Thursday, May 20, 2021

Ngipin

 Mga Pagkaing Mabuti Sa Ngipin

Payo ni Doc Willie Ong


Alam ba ninyo na may mga pagkaing maganda sa ating ngipin? Alamin ang mga ito:

1. Tubig – Ang pag-inom ng tubig ay may tulong sa pag-iwas sa sirang ngipin. Puwedeng mabawasan ng tubig ang mga bacteria at asukal na nakadikit sa ngipin. Itong bacteria at asukal ang nagdudulot ng tooth decay. Kaya kung kayo ay nag-meryenda o kumain ng candy o tsokolate, ugaliing uminom ng tubig pagkatapos para mahugasan ang mga nakadikit na pagkain. Kung wala kayong pagkakataon na mag-sepilyo, malaking tulong din ang pagmumog ng tubig para matanggal ang dumi na nakasinggit sa ngipin.

2. Malutong na gulay at prutas – May mga pagkaing malutong na makatutulong sa ngipin, tulad ng mansanas, peras (pears), carrots, celery, pipino, at sili (green pepper at red pepper). Kapag kumain ka nito, dadami ang produksyon ng laway, at itong laway ang makatutulong sa pagtanggal ng bacteria sa ngipin. Ang mga malulutong na gulay at prutas ay hindi rin maiipit sa gitna ng iyong ngipin.

3. Keso – May pagsusuri ang nagsasabi na ang pagkain ng keso ay nagpapatigas ng ating ngipin (enamel). Posibleng ang calcium ng keso ang nagpapalakas ng ngipin. Nalalabanan din ng keso ang pagiging acidic ng ating bibig, kung saan nakakagasgas ito ng ngipin.

4. Tsa-a – Ayon sa pag-aaral mula sa University of Illinois, ang mga taong umiinom ng tsa-a ay mas hindi nasisira ang ngipin kumpara sa hindi umiinom ng tsa-a. Tinatayang nilalabanan ng tsa-a ang mekanismo ng pagkasira ng ngipin.

5. Xylitol gum – Alam ng karamihan na masama ang candy at chewing gum sa ngipin dahil sa taglay nitong asukal. Ngunit may isang klaseng chewing gum na mabuti sa ngipin. Ang Xylitol ay isang natural na pampatamis na hindi magagamit ng bacteria. Dahil dito, namamatay at nababawasan ang dami ng bacteria.


Bukod sa mga pagkaing ito, dapat tayong mag-sepilyo ng 3 beses sa isang araw. Gumamit din ng dental floss at tongue cleaner para siguradong malinis ang bibig at mabango ang hininga.

No comments: