Thursday, February 12, 2026

Be an instrument of justice.

Balita ngayon na napalaya na ang driver ng kotse na nakabangga sa estudyanteng nahulog mula sa LRT. Ayon sa ulat, nagbigay daw ng affidavit ang pamilya na hindi sila magsasampa ng kaso, kaya pinakawalan ang driver.

Ngayon ang tanong. Kailangan ba talaga ang affidavit ng pamilya para makalaya ang driver? Kapag ba walang ganun, dapat ba nakakulong pa rin siya?

Ang sagot ay hindi.

Ang kasong reckless imprudence resulting in homicide ay isang PUBLIC CRIME. Ibig sabihin, ang tunay na offended party ay ang State. Ang gobyerno. Hindi nakadepende ang criminal case sa gusto or ayaw ng pamilya. Technically, kahit sabihin pa nila na ayaw nila ng kaso, puwedeng ituloy ng gobyerno kung may ebidensya ng kapabayaan. At baliktad din kahit gusto ng pamilya magsampa, kung walang ebidensya, hindi dapat makasuhan.

Kaya sa batas, ang batayan kung dapat palayain or ikulong ang suspect ay hindi ang affidavit ng pamilya. EVIDENCE ANG BASIS.

Ano ba ang kailangang patunayan sa reckless imprudence? Negligence. May kakulangan ba sa pag-iingat ang driver? Nag-ooverspeed ba? Lasing? Naka-cellphone? Lumabag sa traffic rules?

Yan ang trabaho ng pulis. Alamin kung meron or wala.

Ngayon, may video, may witnesses, nag-imbestiga na sila sa crime scene. Sa puntong iyon, kaya na nilang mag-desisyon batay sa facts. Hindi nila kailangang hintayin ang affidavit ng pamilya bago malaman kung may negligence or wala. Kung base sa ebidensya ay malinaw na walang negligence, dapat pakawalan agad. Hindi na dapat hintayin ang affidavit ng pamilya.

Sa madaling salita, hindi pamilya ang nasusunod sa criminal case. Ebidensya ang nasusunod.

Ang problema lang, minsan natatakot ang mga pulis na sila ang mabalikan. Baka pakawalan nila tapos may may krimen pala, sila ang mananagot. Kaya minsan, mas komportable silang may basbas muna ng pamilya. Praktikal na mindset.  

Naiintindihan ko yan. Promise. Pero para sa akin, hindi iyon ang tamang approach.

Ang mandate nila ay mag-investigate at gamitin ang kanilang sariling judgment. Hindi dapat ipinapasa sa pamilya ang desisyon kung may kaso o wala.  

Kaya sa mga pulis na kasama natin sa pagpapatupad ng batas, eto lang ang masasabi ko. Nasa inyo ang kapangyarihan na mag-investigate. Nasa inyo ang authority to gather evidence. Kung base sa findings ninyo ay may kasalanan, kasuhan.  

Pero kung malinaw na walang krimen, dapat pakawalan agad. Wag na maghintay ng basbas ng complainant. Gamitin ninyo ang discretion na ibinigay sa inyo ng batas. Huwag laging takot na baka mabalikan. Huwag laging ipinapasa ang desisyon sa prosecutor or sa hukom. Because at the end of the day, ang habol natin dito ay justice.  

And you are instruments of justice.

Photo credits: Bombo Radyo Pilipinas



No comments: