Kung may kakilala kang sumasahod ng daan-daang libo kada buwan sa isang kumpanya, matic ang expectation. Hindi puwedeng pabigat at hindi puwedeng bahala na ang iba. Kapag malaki ang sahod, alam dapat ang trabaho at kaya itong gawin nang maayos.
Ganyan kasi sa private sector. Ang sahod ay kapalit ng competence at results. Kapag palpak, hindi ka iniintindi dahil lang sikat ka o kilala ang apelyido mo. May evaluation, accountability, at tanggalan.
Paano kung ilipat natin ang parehong logic sa pulitika?
Ang sahod ng mga nasa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay pang-top executive na. Pang-CEO na sa Pilipinas. Ibig sabihin, sa papel pa lang, inaasahan na handa sila, marunong, at alam ang bigat ng desisyon na hawak nila.
Ang kaso sa totoong buhay, iba ang trato natin.
Madalas ang mga pulitiko, binibigyan ng passing grade kasi mabait naman daw, may malasakit, tumutulong sa tao. All well and good and admirable. Ang kaso, hindi natin madalas basehan kasi yung performance. Hindi yung performance sa harap lang ng camera, kundi yung performance sa trabaho tulad ng ilang batas na ba ang naipasa at napanukala na nakakapagpabago ng buhay ng mga Pinoy tulad ng free education, pagbabawal sa mga POGO, o pag-aalaga sa food security ng Pilipinas.
Hindi ito tungkol sa talino o sa dami ng diploma at inaral. Maraming mahusay na manggagawa ang may simpleng pinanggalingan. Ang mahalaga kasi, kahit saan ka galing, kailangan mong aralin ang trabaho mo. Kailangan mong maintindihan ang epekto ng desisyon mo.
Mas lalo na sa gobyerno.
Kasi kapag pumalpak ang isang empleyado sa kumpanya, negosyo lang ang apektado. Kapag pumalpak ang isang mambabatas o opisyal, buong bansa ang apektado tulad ng presyo ng bilihin, mga trabaho, kaligtasan ng mga mamamayan, at kinabukasan ng mga bata.
Kaya kung tutuusin, mas mataas dapat ang standard sa pulitika kaysa sa private sector, at hindi mas mababa. Simple lang kasi ang logic. Kung ang sahod ay pang-executive, ang competence dapat pang-executive rin.
Kung hindi pasado sa standard ng isang kumpanya, bakit pasado sa pamamahala ng bayan? That’s just common sense and a fair question.
No comments:
Post a Comment