Tamang Pagkain Sa Maysakit
Payo ni Doc Willie Ong
Alam ba ninyo kung anong pagkain ang ibibigay sa maysakit? Kung ang pasyente ay may pangangasim ng sikmura o ulcer, sundin ang mga payong ito. Para sa mga may lagnat o dengue, ingatan din natin na huwag mairita ang tiyan at baka magasgas ito. Heto ang mga ligtas na pagkain:
Bawasan o Iwasan ang Pagkaing Ito:
1. Maaasim – Bawasan ang pag-inom o pagkain ng may calamansi, purong orange o lemon juice at suka. Nakadadagdag ito sa acid sa tiyan.
2. Maaanghang - Iwasan ang maaanghang dahil puwede itong makahapdi ng sikmura.
3. Maiitim na pagkain tulad ng dinuguan, tinta ng posit at dark chocolate – Para sa may dengue, iwasan ang pagkaing maiitim dahil iitim din ang dumi at malilito ang mga doktor kung nagdugo ba ang tiyan ng pasyente.
4. Mamantika at matatabang pagkain – Nagpapabagal ang mantika at taba sa galaw ng ating bituka. Dahil dito, mas tatagal ang acid sa ating tiyan.
5. Inuming may Caffeine tulad ng kape – Ang kape ay nagpapadami ng acid sa ating tiyan. Maraming pasyenteng may pangangasim ng sikmura ang gumagaling kapag itinigil nila ang pag-inom ng kape. Kung gusto pa ring uminom, hanggang isang baso lang ng kape ang puwede.
Magandang Kainin:
1. Lugaw o am – Lagyan ito ng asin at konting ulam. Malambot ang lugaw, madaling tunawin at mainit pa sa tiyan. Mayroon itong carbohydrates na nagpapalakas ng katawan.
2. Nilagang manok - Ang chicken soup ay nagpapabilis sa paggaling ng trangkaso at sipon. Ito ay dahil sa taglay nitong cysteine, isang natural na amino acid. Masustansya ang sabaw nito at nagpapalabnaw din ng plema.
3. Saging – Ang saging ay may sangkap na “flavonoid leucocyanidin” na pinoprotektahan ang ating tiyan laban sa ulcer. May potassium din ang saging na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
4. Kanin at isda – Magandang kombinasyon ang kanin at isda dahil nakokompleto nito ang protina na kailangan ng katawan. Sabawan din ang kanin para lumambot ito at madaling kainin.
5. Uminom ng maraming tubig para bumaba ang lagnat at huwag ma-dehydrate.
6. Mas maganda sa mayroong sakit na kumain ng madalas ngunit pakonti-konti lamang. Ito’y para hindi mahirapan ang tiyan sa pagtunaw ng pagkain.
Tandaan: Magpahinga, inumin ang gamot at kumain ng tama. Iyan ang sikreto sa mabilis mong paggaling.
No comments:
Post a Comment