Wednesday, January 14, 2026

Sana hindi ito totoo.

GUSTO NG KAPATID KO NA BAYARAN KO SIYA NG 400 KADA ARAW PARA ALAGAAN NIYA ANG SARILING NANAY NAMIN

Sir McCoy, Panganay po ako sa aming tatlong magkakapatid at nag-iisang babae. Namatay si Tatay noong taong 2007. Senior na po ako at hindi na nakapag-asawa pa dahil ako ang nag-iisang nag-asikaso sa financial, medical, at moral needs ng aking 94-anyos na nanay.

Dalawampu’t walong taon nang pabalik-balik ang depression ni Nanay dahil sa pagpapabaya sa kaniya ng aking mga kapatid. Ang sabi nila, wala raw silang obligasyon sa magulang at dahil wala pa naman daw akong asawa, ako lang daw ang dapat mag-alaga kay Nanay.

Minsan ay nasabi ko sa kanila, “Kapatid niyo ako at nanay natin siya.”

Ngunit wala akong natanggap na sagot kundi katahimikan lang.
Hindi man lang nila magawang tumawag, dumalaw, o batiin si Nanay sa mga espesyal na okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon, at kaarawan. Hirap na hirap ako tuwing sumusumpong ang depression ni Nanay.

Noong taong 2022, nagkasakit ng pneumonia si Nanay at naospital. Humingi ako ng tulong sa bunso kong kapatid na may stable ring trabaho, dahil iisang opisina lang ang pinapasukan namin, upang matulungan ako sa gastos sa mga gamot ni Nanay.

Sabi niya sa akin, “Wala akong pera.”
Ngunit kalaunan ay nalaman ko na napromote pala siya at sumusuweldo na ng ₱50,000 kada buwan.
Pareho kaming may sakit, ngunit ako ay nagagawa ko pa ring pilitin ang sarili ko na suportahan ang medical at financial needs ni Nanay sa abot ng aking makakaya. Nabaon ako sa utang mula nang magkasakit siya. Awa ng Diyos ay gumaling si Nanay.
Halos matanggal ako sa trabaho noon dahil sa madalas na pag-absent kaya naubos ang aking leave credits. Nagkaroon ako ng depression at hirap na hirap akong labanan iyon. Mabuti na lamang at may moral support akong natanggap mula sa aking mga kaibigan.

Minsan ay nasabi ko kay Nanay, “Ma, kakayanin natin ito. Huwag kang susuko.”

At mahina niyang tugon, “Ikaw na lang ang lakas ko, anak.”

Nalaman ko rin na ang sumunod kong kapatid ay hiniwalayan na ng kaniyang asawa at mag-isa na lamang na namumuhay sa Cavite bilang caretaker ng bahay ng tiyuhin ko, nang walang bayad. Nagtitinda siya ng pandesal araw-araw bilang hanapbuhay. Ang kaniyang mga anak ay malalaki na, may mga trabaho na, at ang ilan ay may sarili na ring pamilya.

Hindi man lang niya naisip na tulungan akong mag-alaga kay Nanay, lalo na sa kalagayan ngayon ni Nanay na sakitin na at hindi na nakakakilos o nakakalakad mag-isa mula noong huli siyang natumba noong Oktubre 19 nakaraang taon, ang ikaapat na beses na niyang pagkatumba.

Tinawagan at tinext ko ang kapatid kong sumunod sa akin noong araw na natumba si Nanay, ngunit hindi siya sumagot. Tinext ko rin ang anak niyang nasa Cavite upang ipaalam ang kalagayan ni Nanay.
Ang gusto pala ng kapatid ko ay bayaran ko siya ng ₱400 kada araw para tulungan akong mag-alaga kay Nanay.

Nang sabihin ko ito kay Nanay, napaluha siya at sinabi, “Anak, parang hindi na nila ako nanay.”

Sobrang nagdamdam kami ni Nanay nang malaman namin ito. Malaki ang ipinayat ni Nanay mula nang siya ay huling natumba dahil tuwing almusal at dinner na lamang siya nakakakain, sapagkat naiiwan lang siyang mag-isa sa bahay kapag pumapasok ako sa trabaho.
Wala akong pambayad sa caregiver.

Nagkasakit ang Kapatid ko, inatake siya sa puso at dead on arrival sa ospital. Hindi man lang siya nakahingi ng tawad kay Nanay. Labis ang naging pagdadamdam ni Nanay sa kaniya dahil ibinulsa niya ang abuloy na sana’y pantulong noong namatay si Tatay noong 2007.
Hindi kami nagpunta sa burol at libing ng kapatid ko dahil sa sobrang lalim ng aming pagdaramdam sa kaniya.

Walang nakuhang anumang kompensasyon ang biyuda ng aking kapatid dahil kinasuhan ko ang bunso kong kapatid ng pagpapabaya sa magulang. Tama lamang na kinasuhan ko siya sapagkat nalaman ko na may iba palang lalaki ang aking hipag kahit noong nabubuhay pa ang aking kapatid.

Ngayon ay gumagapang sila mag-ina sa hirap.
Nakakalungkot lamang dahil may mga anak pala talagang kayang tiisin ang kanilang mga magulang, lalo na kapag ang mga ito ay nasa gipit na kalagayan—mahina na at matanda na.
Hindi naisip ng aking mga kapatid na pinagpapala ng Diyos ang mabait at mapagmahal na anak sa magulang. 

Binibigyan sila ng mahabang buhay at pinagpapala ang kanilang kabuhayan. Sobrang naaawa ako kay Nanay dahil ipinagkait sa kaniya ng aking mga kapatid at ng kaniyang mga apo ang mga yakap, halik, pagmamalasakit, at higit sa lahat, ang pagmamahal.

Isinulat ko po ang aming family story upang makapagbigay-aral at makapagpaalala sa mga anak na nakakalimot nang lingunin ang kanilang mga magulang. Binilinan na po ako ni Nanay na kapag siya ay namatay, huwag papuntahin ang aking kapatid at ang kaniyang mga apo sa burol at libing. Napakasakit nito, ngunit gagawin ko upang masunod ang kaniyang bilin.

Maraming salamat po sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon na maibahagi ang aming family story. God bless po.

Ang pagiging anak ay hindi natatapos sa pag-aasawa, paglayo, o pagkapagod. Habang tumatanda ang mga magulang, mas lalo nilang kailangan ang oras, malasakit, at pagmamahal—hindi lang pera. Ang pagpapabaya sa magulang ay sugat na hindi kayang pagalingin ng panahon, at madalas ay huli na ang pagsisisi kapag wala na silang lakas o buhay upang maramdaman ang ating paghingi ng tawad.
Hindi nasusukat ang pagiging mabuting anak sa dami ng dahilan kung bakit tayo lumalayo, kundi sa lawak ng sakripisyong handa nating ialay para sa kanila. Sapagkat ang magulang na inaalagaan, minamahal, at pinahahalagahan ay hindi kailanman talo—at ang anak na marunong lumingon sa pinanggalingan ay pinagpapala ng Diyos sa paraang hindi kayang tumbasan ng mundo.

FOR MORE STORIES, FOLLOW ME

No comments: