Thursday, May 20, 2021

Iwas kanser

 Paano Iiwas Sa Kanser

Payo Ni Doc Willie Ong


Nakakatakot ang sakit na kanser dahil mahirap itong gamutin. Sa kanser, ang mga selula ng katawan ay bigla na lang nagbabago ng anyo at nagiging masama. Hindi pa alam ng mga doktor ang tunay na sanhi nito.

May kanser sa utak, sa baga, sa ilong, sa atay, sa bituka, sa colon, sa pancreas at sa balat. Iba’t ibang lugar ang pinagmumulan. Ang paniniwala ng mga cancer specialist ay may mga “triggers” o nagpapasimula ng kanser. Ang mga payong ito ay hindi pa tiyak, pero magandang sundin pa rin natin ito:


1. Iwas sa sigarilyo at alak – Makaiiwas tayo sa kanser sa baga, atay at tiyan.

2. Iwas sa polusyon at usok ng sasakyan.

3. Iwas sa matitinding sikat ng araw. Gumamit ng sunblock. Puwede kasi itong magdulot ng kanser sa balat.

4. Iwas sa mga sunog na pagkain o “smoked” foods tulad ng mga tinapa at barbeque. Puwede kasing may mga nagdudulot ng kanser dito.

5. Magbawas sa alat tulad ng patis, toyo, bagoong, alamang. Hindi pa ito tiyak, pero ayon sa espesyalista, puwedeng magising ang mga selula natin at maging kanser ang mga ito.

6. Iwas sa mga lamang loob tulad ng bopis, dinuguan, bituka at iba pa. Hindi po ito malinis at baka magdulot ng masama sa katawan.

7. Iwas sa pagkaing kalye. Umiwas sa mga maduduming pagkain sa kalye tulad ng fishball, kweck-kweck at betamax.

8. Magbawas sa pagkain ng “processed meats” tulad ng hotdog, langonisa, sausage, bologna at iba pa.

9. Magbawas sa pritong pagkain.

10. Iwas sa karneng baka at baboy. Tanggalin ang lahat ng taba.

11. Kumain ng maraming gulay at prutas. Puwedeng kumain ng manok paminsan-minsan. Mas mahaba ang buhay ng mga vegetarian.

12. Iwas sa galit, inis at iba pang negatibong emosyon. Naniniwala ako na ang positibong pananaw sa buhay ay makapagpapalalakas ng katawan at magpapahaba din ng inyong buhay.

13. Maging aktibo at mag-exercise palagi.

14. Alamin ang inyong lahi. Kung may lahi kayo ng breast cancer, magpasuri ng suso bawat 6 na buwan. Kung may lahi kayo ng kanser sa tiyan, magpa-ultrasound o CT Scan ng tiyan.

15. Magpa-check up sa doktor kada 6 na buwan. Ikonsulta ang kahit anong nararamdaman. Makatutulong ang doktor para makita ang inyong sakit.


Para sa kapakanan ng ating pamilya, alagaan natin ang ating katawan. Good luck po.

No comments: