Sunday, February 08, 2026

Pinili ang sarili nya.

𝗣𝗶𝗻𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝗴 𝗮𝗸𝗼 𝗻𝗶 𝗕𝗼𝘆𝗳𝗶𝗲 𝘀𝗮 𝗸𝘄𝗮𝗿𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗽𝗶𝗻𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗶𝘆𝗮 𝗻𝘂𝗻𝗴 𝗿𝗲𝘂𝗻𝗶𝗼𝗻 𝗻𝗶𝗹𝗮.

“Pwede bang van mo ang gamitin?”

Hindi ito simpleng tanong. Pakiusap na may halong utos. May kasamang ding ngiti ng nanay niya na ramdam ko namang di sinsero. Nakatayo ako sa sala nila, hawak ang susi ng sasakyan ko, iniisip kung bakit parang may exam akong kailangang ipasa kahit dalawang taon na kaming magkarelasyon ng anak niya.

Hindi naman ako palaging invited sa mga ganap nila. Madalas, nalalaman ko na lang sa Facebook - mga litrato, kainan, group photo na wala ako. Ramdam din ‘yon ng boyfriend ko. Kaya kadalasan, bumabawi siya pag kaming dalawa na lang ang nagde-date. Walang reklamo. Alam kong mahal niya ako. Pero pamilya pa rin niya ‘yon at naiipit siya. 

Pero halatang kapag may kailangan sila, saka lang ako nagiging visible.

Reunion nila sa norte. Ayaw nilang mag-commute. May van ako. May driver’s license. May trabaho. Kumpleto.

Pumayag ako. Pumayag din si Mama na magbantay sa anak ko.

Pumayag ako siguro dahil, umaasa pa rin akong balang araw, hindi lang ako “girlfriend lang na may anak,” kundi parte talaga ng pamilya. Kahit isang beses lang.

Gabi ang alis namin. Galing pa ako sa work - WFH pero dapat hanggang gabi ang sched. Buti pumayag si client, basta daw tapos ang tasks.. Pagkatapos, agad kong hinatid ang anak ko sa nanay ko at dumiretso na ako sa kanila. Tinulungan ko silang magbuhat ng gamit: bayong, lalagyan ng kung ano-ano. Pag-upo ko sa driver’s seat, ramdam ko na agad ang bigat sa balikat ko.

Isa-isa silang nakatulog.

Sa likod, mahihinang hilik. Sa passenger seat, boyfriend kong pinipilit gumising pero halatang pagod din dahil nagtrabaho din. 

Habang tinatahak ang kalsada, iniisip ko kung kailan ba huling beses na may nagtanong kung okay lang ako. Kung kaya ko pa. Kung gusto ko pa.

Bandang madaling-araw, huminto ako sa gasolinahan. Kailangan ko ng gasolina. Kailangan ko ng pagkain. Kailangan ko ng pahinga.

“Gising muna kayo,” sabi ko, pilit hininaan ang boses. “Bumili po ako ng pagkain at kape, pwede bang may pumalit mag maneho - iplip lang po ako saglit.”

May bumuntong-hininga sa likod. May nagsabi, “Bakit huminto pa? Baka di tayo umabot sa tanghalian.”

Parang may humila pababa sa sikmura ko.

Nag-offer naman ang boyfriend ko. Umiling ako. “Expired lisensya mo. Lalo lang tayong maaabala sakaling may mangyari.”

Walang ibang nagvolunteer. Yung kuya ni bf at isang pinsan ay may lisensya at kayang mag drive pero walang pakialam.

Kaya bumalik ako sa driver’s seat. Tinuloy ko ang biyahe.

Pagdating sa bayan ay ginising ko si boyfie para ituro kung saan yung bahay na pupuntahan. Nakarating naman kami ng maayos. Kumain sila. Nagkuwentuhan. May program, may mga tawanan. Pagod na pagod ako pero ngumiti pa rin. Nang sabihin ng boyfriend ko na bakante yung kuwarto ng pinsan niya at pwede akong magpahinga, hindi na ako tumanggi.

Ang plano ay ko saglit na idlip lang. Para maipakilala ako ng maayos sa ibang kamag anak pagkatapos kong magpahinga.

Nagising na lang ako sa katok. “Aalis na tayo.”

Paglabas ko ng kuwarto, konti na lang ang mga tao. Tinatanggal na ang ibang mga dekorasyon. Parang tapos na ang lahat - nang hindi man lang ako nakilala nang maayos.

May isang pinsan si boyfie na nag-alok ng pagkain pero nagmamadali na sila kuya at mama niya. May trabaho pa raw sa Maynila. Walang pa ring alok na sila na muna ang magmamaneho.

Napikon na ako pero di ko pinahalata.
“Magpapa-gas na ako,” sabi ko. “Tsaka engine wash habang nag aayos kayo ng gamit. Para direcho na mamaya.”

Tumango sila. Walang alinlangan.

Paglabas ko ng compound, hindi ako kumaliwa pabalik sa bayan. Dumiretso na ako.

Tahimik ang van. Walang hilik. Walang reklamo. Walang boses na nagsasabing mabagal ako, o mali ang desisyon ko. Walang matalas at mapanghusgang mga tingin.

Makalipas ang isang oras, nagsimulang tumunog ang phone ko. Tawag. Missed call. Tawag ulit. Hindi ko sinagot.

Mas malinaw ang isip ko kaysa kailanman. Pag nakauwi na ako saka ko na lang sasagutin para makipag hiwalay.

Hindi ako galit. Hindi rin ako naghihiganti. Pagod lang. At sa unang pagkakataon, pinili ko ang sarili ko.

Bakit ko pa ipipilit ang sarili ko sa mga taong hindi naman kami tinuturing na pamilya ng anak ko.

No comments: