Friday, June 19, 2026

Noong namatay.

Noong namatay si Miriam Defensor Santiago, hindi pa mayor si Vico Sotto. Wala pa siyang City Hall. Wala pa siyang national spotlight. Wala pa siyang machinery na kinatatakutan ng mga trapo.

Konsehal pa lang siya noon, pero malinaw na ang sinabi niya: sana ipagpatuloy ng Kongreso ang Anti-Epal Bill, Anti-Premature Campaigning Bill, at Anti-Political Dynasty Bill ni Miriam.

Years later, hindi na nakakagulat na sa Pasig, isinabuhay niya ang prinsipyong iyon.

Hindi ito simpleng “idol niya si Miriam.” Ang tawag dito: political continuity with actual governance. Hindi quote card. Hindi pa-witty na condolence post. Hindi “rest in power” tapos kinabukasan mukha mo nasa tarpaulin, sobre, ambulance, waiting shed, notebook, payong, bigas, ayuda, at minsan pati basurahan.

Sa Pasig, ang serbisyo ay serbisyo. Hindi campaign material. Hindi family branding. Hindi personal billboard paid by taxpayers. Kaya mabigat ang Anti-Epal principle: dahil ang proyekto ng gobyerno ay hindi regalo ng politiko. Pera ng tao iyan. Buwis ng tao iyan. Trabaho nila iyan.

Kapag nilagyan mo ng mukha ang public project, ang tahimik na mensahe ay: “Magpasalamat ka sa akin.”

Mali.

Dapat ang mensahe ay: “Sa’yo ito, dahil mamamayan ka.”

Ganyan kahalaga ang Anti-Epal Bill ni Miriam. Hindi lang siya tungkol sa pagtanggal ng mukha sa tarpaulin. Democratic reform siya. Tinatanggal niya sa utak ng Pilipino ang lumang paniniwala na ang karapatan ay utang na loob, na ang ayuda ay biyaya, na ang kalsada ay regalo, na ang ospital ay personal favor ng nakaupo.

Ganito rin kahalaga ang Anti-Premature Campaigning Bill. Kasi sa Pilipinas, may mga politikong taon-taon nang nangangampanya pero kunwari hindi pa. May “public service ads,” birthday greetings, advocacy posters, sponsored content, motorcade, ayuda, at “ingat po sa biyahe” billboard kahit ang totoong mensahe ay: tandaan mo ang pangalan ko sa eleksyon.

Dito pumapasok ang legal loophole. Sa election law, may mga bagay na mahirap papanagutin kung hindi pa opisyal na campaign period o kung hindi pa sila “candidate” in the strict legal sense. Kaya ang nangyayari, nauuna ang pera bago ang plataporma. Nauuna ang billboard bago ang debate. Nauuna ang jingle bago ang track record. Nauuna ang mukha bago ang kakayahan.

Ang mayaman, nakakabili ng memorya ng botante bago pa magsimula ang laban. Ang ordinaryong kandidato, hahabol na lang sa campaign period habang ang kalaban niya, limang taon nang nakangiti sa poste.

At siyempre, ang Anti-Political Dynasty Bill. Ito ang pinakamatagal nang multo sa Kongreso. Nasa Konstitusyon na ang prinsipyo: dapat may equal access to public service at dapat ipagbawal ang political dynasties, pero kailangan pa rin ng enabling law para gumana. Ibig sabihin, matagal nang may utos ang Konstitusyon, pero kailangan ng Kongreso para bigyan ito ng ngipin.

Ang problema: pinapagawa natin ang anti-dynasty law sa mismong institution na punong-puno ng dynasties. Para kang nagpa-draft ng anti-budol policy sa professional budolero. Natural, ang bilis kapag renaming ng kalsada. Ang bagal kapag sariling pamilya ang mababawasan ng kapangyarihan.

Kaya mahalaga ang ginawa ni Vico. Hindi niya kayang ipasa mag-isa ang national anti-dynasty law, dahil mayor siya, hindi Kongreso. Hindi niya kayang burahin mag-isa ang premature campaigning loophole, dahil national election law iyan. Pero sa saklaw ng kanyang kapangyarihan, pinakita niya ang punto ni Miriam: possible ang gobyernong hindi ginagawang personal negosyo ang public office.

Possible ang lider na hindi kailangang ipaskil ang mukha para maramdaman ang trabaho.

Possible ang serbisyo na hindi kailangang may apelyidong nakatatak para maging totoo.

Possible ang lungsod na hindi ginagawang family corporation.

And yes, legally airtight dapat tayo rito: Vico is still a Sotto, at alam natin na may bigat ang apelyido sa pulitika. Pero iyon mismo ang punto. Hindi sapat ang pangalan. Ang tanong ay: ginamit mo ba ang poder para palakihin ang sarili mo, o ginamit mo ang posisyon para paliitin ang epal politics? Sa Pasig, malinaw ang direction: tanggal mukha, tanggal pangalan, tanggal entitlement, balik sa taumbayan ang serbisyo.

That is why his 2016 quote aged well. Kasi hindi siya empty tribute. It became a governing philosophy.

Miriam spent years warning us about epal politics, premature campaigning, and dynastic capture because she understood one basic truth: corruption does not begin only when money is stolen. Sometimes corruption begins when public office is treated like private property. When taxpayers’ money becomes campaign material. When elections become surname inheritance. When visibility becomes more powerful than competence.

Kaya kung talagang gusto ng Kongreso parangalan si Miriam, huwag na muna silang magpa-quote card. Huwag na muna silang magpa-tribute speech. Huwag na muna silang umarte na na-miss nila ang talino niya habang inuupuan naman nila ang mga batas na ipinaglaban niya.

Ipasa ang anti-epal.

Ayusin ang premature campaigning.

Tapusin ang political dynasties.

Dahil halos sampung taon na siyang wala, pero ang mga batas na dapat matagal nang buhay, hanggang ngayon, pinapatay pa rin sa committee, sa delay, sa loophole, at sa komportableng katahimikan ng mga pamilyang ayaw bumitaw sa kapangyarihan.

Miriam faded into the night like Batman.

Ang problema, ang Kongreso, hanggang ngayon, nasa cave pa rin.



No comments: