Wednesday, August 13, 2025

PTA.

Sen. Raffy Tulfo, with all due respect po, bilang guro at magulang, may ilang bagay akong gustong ilahad mula sa totoong nangyayari sa mga paaralan.

Una, bago po natin pag-usapan kung ano ang nangyayari sa PTA meetings, sana rin po ay maranasan ninyo ang init sa loob ng mga silid-aralan. Mainit, siksikan, at walang maayos na bentilasyon, paano po matututo nang maayos ang mga bata kung hindi komportable ang kanilang sitwasyon?

Pangalawa, ang mga proyekto ng PTA ay hindi sapilitan, at kung may reklamo man, kadalasan ay mula sa mga magulang na hindi uma-attend ng mismong meeting. Ang mga proyektong ito ay para sa kapakanan ng mga estudyante, at kadalasan, PTA mismo ang nagdedesisyon, kami, mga guro, ay gabay lamang.

Pangatlo, hindi po totoo na hindi napag-uusapan ang academic performance. Lagi po ‘yan nasa agenda, pero may iba ring isyung kailangan ding tugunan para sa kabuuang pag-unlad ng paaralan.

Kung maaari lang po, sana mas pagtuunan ninyo ng pansin ang mas malalaking isyu:

🥲Ang korapsyon sa mas mataas na posisyon.
🥲Mga kaso ng pang-aabuso sa GSIS loan kung saan pangalan lang ng guro ang ginamit.
🥲Ang mababang kalidad ng mga laptop na ipinamahagi noon, at kung paano mabibigyan ng maayos na kagamitan ang mga guro.
😢Dagdag benepisyo para sa mga guro.
😭Ang pabago-bagong sistema ng edukasyon na kami rin ang nahihirapan mag-adjust kada palit ng pamunuan.
😭Ang mga format ng lesson plan na sobrang abala at paulit-ulit, samantalang puwede namang magbigay na ang DepEd ng standardized na handa nang gamitin, kasama ang mga presentation at learning materials.

At huwag rin nating kalimutan ang isyu ng bullying, hindi lang sa mga bata kundi pati sa mga guro. May mga pagkakataon na hindi na nirerespeto ng ilan sa mga magulang at estudyante ang kanilang mga guro.

Senador, marami pong hinanaing ang mga guro. Sana po, bumaba kayo mula sa inyong malamig at komportableng opisina at pakinggan ang boses ng mga taong nasa mismong larangan ng pagtuturo. Dahil kung tunay nating mahal ang edukasyon, sisimulan natin sa pakikinig sa mga guro, ang unang saksi at kasama ng mga bata sa kanilang pagkatuto.

PS: Alam niyo po ba, may mga guro na naglo-loan para makabili dati ng projector, ngayon naman ay TV para lang may magamit sa pagtuturo? Hindi po lahat nanggagaling sa pondo, kadalasan sariling bulsa ni teacher ang nauubos.



No comments: