Bawasan Ang Alat Sa Pagkain
Payo Ni Doc Willie Ong
Alam niyo ba na masama sa atin ang maaalat na pagkain? Guilty tayo dito sa paggamit ng asin, toyo, patis, bagoong at iba pa sa ating niluluto at bilang sawsawan.
Kapag maraming asin sa katawan, hindi mailalabas maigi ng ating kidneys (bato) and tubig na ating naiinom. Dahil dito, puwede kang magkasakit tulad ng high blood pressure, mahina ang puso, sakit sa atay, sakit sa kidneys at manas sa paa.
May mga benepisyo ang pagbabawas ng alat sa pagkain:
1. Mas bababa ang iyong blood pressure – Kung kayo ay may altapresyon, matutulungang makontrol ito dahil mababawasan ang dami ng tubig sa katawan. Ayon sa pag-aaral, maaaring bumaba ng 20 puntos ang blood pressure ng may high blood sa pag-iwas sa maaalat. Kung dati-rati ay marami kang gamot na iniinom sa altapresyon, ay baka mabawasan natin ang gamot mo.
2. Mababawasan ang tsansa ng atake sa puso at istrok – Kapag bumaba ang high blood pressure, mas hindi mahihirapan ang puso at bababa ang tsansang magka-istrok o atake sa puso.
3. Mababawasan ang sintomas ng panghihina ng puso (heart failure) at manas – Kapag nalimitahan ang asin sa pagkain, mababawasan din ang pamamanas sa paa, pamamaga ng tiyan at mukha.
4. May pagsusuri na nagsasabi na posibleng makatulong din ang pagbabawas ng asin sa sakit na diabetes, Alzheimer’s disease, osteoporosis, stomach cancer at asthma. Pinag-aaralan pa ang ebidensya tungkol dito.
Kaya sanayin natin ang ating panlasa na huwag gumamit ng sawsawan. Mula pa lamang sa pagluluto ay dapat nang bawasan ang asin. Ang mga pangkaraniwang pagkain tulad ng adobo, beef steak at binagoongan ay madalas maalat ang pagkatimpla. Ang mga tuyo, daing at bagoong alamang ay napakaalat din.
Ang payo ko: Kung ano ang timpla ng pagkain ay huwag nang dagdagan pa ng patis at toyo. Suka at kalamansi na lang ang gawing sawsawan. Mag-ingat po.
No comments:
Post a Comment