Bakit kapag may problema tayo, may kailangan tayo, o may gusto tayong makuha, ang bilis nating lumapit sa Diyos? Pero kapag napagbigyan na tayo, gumaan na ang sitwasyon, o nakuha na natin ang ipinagdarasal natin, unti-unti na rin nating nakakalimutang magpasalamat.
Minsan, ganoon talaga ang tao. Mas malakas tayong manalangin kapag nasasaktan, natatakot, o wala na tayong ibang malapitan. Pero ang tunay na pananampalataya ay hindi lang dapat nakikita sa panahon ng pangangailangan. Mas lalong dapat itong nakikita sa panahon ng pagpapala.
Bilang isang dialysis patient, tatlong beses sa isang linggo akong dumadaan sa apat na oras na dialysis. Hindi madali ang bawat session. May mga araw na pagod ang katawan, mabigat ang pakiramdam, at maraming tanong kung bakit kailangang pagdaanan ang lahat ng ito. Pero sa kabila ng mga paghihirap, marami pa rin akong dahilan para magpasalamat. Bawat paggising sa umaga ay biyaya. Bawat ligtas na dialysis session ay biyaya. Bawat dagdag na araw na nakakasama ko ang mga taong mahal ko ay biyaya.
Kaya sana, kahit ano pa ang sitwasyon natin ngayon — masaya man tayo o malungkot, may sobra man o kapos, malusog man o may iniindang sakit — matuto tayong alalahanin ang Diyos. Huwag lang natin Siyang tawagin kapag may problema. Hanapin din natin Siya kapag maayos ang lahat. Pasalamatan natin Siya hindi lang sa mga answered prayers, kundi pati sa mga panahong binigyan Niya tayo ng lakas para maghintay.
Because God is more than enough through every high and every low. Hindi lang Siya Diyos ng ating mga tagumpay, kundi Diyos din ng ating mga luha, paghihintay, at mga laban. At kapag natutunan nating magpasalamat sa bawat panahon, doon natin tunay na mararanasan ang kapayapaang tanging Siya lamang ang makapagbibigay.
Amen.
No comments:
Post a Comment