Friday, January 02, 2026

Saan napupunta?

𝐓𝐑𝐀𝐍𝐒𝐏𝐀𝐑𝐄𝐍𝐂𝐘 𝐒𝐀 ₱𝟏𝟖.𝟓𝟖𝐁 𝐌𝐎𝐎𝐄 𝐀𝐓 ₱𝟐𝐌 "𝐂𝐇𝐑𝐈𝐒𝐓𝐌𝐀𝐒 𝐁𝐎𝐍𝐔𝐒"

Nagpapasalamat po ako kay Deputy Speaker Puno sa pagkumpirma na may ₱2M at paglilinaw na: “It’s not a Christmas bonus, it is an additional funding for your Christmas requirements in your district… Mag-Christmas party ka sa mga barangay captain mo, mag-health activity ka, you will do mga consultations, many things.”

Ganundin kay Cong Ridon sa pagkumpirma na: “Umabot ng 2 milyon iyun pong inilabas noong huling araw ng Kongreso galing sa MOOE...Lahat po iyan ay para sa mga opisina, sa mga pangangailangan ng mga distrito. Ang bonus lang diyan ay ang 13th atsaka 14th month bonus na ibinibigay para po sa mga Kongresista....In previous Congresses, meron pong ganyan mga kaperahan.”

Noong una, may mga nag-deny na may ₱2M, kaya mabuti ang naging paglilinaw nina DS Puno at Cong Ridon. May nagsasabi pa rin na ang ₱2M ay para sa office budget, ngunit malinaw po na on top ito ng ₱1M buwanang office budget. Sinabi na ni DS Puno mismo na ito ay para sa “Christmas requirements” ng ating constituents.

Nagpapasalamat din po ako kay Cong Tiangco sa paglilinaw na hindi lang sa Pasko may ₱2M at sa Undas may ₱1.5M, kundi pati sa Easter may karagdagang ₱1.5M na “break bonus”, at matagal na raw na may ganitong sistema. Nanawagan si Cong Tiangco na maging transparent tayo tungkol sa paggamit ng budget ng Kongreso.

Noong 2025, ang buwanang sweldo ng isang Congressman ay ₱334,059. Kapag isinama ang 13th at 14th month bonus, ₱1M buwanang office budget, at ₱2M para sa “Christmas requirements” umabot sa ₱4M ang sweldo at MOOE sa Disyembre. Ngayong 2026, tumaas na sa ₱342,310 ang buwanang sweldo, at kung isasama ang office budget, “break bonus”, at iba pang MOOE, umaabot sa ₱22M ang kabuuang sweldo at MOOE ng isang Congressman.

Hindi ko po kinukuha ang MOOE o sweldo ko, pero hindi ko sinabing iligal ito. Kinuwestiyon ko lang bakit hindi isinasapubliko ng Kongreso ang paggamit ng budget, bakit walang liquidation ng resibo ang aming MOOE, bakit tumaas ng ₱7.83B ang HOR MOOE mula sa NEP at umabot sa ₱18.58B sa 2026 budget, na wala sa committee report at bigla na lang lumabas sa substitute bill. Hindi malinaw kung saan eksaktong mapupunta ang ₱18.58B, na katumbas ng ₱58.42M kada Congressman.

Bahagi ng MOOE ay napupunta sa sahod, utilities, at pasilidad ng Kongreso, ngunit kinukwestiyon ko rin ito dahil may bahagi napupunta sa sahod ng mga “consultants”, kabilang ang mga “keyboard warriors” o “social media trolls”–na sila rin ngayong dumedepensa sa MOOE budget ng Kongreso.

Sa kabila ng lahat ng mga pahayag, ang tanong ko lang po ay, saan napupunta ang ₱18.58B MOOE?

No comments: