Mga Hakbang Sa Panibagong Ikaw (Part 2)
Payo ni Doc Willie Ong
1. Katas ng prutas ay siksik sa bitamina.
Napaka-sustansya ng katas ng prutas tulad ng fruit shake at fruit juices. Puwede gumamit ng blender o juicer para makuha ang katas ng mga prutas tulad ng mansanas, carrot, pakwan at pipino. Puwede ito pag-haluin at inumin. Uminom ng 1 hanggang 2 baso lang kada araw. Huwag din sosobra at baka ika’y tumaba.
2. Gawing regular ang pag-dumi.
Para maalis ang dumi o toxins sa katawan, kailangan ay regular ang ating pag-dumi. Mas makatutulong kung bawat 1-2 araw ay dudumi na tayo. Para maging malambot at regular ang pagdumi, subukan ang pagkain ng sapat na prutas at gulay. Sa prutas, nagpapalambot ng dumi ang 4 P’s, tulad ng pakwan, papaya, peras (pears), at prune juice. Ang gulay na mataas sa fiber na nagpapabilis sa paglabas ng dumi. Ang high-fiber na gulay ay ang patola, kangkong at okra.
3. Matulog ng sapat para humaba ang buhay.
Kailangan natin ng 7-8 oras ng tulog bawat gabi. Mas nakapag-papalakas ang tulog sa gabi (mula 11 PM hanggang 3 AM) kumpara sa tulog sa umaga. Sa ating pagtulog, dito naghihilom ang katawan at natatanggal ang mga sakit ng katawan. Kung hindi ka makatulog, subukang humiga at ipikit lang ang mata. Sa ganitong paraan ay makakapahinga din ang iyong katawan.
4. Magpa-General check-up bawat taon.
Ang mga taong nagpapa-check-up kada taon ay mas humahaba ang buhay kumpara sa taong walang check-up. Ito ay dahil naaagapan ang mga sakit kapag na-diskubre ng maaga. Halimbawa, kapag hindi pa malala ang bukol, high blood, at diabetes, madali lang ito gamutin ng doktor. Pero kapag hinayaan natin ang sakit ay magkaroon ng komplikasyon, at mahirap na ito gamutin.
5. Uminom ng multivitamins araw-araw.
Dahil kulang sa bitamina at minerals ang ating kinakain, tulad ng fast-foods, ay puwede tayong uminom ng multi-vitamins araw-araw. Minsan, hindi natin napapansin na bumababa ang dami ng dugo at nagiging anemic tayo (mababa ang hemoglobin). Minsan, bumababa din ang potassium at nagdudulot ng komplikasyon sa puso. Kumonsulta sa doktor para malaman ang bitamina na babagay sa iyo.
No comments:
Post a Comment