Bakit Mahirap Bantayan ang Dredging
Minsan, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap si Heidi Mendoza tungkol sa dredging at corruption. At doon mas luminaw sa akin kung bakit mataas ang corruption risk sa ganitong klase ng proyekto kapag mahina ang monitoring at independent verification.
Simple lang ang problema: nasa ilalim ng tubig ang malaking bahagi ng accomplishment.
Kapag classroom ang proyekto, puwede mong bilangin kung ilan ang ginawa. Kapag kalsada, makikita at masusukat mo kung gaano kahaba at kakapal. Pero sa dredging, hindi basta makikita ng ordinaryong tao kung 10,000 cubic meters ba talaga ang hinukay o 30,000 ang nakalagay sa accomplishment report.
Kaya heavily dependent ang verification sa before-and-after surveys, measurements, hauling and disposal records, at technical documentation. At kapag tag-ulan, mas nagiging komplikado dahil natural na nagbabago ang riverbed—may sedimentation, erosion, deposition at malakas na agos.
Ibig sabihin, hindi imposible i-audit ang dredging. May mga technical method para sukatin ito. Pero mas mahirap itong independently i-verify kaysa sa maraming visible infrastructure projects, lalo na kung kulang ang baseline data, documentation o independent inspection.
At dito pumapasok kung bakit madaling maging paboritong proyekto ng mga korap ang dredging: malaki ang perang puwedeng ilagay sa kontrata, mahirap makita ng publiko ang aktwal na accomplishment, at technical records ang pangunahing basehan kung tama ba ang volume at bayad.
Kapag mahina ang independent measurement, puwedeng ma-overstate ang volume sa papel. Kapag mahina ang monitoring, puwedeng mabayaran ang trabahong kulang sa aktwal na accomplishment. At dahil natural namang bumabalik ang sediment, maaari ring magkaroon ng lehitimong dahilan para sa repeat dredging—na lalo namang nangangailangan ng mahigpit na pagsusuri para matiyak na kailangan at tama ang panibagong kontrata.
Ito ang klase ng corruption na hindi kailangang magtayo ng ghost building.
Minsan, sapat nang dagdagan ang putik sa dokumento kahit hindi naman nadagdagan nang ganoon kalaki ang aktwal na hinukay sa ilog.
Kaya sa dredging, hindi sapat ang tanong na, “May proyekto ba?”
Ang mas mahalagang tanong:
Gaano karami talaga ang hinukay? Sino ang nagsukat? Independent ba ang measurement? At tugma ba ang binayaran ng gobyerno sa aktwal na trabahong ginawa?
Dahil sa public works, ang corruption ay hindi laging nakikita sa nawawalang gusali.
Minsan, nakatago ito sa ilang metro ng lalim, ilang libong cubic meters sa accomplishment report—at ilang milyong pisong hindi kayang makita ng mata lamang.

No comments:
Post a Comment