Viral ngayon ang post ni Dr. Ronnie Baticulon, isang pediatric neurosurgeon at faculty member ng UP College of Medicine, kasunod ng paglipat kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Philippine General Hospital (PGH).
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Dr. Baticulon:
"Fact: Nasa 7th floor ang mga pinakamagagandang private room ng Philippine General Hospital.”
Ito ay matapos maiulat na sa nasabing palapag dinala ang dating mambabatas.
Inilipat si Romualdez sa PGH noong Setyembre 12 mula sa Cardinal Santos Medical Center para sumailalim sa isang independent medical examination.
Utos ito ng Sandiganbayan upang matukoy kung kailangan pa ba niyang manatili sa ospital o maaari na siyang ilipat sa kulungan habang nililitis ang kanyang kasong plunder.
Ayon sa opisyal na room rates ng PGH, may mga premium private accommodation sa ospital kabilang ang Presidential Suite na nagkakahalaga ng ₱6,600 kada araw.
Gayunpaman, walang opisyal na kumpirmasyon kung sa mismong Presidential Suite inilagay si Romualdez.
Una nang iginiit ng Sandiganbayan na ang desisyon sa kanyang patuloy na confinement ay dapat nakabatay sa "medical necessity" at hindi sa estado, yaman, o impluwensiya.

No comments:
Post a Comment