4 Mabisang Tips sa Kalusugan
Payo ni Doc Willie Ong
1. Kumain ng mas kaunting pagkain.
Maraming mga pag-aaral ang nagpakita na ang pagbabawas sa pagkonsumo ng calories ay nagpapahaba ng buhay. Ayon sa teorya sa pag-diyeta, ang pagkain ng mas kaunting pagkain (20% na mas kaunti) ay maaaring mabawasan ang dami ng pamamaga sa mga daluyan ng dugo at maaaring bawasan ang dami ng mga lason sa katawan. Kahit sa panahon ng Bibliya, ang pag-fasting at pag-iwas sa ilang mga pagkain ay hinihikayat.
2. Subukan ang Mediterranean Diet.
Ang Mediterranean diet ay binubuo ng gulay, prutas, beans, mani at olive oil. Ang mga isda at manok ay kinakain din ng katamtaman. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mga taong kumonsumo ng Mediterranean diet ay makaiiwas sa sakit sa puso at Alzheimers Disease. Sa katunayan, itinuturing ito ng ilang mga eksperto bilang pinaka-masustansyang diyeta.
3. Piliin ang masustansyang fats.
Mayroong 2 uri ng taba (fats): ang masustansya at hindi masustansyang taba. Ang mga hindi masustansyang taba (saturated fats at trans-fatty acids) ay nagdudulot ng sakit sa puso. Ang saturated fats ay matatagpuan sa mantikilya, creams, at taba ng baboy at baka. Ang trans fats ay matatagpuan sa margarines at cooking oil at mga pagkaing dumaan sa proseso kagaya ng biscuits. Tingnan ang label at subukan bawasan ang pagkain nito. Sa kabilang dako, ang masustansyang fats ay matatagpuan sa mani, abokado at matatabang isda katulad ng salmon, sardines, mackerel at tilapia. Kung mamimili, piliin ang low-fat milk at low fat na mga palaman. Alisin ang mga nakikitang taba bago ito lutuin.
4. Panatilihin ang kalinisan sa ngipin.
Ang pagkakaroon ng sakit sa gilagid ay nauugnay sa sakit sa puso at sa katunayan ay maaaring magpa-ikli ng buhay. Pinaniniwalaan na ang pamamaga sa gilagid ay nauugnay sa pamamaga din ng mga arteries o ugat sa puso. Ang impeksyon sa bibig ay maaaring humantong sa delikadong impeksyon sa balbula (valve) ng puso. Mag-sepilyo ng ngipin 3 beses kada araw. Gumamit ng panlinis ng dila para matanggal ang bakterya sa dila. At mag-floss din araw-araw.
No comments:
Post a Comment