dropper.
4. Cataract o katarata. Kapag malabo ang salamin ng kotse ay mahihirapan kang magmaneho. Ganito rin ang nangyayari sa katarata kung saan lumalabo ang lente ng mata. Ang sanhi ng katarata ay ang matinding araw, pag-edad, diabetes at paninigarilyo. Hanggang ngayon ay walang pangpatak para malunasan ang katarata. Ang solusyon sa katarata ay isang simpleng operasyon na ginagawa ng mga eye specialists. Magpa-check sa doktor sa mata.
5. Glaucoma. Sa glaucoma, nababarahan ang pagdaloy ng likido sa loob ng ating mata. Dahil dito, tumataas ang presyon sa loob ng mata. Puwede ito magdulot ng pananakit ng ulo at pagkabulag. Ginagamot ang glaucoma sa pamamagitan ng eye drops o laser surgery. Seryosong sakit ang glaucoma at kailangan magpatingin agad sa eye specialist.
Tandaan: Ang mata natin ay konektado sa buong katawan. Dahil dito, kailangang umiwas sa bisyo at kumain ng masustansya. Gamutin ang altapresyon at diabetes. Ito ang solusyon para hindi magkasakit ang iyong mata.
No comments:
Post a Comment