Wednesday, May 19, 2021

Tetano wag balewalain.

 Pako Natapakan? Naglakad sa lupa o bukid?

Mag-ingat Sa Tetano

Payo ni Doc Willie Ong


May babala ako sa sakit na tetano. Ang tetano ay isang seryosong impeksyon na umaatake sa nerves ng isang tao.


Ang clostridium tetani ay isang bacteria na nagdudulot ng tetanus infection o tetano. Pumapasok ang bacteria sa loob ng katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat. Kung mas malaki at mas madumi ang sugat ay mas mataas ang tsansa ng tetano.


Dahil dito, kahit anong sugat ay dapat linisin agad para hindi pasukan ng bacteria na tetanus. Nakikita ang nasabing bacteria sa lupa at maduduming lugar.


Ang sintomas ng tetano ay ang lagnat, paninigas ng bibig at mga masel sa leeg. Nahihirapan silang lumunok at naninigas din ang tiyan at katawan. Madali din sila masilaw at maingayan.


Kapag nagkaroon ng sintomas ay mahirap na itong gamutin. Puwede itong umabot sa hirap ng paghinga, pagkabit sa isang ventilator at pagkamatay. Kaya kailangan na dalhin agad sa ospital.


“Huwag kang pasaway, dahil tetano ay nakamamatay.” Mas madali po sana ang pag-iwas sa tetano kaysa sa paggamot nito. Hanggang sa ngayon, wala pang tiyak na lunas sa tetano.


Sundin ang mga payong ito:

1. Huwag balewalain ang paso at sugat kahit gaano man ito kaliit. Lalo na ang mga sugat mula sa paputok, pagkabaril, aksidente at maduming bakal at bagay.

2. Bilang pangunahing lunas, hugasan ang sugat ng sabon at malinis na tubig. Kapag madumi ang sugat, pumunta sa doktor para malinis ito ng maigi.

3. Pumunta agad sa health center o ospital para mabigyan ng bakuna kontra tetano. Nagbibigay din ang doktor ng antibiotic para mabawasan ang iba pang mikrobyo.

4. Kung wala pa kayong bakuna sa tetano, puwede nang magpabakuna laban dito kahit wala pang sugat. Binibigay ang booster dose (o dagdag bakuna) bawat 10 taon.

5. Maging maalam at malinis sa katawan. Sugat ay ingatan at huwag balewalain. Kumonsulta agad sa inyong doctor

No comments: