Friday, January 09, 2026

Alarma sa LTMS.

“Bayad na ang ₱17,000… Pero Bakit Naka-ALARM Pa rin ang LTMS?”

Editorial and Awareness post
Posted : January 8, 2026
Time: 7:48 PM

Original Content by : Rommel Garcia Poblador 

Maraming motorista ang nagugulat at nagtatanong:

“Nabayaran ko na lahat ng violation ko, bakit may alarm pa rin sa LTMS?”
Ang sagot dito ay simple ngunit madalas hindi naipapaliwanag nang maayos.

Sa isang aktwal na kaso, ang driver ay may mga sumusunod na violation:

- Unregistered Vehicle
- Defective / Without / Unauthorized Vehicle Accessories
- Reckless Driving

Dahil sa mga paglabag na ito, umabot sa 11 demerit points ang naitala sa kanyang LTMS record.
At dito nagkakaroon ng kalituhan ang marami.

Multa ay Hindi Katumbas ng Tapos na Pananagutan

Ang ₱17,000 na multa ay parusang pinansyal lamang.
Ngunit ang demerit points ay bahagi ng behavioral correction system ng LTO.
Kapag ang isang driver ay nakaipon ng 10 demerit points pataas, awtomatikong required ang Driver Re-Orientation Course o DRC seminar.
Ito ay hindi optional at hindi napapalitan ng bayad.

Bakit Naka-ALARM ang LTMS?

Nanatiling naka-alarm ang LTMS dahil hindi pa natatapos ang mandatory DRC seminar.
Hangga’t hindi: Nakadadalo sa seminar
Naire-record sa LTMS ang completion
Mananatiling alarmed ang account kahit bayad na ang lahat ng multa.

Paalala sa Lahat ng Motorista! 

Ang sistema ng LTO ay hindi lamang tungkol sa koleksyon ng multa.
Ito ay idinisenyo upang itama ang maling asal sa kalsada, pigilan ang paulit-ulit na delikadong pagmamaneho, at protektahan ang lahat ng gumagamit ng kalsada.

Mensahe sa mga Driver:
Hindi lahat ng problema sa LTMS ay nalulutas ng pera.

May mga pagkakataon na kaalaman, disiplina, at pagwawasto ng asal ang tunay na solusyon.

Kung may alarm sa LTMS, huwag agad ipagpalagay na system error.
Suriin kung may required seminar na hindi pa natatapos.

DISCLAIMER:

Ang post na ito ay para sa public information at awareness lamang.
Hindi ito pamalit sa opisyal na advisories ng LTO at hindi rin personal na pag-atake sa sinumang indibidwal.

No comments: