Sunday, March 01, 2026

Pambansang budol.

Ang Pambansang Budol: 
Bakit Puhunan ang mga Mahihirap at ATM ang Middle Class
-Ni Mel Panganiban

Kung iisipin mo, ang Pilipinas ay hindi talaga bansa. Isa tong malaking networking scam kung saan ang mga pulitiko ang upline, ang mga nasa laylayan ang downline, at ang middle class? Sila yung taga-bayad ng venue at snacks para tuloy ang seminar.

Walang aksidente sa kalagayan ng Pilipinas. Hindi tayo naghihirap dahil malas tayo o dahil kulang tayo sa dasal. Naghihirap ang marami dahil may iilang kumikita sa ganitong setup.

Hatiin natin ang mga tauhan sa komedyang to:

Sino Ka sa Inuman ng Lipunan?

 * Upper Class - Ang 1% (Ang May-ari ng Lamesa): Sila ang nagdidikta ng rules. Wala silang paki sa inflation kasi sila mismo ang nagmamay-ari ng mga kumpanyang nagtataas ng presyo. Kapag may krisis, nagiging shopping spree to para sa kanila para mabili nang bagsak-presyo ang mga paluging negosyo.

 * Ang Upper Middle (Ang Naka-Luho): Sila yung may dalawang sasakyan at bahay sa subdivision. Akala mo ligtas na, pero ang totoo, isang malalang sakit lang ng kapamilya, ubos ang ipon at babalik sila sa pagiging ordinaryong empleyado. Isang reseta lang ang layo nila sa kahirapan.

 * Ang Middle Class (Ang Pambansang ATM): Ikaw to. Sila ang taga-salo. May pambili ng Venti Mocha frapuccino sa Starbucks, pero nagdadasal pag petsa de peligro. Masyadong "mayaman" para sa ayuda, pero masyadong "mahirap" para hindi mamilipit tuwing tumataas ang kuryente.

 * Lower Class : Ang Laylayan (Ang Puhunan): Isang kahig, isang tuka. Sila ang paboritong puntahan tuwing eleksyon dahil madaling mabili ang boto. Pagkatapos ng halalan, seenzone na ulit sila ng gobyerno.

——

Ang Sumpa ng Middle Class

Laging dehado ang middle class. Parang ikaw yung may pinakamalaking ambag sa inuman, pero pagdating mo ubos na yung pulutan tapos ikaw pa ang inutusang maghugas ng baso.

 - Kaltas muna, bago sweldo: Wala kang takas sa BIR kasi automatic yan sa payslip. Ang bilyonaryo, may abugado para humanap ng loophole. Ang mahirap, exempted. Ang middle class, walang kawala. Ikaw ang taga-kargo ng resibo ng buong bayan.

 - Dobleng Bayad: Nagbayad ka ng tax para sa public transpo, pero dahil palpak, bibili ka ng motor o kotse (na may tax din) tapos maiipit ka sa traffic. Nagbayad ka ng tax para sa public hospital, pero kukuha ka ng HMO kasi nakakatakot pumila sa ward. Nagbabayad ka ng doble para sa serbisyong dapat ay libre.

- Taga-Pondo, Huli sa Linya: Kapag may krisis, emergency assistance, o ayuda, disqualified agad ang middle class dahil lampas daw sa poverty line. Pero ang totoo, isang malalang sakit lang ng kapamilya, mabilis pa sa alas-kwatro na babagsak sila sa poverty line na yan. 

At hindi lang to tungkol sa ayuda tuwing pandemya o bagyo, kundi sa halos lahat ng social services. Gusto mong umutang para sa negosyo o bahay? Masyado kang "high-risk" para sa government loans na pabor sa malalaking korporasyon, at disqualified ka naman sa mga micro-financing na para lang sa mga nasa laylayan. Gusto mong makakuha ng libreng gamot, bakuna, o legal assistance (PAO)? Sagot nila: “May sweldo po kayo, dun kayo sa private.” 

Ironic na yung pondo ng gobyerno ay galing sa buwis mo, pero bawal kang makatikim. Para kang bumili ng pinakamahal na ticket sa concert, pero nilagay ka sa gen ad na walang upuan, habang VIP treatment yung mga nanood nang libre. Nagbayad ka ng VIP price (tax) buong buhay mo, pero kapag ikaw na ang nangangailangan, tinuturo ka sa exit door.

—-

Ang Negosyo ng Kahirapan

Bakit hindi inaayos ng mga pulitiko ang bansa at parang gusto nilang manatili na mas maraming mahirap? Simple lang: mas mura ang bumili ng boto kaysa pondohan ang totoong solusyon.

Mas tipid nga namang mamigay ng limang daan , canned goods, spaghetti pack, bigas at sardinas tuwing eleksyon kaysa magpatayo ng matinong ospital at lumikha ng trabaho. 

Kapag busog, may ipon, at edukado ang tao, magkakaroon sila ng sariling pamantayan. Sa isip ng mga politiko, mas matututo na magreklamo pag nasanay na sa maayos na buhay. Hindi mo na sila mapapasayaw ng budots at mauuto ng matatamis na pangako.

Kailangan nilang i-maintain ang kahirapan. Parang toxic na ex; kailangang gawin kang dependent at desperado para hindi ka umalis at patuloy kang bumoto sa kanila tuwing nag-aabot sila ng karampot na tulong.

———

Hindi To Kwentong Pantasya: May Matinong Gobyerno

Baka isipin mo, natural na ganito ang mundo. Hindi totoo yan. Nag-e-exist ang matinong gobyerno, at hindi natin kailangang lumayo.

Tingnan mo ang Taiwan, Singapore, o ang mga bansa sa Scandinavia. Ang sukatan ng asensadong bansa ay hindi kung ang bawat mamamayan ay may pambili ng sariling kotse. Ang totoong asenso ay yung bansang kahit ang mga milyonaryo, mas pinipiling mag-bus at mag-tren dahil maayos, malinis, at on-time ang public transpo.

Sa mga bansang yan, ang pulitiko ay hindi action star. Walang wang-wang, walang sandamakmak na bodyguard, at walang nakapaskil na pagmumukha nila sa bawat poste at waiting shed. 

Pumapasok sila sa opisina na parang ordinaryong empleyado na nagko-commute din. Bakit? Dahil alam ng mga tao dun na empleyado lang talaga sila.

Sa bansang may maayos na gobyerno:

Kapag nagkasakit ka, hindi ka agad nagbibilang kung sino ang uutangan. May maayos na public healthcare; hindi marangya, pero gumagana.

Ang edukasyon ay hindi sugal. Kahit anak ka ng ordinaryong empleyado, may access ka sa kalidad na paaralan.

Ang public transport ay hindi daily survival challenge. On time, maayos, maaasahan; hindi ninanakaw ang oras mo.

Ang negosyo ay hindi palakasan. May malinaw na patakaran; kaya ang sipag at talino ang puhunan, hindi koneksyon.

At kapag tinamaan ka ng malas sa buhay, may safety net na sasalo; hindi ka lulubog agad sa utang dahil lang sa isang emergency.

Ang epekto? Hindi desperado ang tao. At ang hindi desperado, hindi madaling bilhin.

Sa ganitong sistema, ang pulitiko ay hindi idolo. Empleyado siya; tagapamahala ng perang hindi kanya.

At kapag pumalpak, pinapalitan. Walang drama. Walang kulto. May accountability.

———
Ikaw Ang Boss, Hindi Sila

Dito satin, baligtad ang mundo. Nagbayad ka ng buwis, tapos nung pinagawa ang kalsada gamit ang pera mo, lalagyan ng malaking mukha ni Mayor o Congresista na may nakasulat na "Proyektong Handog ni..." Akala mo naman galing sa sariling bulsa nya ang pondo. Tapos papalakpak ka pa at magpapasalamat.

Isipin mo to: pag umorder ka sa Shopee at nagbayad ka in advance, tapos dumating yung parcel mo. Magmamakaawa ka ba sa rider at gagawin mo ba syang idolo dahil idineliver nya yung binayaran mo? Syempre hindi. Binayaran mo yun e. Kung palpak ang delivery, ire-rate mo ng 1-star. Pero sa pulitika, ninakawan na tayo, binoboto pa ulit natin tapos nakikipagsiksikan pa tayo para magpa-selfie.

Ang tunay na asenso ay kapayapaan ng isip; hindi takot sa ospital, sa tuition, o sa kinabukasan ng anak.

Tapusin na natin ang pag-i-idolo sa mga pulitiko. Wag nating ituring na utang na loob ang mga kalsada, tulay, at ospital. Pera natin yun. Sukli lang yun ng mga kinaltas nila sa sahod natin bago pa natin maiuwi sa pamilya natin.

Tuwing eleksyon, wag kang bumoto na parang pumipili ka ng paborito mong love team. Bumoto ka na parang boss na nag-i-interview ng aplikanteng hahawak ng budget ng kumpanya mo. Sila ang nakapila para magsilbi, hindi tayo ang nakapila para magmakaawa.

Walang utang na loob ang boss sa empleyadong ibinalik lang ang sukli nya.

Hanggang kailan tayo papayag na maging puhunan sa negosyong hindi naman tayo ang may-ari?

———

“Public office is not a throne; it is a desk with deadlines.”
    - Mel Panganiban

Note: Pwede nyong i-share, i-copy paste, o i-repost to para mas maraming magising. Libreng-libre. Wag nyo lang e-edit o babaguhin ang laman, at paki-credit na lang sa nagsulat. Kung galit tayo sa mga pulitikong magnanakaw, wag nating simulan sa pagnanakaw ng content. Isama lang ang pangalan ni Mel Panganiban.

@highlight

No comments: