Wednesday, November 16, 2005

Panalangin ng mga Magulang na Nagpapaaral ng Kanilang mga Anak

O Panginoong Diyos, tulungan po ninyo kaming mga magulang na itaguyod ang pag-aaral ng aming mga anak.

Sa kanilang pag-aaral, nawa'y matuto silang lumago sa kabutihang-asal at sa kalinisan ng kalooban. Nawa'y higit pa silang mahubog ng mga sangkap ng malalim na integridad, mabuting puso at kahandaan sa pagiging bukas-palad.

Bilang mga magulang, O Diyos, tulungan ninyo kami sa tungkuling gabayan ang aming mga anak sa paggamit ng kanilang pinag-aralan sa tamang paraan. Biyayaan ninyo kami at ang aming mga anak ng kamalayan na ang bukal na karunungan ay hindi nagbubunga ng mapaminsalang kapangyarihan, bagkus ito ay dapat umusbong sa ganap na pag-unlad ng lahat ng tao.

Kasiyahan mo, O Panginoon, na gamitin ng mga mag-aaral ang kanilang karunungan sa pagtulong sa kapwa. Ang lahat ng ito, O Diyos, tungo sa iyong ikapupuri. Amen.

No comments: