Pagkaing Nakasasama Sa Ngipin
Payo ni Doc Willie Ong
Mahirap ang masiraan ng ngipin at mabungi. Dahil dito, dapat nating limitahan ang pagkain ng mga bagay na nakasasama sa ating ngipin.
Heto ang mga pagkaing puwedeng makasama sa ngipin:
1. Matatamis na pagkain – Ang tooth decay ay nag-uumpisa sa pagdami ng bacteria sa ating bibig. Para mabuhay ang bacteria, kailangan nila ng pagkain tulad ng matatamis na pagkain. Kapag madalas kang kumakain ng candy, jams, tsokolate, juices, soft drinks at cakes, mas madaling masira ang ngipin.
2. Mga carbohydrates tulad ng tinapay at donut – Ang mga carbohydrates ay makukuha sa tinapay, donut, ensaymada, cookies, at muffin. Madali din itong gamitin ng bacteria para gumawa ng asido na makakasira ng ngipin.
3. Madikit na pagkain – Ang mga madidikit na pagkain tulad ng biko, sapin-sapin, puto bungbong, palitaw, pan-de-coco, chewing gum at chocolate bar ay mabilis ding makasira ng ngipin. Ito ay dahil dumidikit ang mga pagkaing ito sa ngipin na ginagamit ng bacteria.
4. Maling pagbibigay ng gatas sa bata – Masustansya ang gatas bilang pagkain. Ngunit may mga magulang na hinahayaang matulog si beybi na may bote ng gatas sa bibig. Ang matagalang pagdikit ng gatas sa ngipin ay makakabutas ng ngipin. Para maiwasan ito, linisin ang ngipin at gilagid ng beybi na gamit ang basang tela o gasa.
5. Alak – Ang pag-inom ng alak ay puwedeng makagasgas sa ngipin. Dapat ding iwasan ang paninigarilyo dahil magiging madilaw ang ngipin. Mabilis ding makasira ang paninigarilyo sa ngipin.
Bilang paglilinaw: Hindi natin sinasabi na huwag nang kumain ng mga pagkaing ito. Bawasan lang natin ito.
Para makaiwas sa tooth decay, ugaliing mag-sepilyo agad pagkatapos kumain. Dahil kapag hinayaan natin ang mga pagkain sa bibig, sa loob ng isang oras ay mag-uumpisa nang masira ang iyong ngipin. Ingat po.
No comments:
Post a Comment